Movie Buff

Ang lipunan sa ating mga paaralan

Isang simpleng larong gagamba ng mga batang naging daan upang ilahad ang realidad ng lipunan.

Nitong nagdaang buwan, naging laman ng balita ang tungkol sa karahasan sa loob ng mga paaralan. Sa nakalipas na dekada, parang naging normal na rin ang balita na may pinatay. Hindi lang iilan ang dinukot at pinatay.

Sa madaling sabi, namamayani ang kultura ng karahasan sa Pilipinas. Naranasan ng bansa ang mga kasong pang-aabuso sa karapatang pantao. Dahil dito, malaking bahagi ng pang-araw-araw na buhay balot ng takot at karahasan. 

Para kay JL Burgos, direktor at manunulat ng pelikulang “Ganggang” na opisyal na kalahok sa 2026 Cinemalaya Independent Film Festival, ang kulturang ito’y “nagsisimula sa matatanda, hindi naman ‘yan kultura ng isang bata.” Ito rin ang nais basagin ng kanyang bagong pelikula.

Tatlong batang magkakaibigan ang bida. Isang anak ng mahirap na magsasaka, isang anak ng sundalo at isang anak ng desaparecido. Magkakaiba man ang kanilang pinanggalingan, iisa lang ang kanilang layunin, ang makahanap ng gagamba na ipanlalaban sa school bully. Dito makikita kung paano nga nila namana ang kultura ng kanilang mga magulang.

Sa unang tingin, tila simpleng kuwento lang ito tungkol sa pagkakaibigan at larong pambata. Ngunit habang umuusad ang kuwento, unti-unting nabubunyag na ang tunay na kalaban ay hindi lang ang gagamba ng school bully.

Sa loob ng paaralan ang tagpuan ng istorya. Malinaw agad na tungkol ito sa karanasan ng mga bata. Sa isang banda, madaling makaka-relate ang mga manonood dito dahil lahat nama’y minsang naging bata.

Sabi ni Burgos, “Noong bata ako, naglalaro na talaga ako ng gagamba. Isa ‘yon sa mga libangan ko [noon]”. Maaaring libangan noon ngunit sa pelikula niya, naging matingkad itong simbolo sa masalimuot na mundo ng mga karakter at kahit sa totoong buhay na rin.

Bagaman mga bata, mukhang hindi lang sila bata na sunod lang nang sunod sa kanilang mga magulang. Hindi sila mga tau-tauhan sa mundo, kundi mga aktibong nakikisangkot sa agos at daloy ng panahon. 

Mula rito, ang paaralan ay maaari rin gawing salamin ng ating lipunan. Sa loob ng mga pader nito nagkakahalubilo ang iba’t ibang uri ng tao. May mayaman at mahirap, may inaapi at nang-aapi.

Sa pelikula, isa ang nagiging malinaw na kahihinatnan, kung magwawagi ba ang makapangyarihan o ang katarungan. Hindi bago ang ganitong framing sa mga pelikulang Pilipino. Sa “Kisapmata” (1981) ni Mike de Leon, ipinasok ng direktor ang diktadurang Marcos sa tahanan ng mga Carandang. Sa ganitong gana, ipinagpapatuloy ni Burgos ang mahabang tradisyon ng pagpepelikula ng mga Pilipino.

Ang pelikula ay umiikot sa Barangay Sidhaya. Isang pamayanan na lubhang militarisado. Ani ni Burgos ang “Sidhaya” ay nangangahulugang “ekspresyon.” Nagsisilbi itong mensaheng nais iparating ng pelikula. Hindi lang ito kung saan nangyayari ang kuwento, kundi ang iba’t ibang mukha ng lipunang nais ilantad ng pelikula.

Hindi rin naging madali ang pagbuo ng “Ganggang”. Aminado si Burgos na maraming pagsubok ang hinarap ng produksiyon, lalo na sa pagpopondo nito. Aniya, “Maraming hurdle ‘yan [Ganggang] during production, kailangan talaga ng pera para makagawa ng isang pelikula.”

Umasa ang produksiyon sa suporta ng publiko sa pamamagitan ng kampanyang “Patak-patak para sa Ganggang.” Dito, nakapagbigay ang mga kaibigan, kakilala at sa lahat ng naabot ng kampanya nang bukal sa kanilang loob.

Sa huling pagtutuos, maganda ang mga elementong ito ng pelikula. Madaling maiintindihan ng mga manonood at mag-uudyok pang laliman ang pagtingin at pag-unawa sa lipunan. Kaya mas lalong nakakapanabik na panoorin ito sa kabuuan sa sinehan.

Ang “Ganggang“ ay mapapanood ngayong Agosto 6-18 sa mga piling sinehan sa Kamaynilaan.