Walang pagtanda sa isla ng digma
Sa isang isla sa Kabisayaan, dalawang nakakatandang rebolusyonaryo ang nagpatotoo: Hindi hadlang ang edad para puspusang mag-alay ng lakas at talino para sa minimithing tagumpay.

Capiz, Panay—Noong unang sumapi si Ka Victor sa New People’s Army (NPA), nakabahag pa ang mga katutubong naninirahan sa mga bulubundukin ng isla ng Panay. Bitbit nila ang mga panangga’t itak, at may kuto sa katawan. Beinte-dos anyos na estudyante noon si Ka Victor.
Makalipas ang 36 na taon, naroroon pa rin si Ka Victor. Isa na siyang mataas na opisyal ng Coronacion Chiva “Waling-Waling” Command, ang sentrong kumand ng NPA sa rehiyon. Kasama niyang namumuno ang asawang si Ka Sylvia, 18 anyos nang unang sumapi sa hukbo, at katulad na Ka Victor ay produkto ng ng First Quarter Storm noong diktadurang Marcos.
Pareho silang may mataas na presyo sa ulo; may sariling kuwento ang buhay ng bawat isa. Pero para sa kanila, wala nang mas interesante pa kaysa sa kuwento ng ipinundar nilang rebolusyonaryong kilusan.
Hukbo ng katutubo
Isa ang isla ng Panay sa 10 pinakamalalaking isla sa Pilipinas. Pero kung pag-uusapan ang pambansang estratehiya ng mga rebelde, hindi ito kasing-halaga ng ibang mga rehiyon sa Luzon at Mindanao, ayon sa dalawang lider-NPA. Katunayan, aminado sila na “maliit” ang rebolusyonaryong mga puwersa sa Panay kung pagbabatayan ang bilang ng mga rebelde at ikukumpara sa iba pang rehiyon na impluwensiyado ng NPA.
Gayunpaman, mahalaga para sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na madurog ang rebelyon dito. Matatagpuan kasi sa bayan ng Tapaz, Capiz, ang ikalawang pinakamalaking sentro ng pagsasanay-militar (kasunod ng Fort Magsaysay sa Nueva Ecija), kung saan sinasanay ang mga tropang ipinapadala sa Visayas at Mindanao. Nakatirik ito sa 33,300 ektarya ng lupaing katutubo.
Dahil sa presensiya ng NPA, nabigo ang AFP na palayasin ang mga katutubo. Gayunpaman, matagal na silang biktima ng mga paglabag sa karapatang pantao. Noong nakaraang taon, namatay ang isang buntis at nasugatan ang kanyang asawa nang mag-strafing ang mga miyembro ng 3rd Infantry Division ng Philippine Army sa Barrio Rizal Sur. “Matagal nang nangyayari ito. Sasabihin ng AFP na namatay sila sa engkuwentro. At dahil mga katutubo, madalas na hindi sila nagrereklamo,” ayon kay Ka Victor.
Ang NPA ang tanging tanda na marunong ding magreklamo—at lumaban—ang mga katutubo. Dating nabubuhay lamang sa pagkakaingin, tinulungan sila ng mga rebelde na magsaka. Ngayon, ang isla ang tinataguriang “rice granary” ng Visayas.
Naghihirap pa rin ang mga magsasaka. Magastos ang produksiyon at mababa ang presyo ng kanilang mga produkto. Pero naging kaagapay nila ang NPA, mula sa simpleng pagpapataas ng produktibidad—gaya ng pagpapaunlad ng mga binhing hindi kailangan ng kemikal na pataba at pestisidyo at sama-samang pagbubungkal—hanggang sa paggigiit ng karapatan, gaya ng mas mataas na presyo ng kanilang produkto at pag-ookupa sa abandonadong mga lupain.
“’Yung masa, hahanap at hahanap talaga ng paraan para umahon mula sa kahirapan. At ang kilusan ang nagbibigay sa kanila ng alternatibo,” sabi ni Ka Sylvia.
Dagdag niya, ang NPA na rin ang nagturo sa mga katutubo na magbasa at magsulat at nagsanay sa kanila sa batayang kakayahang medikal. Nagsisilbi rin silang tagapamayapa ng mga alitan sa komunidad.
OBL: malayo sa target
Sa pagpasok ng gobyernong Arroyo noong 2001, idineklara ng 3rd ID na sa loob ng isang taon, 10 porsiyento na lamang ng mga rebelde ang matitira sa isla. Ipinatupad ang notoryus na programang kontra-insurhensiyang Oplan Bantay Laya (OBL). Makalipas ang halos isang dekada, nananatiling malayo sa target ang AFP.
Dumoble pa nga, ayon sa mag-asawa, ang lakas ng rebolusyonaryong kilusan. Sa kabila ito ng pagdeploy sa rehiyon ng isang batalyon ng Scout Rangers noong 2005 hanggang 2006; pagpakat ng anim hanggang walong pangkat ng Reengineered Special Operations and Tactics (RSOT) taun-taon simula 2001; at paglunsad ng mga operasyong may laking-brigada simula noong nakaraang taon.
“Wala silang napapala,” sabi ni Ka Sylvia. Nireyd nila ang command center ng RSOT sa Tapaz noong 2003, at ang estasyon ng Philippine National Police (PNP) sa parehong bayan noong 2004. Inambus nila ang isang trak ng Scout Rangers noong 2005 sa Calinog.