Pinoy Weekly

Edukasyong bokasyunal, di tanggap na alternatibo ng kabataan

Hindi tanggap ng kabataan ang edukasyong bokasyunal bilang alternatibo sa pagkokolehiyo o tertiary education na suportado ng gobyerno, ayon sa mga kabataan na nagmartsa ngayong araw patungong Mendiola.

Sa isang pagkilos, ipinaabot nila kay Pang. Benigno “Noynoy” Aquino III na dapat maging prayoridad nito ang reporma sa edukasyon sa unang 100 araw ng panunungkulan.

Sa inaugural address noong Hunyo 30, sinabi ni Aquino na kasama sa kanyang programa ang “de-kalidad na edukasyon, kabilang ang edukasyong bokasyonal para makapaghanap ng marangal na trabaho ang hindi makapag-kolehiyo.”

Pero ayon kay Anton Dulce, bise-presidente ng grupong Anakbayan, posibleng kinokondisyon ni Aquino ang mga kabataan na tanggapin ang kawalang-responsibilidad ng gobyerno sa sektor ng edukasyon, gaya ng ginawa ni Pangulong Arroyo.

Sa ilalim ng gobyernong Arroyo, binigyang-diin ang pagpapausbong sa vocational schools, sa halip na dagdagan ang badyet sa edukasyon.

Noong 2009 lamang, kinaltasan ng P3 Bilyon ang badyet ng state colleges and universities.

Umaabot lamang sa 2.37 porsiyento ng Gross Domestic Product (GDP) ang napupunta sa edukasyon, malayo sa 6 porsiyento na inirerekomenda ng United Nations.

“Hindi kailangan ng vocational ‘fallback plan’ kung magagarantiya ni Aquino ang de-kalidad na edukasyon sa hayskul at kolehiyo,” sabi ni Dulce.

Sinabi nitong dapat maging mas komprehensibo ang pagtugon ng bagong pangulo sa problema sa edukasyon.

“Ipinapakita ng mga sarbey na ang numero-unong dahilan ng pag-dropout ng mga estudyante sa eskuwelahan ay ang mababang kita ng kanilang mga magulang. Hindi nila matustusan kahit ang pamasahe at baon ng kanilang mga anak,” sabi ni Dulce.

Isa sa hiling ng mga grupong kabataan sa unang 100 araw ni Aquino ay ang pagbibigay ng emergency funds para sa edukasyon, na kukuhanin mula sa pondo ng Office of the President.

Tinukoy ng National Union of Student of the Philippines ang Polytechnic University of the Philippines, na kinakapos sa badyet, sa mga posibleng benepisyaryo ng nasabing emergency funds.

Bukod dito, hiniling ng mga kabataan ang moratoryo sa pagtaas sa singil sa matrikula, na umano’y halos dumoble simula nang maupo sa puwesto si dating pangulong Gloria Arroyo noong 2001.

Dagdag ni Dulce, dapat kasabay ng moratoryo sa pagtaas sa singil sa matrikula ang pagtaas sa sahod ng mga manggagawa at pagkontrol o pag-rolbak sa presyo ng batayang mga bilihin at serbisyo.

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=8075

Posted by on Jul 2 2010. Filed under Balita. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes