Konteksto

Dilaw at pula sa panahon ng ‘daang matuwid’


Siguro’y lipas na ang pakikibaka, minsa’y nasa isip mo. Wala nang lugar para sa protesta dahil nagbalik na ang demokrasya.

Siguro’y lipas na ang pakikibaka, minsa’y nasa isip mo. Wala nang lugar para sa protesta dahil nagbalik na ang demokrasya.

Ano nga ba naman ang batayan ng pagmamartsa sa kalsada? Popular na ang kasalukuyang Pangulo. Katanggap-tanggap sa publiko ang mga naitalagang Kalihim ng Department of Justice (DOJ) at Department of Interior and Local Government (DILG). Bentang-benta sa marami ang desisyon ng Pangulong hindi gumamit ng sirena o blinker sa kanyang araw-araw na pagbiyahe. Ang kanyang pagsunod sa batas-trapiko, lalo na ang paghinto ng kanyang convoy kapag pula ang traffic light, ay nagsisilbing magandang halimbawa sa lahat na sumunod sa batas.

May dahilan para magbigay ng papuri. May lugar pa nga ba para magbato ng puna?

Kahit na sabihing may limang aktibistang pinaslang sa unang 12 araw ng panunungkulan ni Pangulong Benigno Aquino III, sinabi naman ng huling hindi katanggap-tanggap ang anumang porma ng paglabag sa karapatang pantao. Sabi ni Presidential Spokesperson Edwin Lacierda, “We have no policy of extra-judicial killings. We will not countenance any extra-judicial killing. Our policy is we will not tolerate extra-judicial killings.

Para sa iba, sapat na ang pahayag na ito para hindi sisihin ang kasalukuyang administrasyon. Kung sabagay, puwede namang sabihing ginagawa ito ng ilang elemento sa militar para hiyain ang mga nasa kapangyarihan. At para sa mga galit sa komunista, malamang na mauulit na naman ang walang-batayang akusasyong kasalanan ng New People’s Army (NPA) ang nangyayaring pagpatay sa kasalukuyan.

Madali namang isisi ang lahat sa mga komunistang ang simbolo ay pula. Kung ang pulang bandila’y sumisimbolo sa militanteng pakikibaka, lahat ng mga nagmamartsa’y inaakusahang komunista. Dahil pareho ang kulay na ginagamit at pagsusuring sinasambit, hindi na raw dapat pinaghihiwalay ang legal at hindi legal, ang pagkilos sa larangang parlamento’t armado. Ang pula ay pula, at lahat sila’y lipas na.

Panahon na ng dilaw ngayon. Simbolo raw ito hindi ng karuwagan kundi ng alternatibong paraan ng “pakikibaka.” Ang pagbabagong ipinapangako ng kilusang dilaw ay mapayapa, hindi tulad ng mga naniniwala sa armadong pakikibaka. Hindi raw kasi maiiwasang dumanak ang dugo sa pamamagitan ng pagyakap sa pula, kaya mainam at ligtas na alternatibo ang sumuporta na lang sa kasalukuyang administrasyon.

Napakadaling isuko ang sarili ngayon. Ang sinasabing “daang matuwid” ay mabenta sa mga taong nawalan na ng pag-asa o pagod na sa pakikibaka. Para sa maraming yumayakap sa dilaw, binubuo na ang bagong Pilipinas na direktang kabaligtaran ng nakalipas na administrasyong Macapagal-Arroyo. Para sa kanila, walang dahilan para hindi suportahan ang kasalukuyang administrasyon. Si Noynoy ay hindi si Gloria, at ito ay sapat na!

