Uncategorized

Halina’t saksihan ang 2010 Cinemalaya Independent Film Festival


Labanan ng matitindi ang ika-6 na Cinemalaya Independent Film Festival na idinadaos sa Cultural Center of the Philippines. Dangan nga lamang at hindi nakahabol ang mahusay ding direktor na si Arnel Mardoquio para sa pelikulang “Sheika” na disin sana’y lalo pang magpapaigting ng labanan. Pero hindi bale. Marami pa silang natitira. At sa simula pa […]

Labanan ng matitindi ang ika-6 na Cinemalaya Independent Film Festival na idinadaos sa Cultural Center of the Philippines.

Dangan nga lamang at hindi nakahabol ang mahusay ding direktor na si Arnel Mardoquio para sa pelikulang “Sheika” na disin sana’y lalo pang magpapaigting ng labanan.

Pero hindi bale.

Marami pa silang natitira.

At sa simula pa lang—tatlo pa lang ang napapanood namin—pero nakalatag na ang kahusayan ng mga manlilikha, bago man o beterano.

Nasaksihan na namin ang “Ang Paglilitis ni Andres Bonifacio” ni Mario O’Hara at “Sigwa” ni Joel Lamangan, kapwa kalahok na opisyal nsa Directors Showcase, ang bagong kategorya para sa mga bating na direktor na dating may dibisyong pangalang Open Category at “Mayohan” ni Dan Villegas at ni Paul Sta. Ana na kasama naman sa tunggalian sa New Breed na kategorya.

***

Nagbukas ang Cinemalaya 2010 noong Biyernes sa pamamagitan ng isang simple subalit makatuturang panimula.

Siyempre’y binasag ang katahimikan ng mga maestro at maestra ng palatantunan—isa si Gab Mercado at dalawa pang bagito at bagitang emcee na ang isa ay bading na bading—sa pamamagitan ng isang subastahan.

Ano, subastahan sa isang film festival?

Aba’y talagang napakainobatibo ng pestibal na ito at kahit na magtaray ang peryodistang si Ibarra Mateo na nagpapahaba lang ng oras ng palatuntunan ang subasta, siyempre’y isa itong bagong pakulo na pinatulan naman ng mga bisita.

May mga ibinentang kasangkapan kaugnay sa mga pelikulang lahok sa limang nakaraang pestibal—tulad ng isang lilok na anito ng Ifugao na mula sa obrang “Battad” ni Benjie Garcia.

May buhok na mahabang ubanin.

May picture na nakadispley ang larawan ng beteranang aktres na si Caridad Sanchez.

May imahen ng Last Supper na ginamit sa “Last Supper No. 3.”

Naubos ang lahat ng paninda at ang mga bumili ay natuwang iniuwi ang mga makasaysayang props na ito.

***

Pinangunahan ni Isabel Caro Wilson, ang presidente ng CCP ang pagdiriwang.

Hindi nawala sa pagbubukas ang Artistic Director ni Wilson na si Raul Sunico.

Siyempre’y presente ang mga kapangyarihan sa likod ng Cinemalaya—Robbie Tan ng Seiko Films, Monitoring Director, Laurice Guillen, Competition Director; Nestor Jardin, Festival Director at Antonio “Tony Boy” Cojuangco, Chairman ng Cinemalaya Foundation, Inc.

Kumpleto ang mga bigatin ng estado.

Namataan namin sa kapal ng mga panauhin sina John Arcilla, Ina Feleo, Romalito Mallari, Boots Anson Roa, Sue Prado, Rica Arevalo, Sarah Garcia, Lally Suzara, ang misis ng direktor na si Romy Suzara kasama si Digna H. Santiago at Ellen Ramos.

Ang mga kilalang filmmaker na sina O’Hara at Lamangan, Gil M. Portes, Carlitos Siguion-Reyna, Joselito Altarejos at iba pa ay nakipagbungguang-balikat sa populasyon ng ika-6 na Cinemalaya sa bulwagan pa lang ng CCP.

***

Huwag isnabin ang Philippine Philharmonic Orchestra sa pagtugtog nito ng klasikal na musika na isinaliw sa pag-indak at pag-indayog ng mga ballet dancer ng Ballet Philippines ni Paul Alexander Morales na isa ring ipinagkakapuring direktor ng pelikula.

Kung natatandaan nating lahat, si Morales ang direktor ng “Concerto” na pinangunahan nina Meryll Soriano at Ina Asistio na ipinalabas noong ika-4 na Cinemalaya.

