Inauguration Porn
Nakakasuya manood ng balita sa telebisyon ilang araw bago ang inagurasyon ni Pangulong Noynoy. Lalo na sa ABS-CBN; akala mo artista nila ang naging pangulo. Lahat na lang ng kaliit-liitang detalye kaugnay ng inagurasyon, ibinalita: ano ang isusuot, saan dadaan, ano ang gagawin, ano ang kakainin, sinu-sino ang dadalo, sinu-sino ang magtatanghal, ano ang kakantahin, magkano ang gagastahin, walang katapusang kung anik-anik.
Na wala namang masama kung naibabalita ang mahahalagang kwento. Sa bakuran mismo ng ABS-CBN, mahigit 25 manggagawa ang tinanggal sa trabaho at daan-daan ang nalagay sa panganib dahil sa desisyon ng pangulo nitong si Eugenio “Gabby” Lopez III. Kaugnay naman ng inagurasyon, kanya-kanyang pagsisikap ang mga militanteng organisasyon ng iba’t ibang sektor na tawagin ang pansin ng bagong pangulo sa kani-kanyang isyu.
Higit pa diyan, itinambol ang panunumpa ni Noynoy bilang mahalaga para sa sambayanan. Na mahalaga naman, dahil hudyat ng pagpapalayas at pagpalit kay Gloria, at ng posibilidad na maparusahan na siya. Pero ano na bang mahalaga sa sambayanan ang ginawa ni Noynoy? Binuo ang Truth Commission para parusahan si Gloria. Eh bakit ang maka-Gloria na si Hilario Davide, Jr. ang mamumuno? Nagbuo ng gabinete. Karamihan naman, negosyante o dati ring burukrata, at ang iba’y naglingkod kay Gloria mismo.
Kahit ang trato niya kay Bise-Presidente Jejomar Binay, hindi nagpapakita ng pagbabago. Magsasampa ng reklamong elektoral si Mar Roxas at malinaw na hindi pa nito tanggap ang pagkatalo. Pero bakit parang hindi rin matanggap ni Noynoy? Si Binay ang biktima, gagawing spare tire ang dark horse noong eleksyon. (Bakit puro pang-maitim ang metaporang Ingles na ito?) Eh talaga namang kontra-Gloria si Binay at may suporta ng publiko?
Siguro, kung may malalaking hakbanging para sa sambayanan si Noynoy, hindi na kailangan ang mga detalyeng iniulat. Pero dahil hindi siya nagpakitang-gilas, gumawa na lang ang midya ng mababaw na palabas.
02 Hulyo 2010
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=8092














Hindi lamang nakakasuya subalit nakakasuka pa ang mga balita sa ABS-CBN. Madalas pinapalaki ang mga maliliit na balita na wala namang kabuluhan sa ngalan ng malaking tubo.
Hindi masama magbigay ng detalye sa paguulat subalit kung ito ay sobra at hinaluan pa ng mga opinyon na walang kwenta at hindi naman kailangan, sinasamantala na nito ang pagpapalawig ng oras para sa mga anunsiyo. Pero anunsiyo nga lang ba?
Dahil sa haba ng panonood mo ng mga walang kabuluhang palabas sa ABS-CBN, tumataas din ang bayad mo sa kuryente. Ang Meralco at ABS-CBN ay pagaari ng pamilyang Lopez.
Hindi ba ito kasakiman?
Sa totoo lamang, nakauumay ang ganitong mga balita hinggil sa mga pulitiko at mga nagkakamot lamang ng bayag sa loob ng Kongreso, Senado at Palasyo.
Para bagang ginagawang karnabal ang buong lipunang Pilipino: ang mga pulitiko ang payaso at salamangkero, ang mga Pilipino ang ginagawang tulingag na mga taga-usyoso.
***
Hinggil sa bagong gabinete ni G. Benigno Simeon C. Aquino III – kung anong hitsura, siyang lasa (sabi nga ng lola ko). E sino pa ba naman ang itatalaga niya kundi ang mga katulad din niya? Birds of the same feathers, fool each other.
***
Tama ka, Kaka. Wala nang lalaswa pang palabas sa telebisyon kundi ang pagmumukha ng mga pulitikong pulpol. Sana ay si Tia Tanaka na lamang, na tunay na pornograpikong aktres, ang kinaon nila, ginawang Pilipino at ginawang pulitiko. Para talagang labu-labo na.
NAKIKIRAAN LAMANG PO!