Hindi naman masisisi ang maraming Pilipino kung umabot na sa ganito kababang pamantayan ang katangian ng pagsuporta sa isang Pangulo. Dahil nanggaling tayo sa karumal-dumal na kanasan ng tiwaling pamamahala, natural lamang na ikatutuwa ng lahat ang maliliit na desisyon tulad ng pagsunod sa batas-trapiko. Basta’t walang rekord ng pagnanakaw sa kaban ng bayan, ang mga itinalagang opisyal ng gobyerno ay nagiging katanggap-tanggap dahil na rin sa nakaraang sitwasyong kahit ang manikurista’t hardinero ni Gloria ay nabibigyan ng posisyon sa gobyerno. Kung ikukumpara nga naman ang desisyon ng kasalukuyang Pangulong huwag bigyan ng anumang posisyon ng pamahalaan ang kanyang mga kamag-anak, hindi nga ba’t lumalabas na santo si Aquino?

Pero kahit na sabihing magiging matagumpay ang kampanya ng kasalukuyang administrasyon laban sa korupsyon, may makabuluhan bang pagbabago sa iba pang mahahalagang larangan?

Nakaparaming tanong sa kasalukuyan: Makakaya bang ibasura ng mga nasa kapangyarihan ang makaisang panig na mga kasunduan tulad ng US-RP Visiting Forces Agreement (VFA)? Makikita kaya nilang kontra sa interes ng mamamayan ang mga globalistang pakataran tulad ng Downstream Oil Industry Deregulation Act at ang Electric Power Industry Reform Act na pawang nagreresulta sa pagtataas sa presyo ng langis at singil sa kuryente? Magkukusa kaya silang ibalik sa kontrol ng pamahalaan ang serbisyo ng tubig at kuryente para hindi na pagsamantalahan ng mga pribadong negosyante ang mga batayang serbisyong ito? Magkakaroon kaya ng pulitikal na kakayahan ang pamahalaang magbigay ng legislated wage hike para sa lahat ng manggagawa? Maipapatupad kaya ang tunay na repormang agraryo, kasama na ang Hacienda Luisita na pag-aari ng mga Cojuangco’t Aquino?

Alam nating lahat na imposibleng maipatupad lahat ng mga kailangang gawin sa loob ng anim na taon dahil sa patong-patong na problemang kinakaharap ng Pilipinas. Pero dapat na nakikita ng lahat ng mamamayan ang mga inisyatibang patungo sa direksiyon ng makabuluhang pagbabago. At ang mga inisyatibang ito’y maaaring magmula sa direktang pahayag ng mga nasa kapangyarihan kung ano ang kanilang paninindigan. Kapansin-pansin sa kasalukuyan ang pananahimik ng Pangulo’t iba pang opisyal sa mga susing usapin ng kinakailangang pagbabago para mapaganda ang kalagayan ng nakararaming mahihirap.

Sa kontekstong ito, may sapat na dahilan para manatiling kritikal. Para sa mga taong may malalim na pag-unawa sa mga nangyayari sa lipunan, hindi nakakagulat na patuloy pa rin silang yumayakap sa kanilang paniniwala. Patuloy pa rin ang pagwagayway ng pulang bandila sa pagpapatuloy ng kultura ng protesta.

Iba man ang administrasyon, kabaligtaran man ito ng tiwaling gawi ng nakaraan, ang paninindigan nito’y patuloy pa ring nagsisilbi sa interes ng iilan. Nagbago man ang komposisyon ng mga nasa kapangyarihan, nabibilang pa rin sila sa nakatataas na uri ng lipunan. Natural lamang na ang kanilang itinataguyod ay ang interes nila. Kung mayroon mang pakinabang ang mahihirap, malamang na ito ay pabalat-bunga lamang at hindi bumabangga sa interes ng mayayaman.

Kaya nga sa kabila ng panunungkulan ng dilaw, patuloy pa rin ang pakikibaka ng pula. Iba’t ibang kulay ang tunggalian na siyang pinagmumulan ng personal na agam-agam. Ang pagsuko’y para sa napapagal,  ang pagdududa’y para sa naguguluhan, at ang pakikibaka’y para sa kasaysayan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.