Ibang klase ang presentasyon ng PPO at BP dahil imbes na sa loob sila ng lobby ng Main Theater ng CCP pumuwesto at nagtanghal, nandoon sila sa bukanang rampa ng Sentrong Pangkultura ng Pilipinas.

Habang sa rampa sa may gilid ng deskalso ng CCP nandoon ang buong orkestra, nasa may mahabang bangketa at plataporma naman ang mga mananayaw at doon sila umiindak at umiindayog.

Heto na ang kaibang panonood ng pagtatanghal na ito.

Ang mga bisita ay nakaupo sa lobby habang nahahati naman ng mga pintong salamin at bubog at dingding na semento ang pagpapalabas ng sayaw at musika.

Makabagong estilo ng pisikal na kaayusan ng teatro na nakakapanibago sa mga tagapanood kung hindi sanay pero nairaos naman nang kaiba at matiwasay ang ispektakulo.

***

May modernong sayaw din ang BP pero nandoon pa rin ang klasikong kilos at galaw.

Pati na ang pagpapatawa ni Gab ay kuwela sa mga tao kaya naman nagpapalakpakan sila sa klase ng komedya nito gayundin ng baklang emcee at ng babaing tagapagpakilala.

Ayon sa peryodistang si Ibarra ay bagung-bago lang ang babaing emcee.

Nasa audience din ang mga peryodistang pampelikula na sina Art Tapalla, Linda Cabuhayan, William Reyes, Ronald Carballo, Robert Silverio, Wil Proviño, Bayani San Diego, Jr., Cesar Evangelista at marami pang iba.

Talagang pinaghahandaan ni Irene Rada, ang Public Relations Officer ng CCP ang pagdalo ng mga peryodistang pampelikula dahil nga sa popular na popular ang mga ito at ang nais ni Irene ay maipalaganap sa masa, sa mga pangkaraniwang tao at sa publiko sa pangkalahatan ang Cinemalaya at ang makatao, makadiyos at makabayan nitong mga simulain sa pagbabago ng pananaw sa sining ng sinema.

***

May kapalpakan nga lang ang teknikal na bahagi ng palatuntunan lalo na nang magtalumpati na si Ms. Wilson.

Disin sana’y maayos at makinis ang pananalita ni Aling Isabel pero nang dahil sa mahina ang puwersa na nanggagaling sa mikropono na mula sa mga makina ng tunog, walang masyadong naintindihan ang mga panauhin sa mahalaga niyang mensahe sa katuturan ng Cinemalaya at ang kabuluhan nito sa sambayanan na dapat matutunan, ipamahagi at gawin ng mga tagapanood at tagalikha rin ng mga obra.

Kaya nga marahil iniba na ang puwesto ng podium at mike na gagamitin dahil sa nawawala ang malakas na tunog ng pagsasalita at mula sa sahig ng lobby ay dinala ang podium at mike sa isang mataas na pedestal na nasa ibaba lang ng hagdanan ng Main Theater.

Doon na nagsalita sina Jardin, Guillen at Cojuangco.

***

Ang isa pang palpak ay ang paghintu-hinto ng DVD tape sa player nito sa pagtatanghal ng opening film na “Ganap na Babae” nina Arevalo, Ramos at Garcia.

Tampok sa panoorin si Mercedes Cabral na hindi naman nakadalo sa premiere night dahil may fashion show daw, si Sue at si Boots—tatlo silang klase ng babae, isang puta (Mercedes), isang magbubukid na babae (Prado) at isang nagmumurang kamyas na balo na umibig sa isang bagets.

Nang dahil sa aberyang ito ay nainis umano si Rica, ayon sa peryodistang pampelikula si Adobas.

Humingi naman ng dispensa si Will Fredo, ang Chief Executive Officer ng Hubo Productions na gumawa ng “Ganap na Babae.”

***

Ngayon pa lang, sulit na ang ating panahon, pera, pagsayod sa mga pelikula, pawis at pangarap sa mga napanood na natin tulad ng “Ang Paglilitis ni Andres Bonifacio” na may bagong pananaw sa kasong rebelyon at sedisyon ni Andres na inihain ng rebolusyonaryong gobyerno ni General Emilio Aguinaldo.

Maganda rin ang nilalaman at estilo ng “Sigwa” nab agamat melodrama ay makabuluhan ang teksto at bisyon.

Makabagong kabataan naman ang tinalakay ng “Mayohan” na sa Infanta, Quezon kinunan ang kabuuang pelikula.

Manonood pa kami ng marami at sana ay kayo rin.

Mabuhay ang pelikulang Filipino!

Mabuhay ang Cinemalaya!