Kaso ng mga manggagawa: Paano masosolusyunan?
Pag-upo ng bagong administrasyon ay nagkaroon ako, kasama ang ilang manggagawang galing sa Timog Katagalugan, ng pagkakataon na makausap ang bagong hirang na Secretary of Labor and Employment na si Rosalinda Baldos. Pinaliwanag niya sa amin ang mga patakaran at plataporma ng kanyang tanggapan. Sa isang dokumentong pinapamagatang “Platforms and Policy Pronouncements on Labor and Employment,” ipinakita niya ang mga pagbabagong sisikaping maganap ng kanilang departamento sa ilalim ng bagong administrasyon.
Isa sa mga kaganapang sinisikap nilang maabot ay may kaugnayan sa mga kaso ng mga manggagawa. Ganito ang pagkasabi ang kanilang policy pronouncements sa bagay na ito: “Reform labor arbitration and adjudication systems by streamlining procedures, removing red tape, and at the same time, restore integrity and fairness in the system. Ensure that 98% of all pending labor cases are disposed of with quality decisions by of April of 2011.”
Magkahalong tuwa at pagkamangha ang nadama ng mga manggagawa. Natutuwa sila at inamin ng Department of Labor and Employment (DOLE) na isa sa pangunahing problema nito ang napakabagal na pag-usad ng kanilang mga kaso. Matagal na nila itong sinisigaw sa lansangan ng mga ngunit namaos na lamang sila sa kasisigaw at wala pa ring nangyari. Ngayon, kahit papaano ay kinilala ito ng bagong administrasyon. Ang unang hakbang sa paglutas sa isang problema ay ang pag-amin na ang problemang ito ay naririyan.
Ngunit magagawa kaya ng bagong admistrasyon na mabigyan ng desisyon ang 98% sa mga pending labor cases bago mag Abril 2011?
Ang karaniwang labor cases (illegal dismissal, money claims, etc.) ay dumadaan sa ganitong proseso. Una, dadaan ito sa Labor Arbiter. Ang anumang desisyon ng Labor Arbiter ay maaring iapela sa National Labor Relations Commission (NLRC). Ang desisyon naman ng NLRC ay maaring iakyat sa pamamagitan ng “petition for certiorari” sa Court of Appeals. Ang desisyon naman ng Court of Appeals ay maaari pa ring iakyat sa Korte Suprema.
Sa kasalukuyan, mayroon akong hawak na kaso ng mga manggagawa na higit limang taon na mula nang isampa ngunit hindi pa rin tapos sa NLRC. Hindi na tuloy bago sa akin ang makarinig ng mga salitang “Ang NLRC ay libingan ng mga kaso at ang mga Labor Arbiters at NLRC Commissioners ay ang mga sepulturero.”
Ayon sa datos, mahigit kalahati sa mga kasong dumarating sa tanggapan ng mga Labor Arbiter at NLRC ang hindi nadedesisyunan sa takdang panahon. Ang nangyayari tuloy, ang unresolved cases na ito ay natatambakan na naman ng panibagong kasong hindi pa rin nareresolba hanggang sa dumami at maging gabundok sa mga panahong nagdaan.
Ipagpalagay nating matatapos ng mga Labor Arbiter at ng NLRC sa takdang panahon. Ngunit isipin natin na ang desisyon ng NLRC ay maari pa ring iakyat sa Court of Appeals at maaaring pigilin ang pagpapatupad nito sa pamamagitan ng restraining order. Pagkatapos nito, ang desisyon ng Court of Appeals ay maari pa ring iakyat sa Korte Suprema. Kadalasan , umaabot na naman sa limang taon ang prosesong ito. Kaya mula sa pagsampa ng kaso hanggang sa tuluyang madesisyunan ito ng Korte Suprema ay higit sampung taon ang magugugol. Sa hirap ng buhay at haba ng panahong hihintayin, marami sa mga manggagawa ang sumusuko na lamang at tinatanggap ang katiting na halaga na inaalok ng kanilang kompanya bilang areglo sa kanilang kaso.
Ngunit ipagpalagay nating pursigido at handang magtiis ang manggagawa. Hinintay niya hanggang sa lubos na matapos ang buong proseso at maging pinal na ang desisyon sa kanyang kaso. Kung naging problema niya ang matagal na pagbaba ng desisyon, panibagong problema na naman niya ang pagpapatupad sa desisyon dito.
Ang karaniwang paraan para mapatupad ang isang desisyon sa kaso ng manggagawa ay sa pamamagitan ng pagkuha ng writ of execution sa tanggapan ng Labor Arbiter. Ngunit kadalasan, hindi basta na lamang tinatanggap ng manedsment ang writ of execution. Hinahamon nila ito sa pamamagitan ng isang motion na kung tawagin ay “Motion to Quash.” Kung magdesisyon ang Labor Arbiter na walang batayan ang nasabing Motion at dapat ituloy ang pagpapatupad ng desisyon, muling inaapela ito ng manedsment sa NLRC. Kung makapagdesisyon ang NLRC, muli nila itong inaakyat sa Court of Appeals hanggang makaabot sa Korte Suprema.
Sa ganitong pamamaraan, lalong naantala ang pagpapatupad sa desisyon sa isang labor case. Sa panahon na wala nang balakid sa pagpapatupad nito ay maaring sarado na ang kompanya at wala nang pambayad sa kawawang mga manggagawa. Ang madalas na nangyayari ay panalo na lamang ang manggagawa sa papel ngunit sa katotohanan ay hindi niya matitikman ang halagang kanyang napapanalunan. Empty victory, ika nga. Lalo silang nawawalan ng pag-asa sa ilalim ng kasalukuyang sistema na makapagbigay sa kanila ng katarungan.
Ganito kalala ang problema ng mga manggagawa sa kanilang mga kaso. Kaya kung papatsi-patsi ang solusyon ay hindi uubra, palagay ko. Ang kailangan natin ay isang komprehensibong solusyon sa bagay na ito.
Ayon sa mga kaibigan nating mga Labor Arbiter, isa sa mga dahilan kung kaya mabagal ang paglabas nila ng desisyon ay dahil sa napakadami na nilang hawak na kaso. Sa isang kaso na mahatulan nila sa isang araw, kung ilang bagong kaso ang pumapalit. Ito ang dahilan kung bakit marami silang “backlog” sa kanilang mga gawain.
Kung ganun, maari ding tingnan bilang solusyon ang ay ang pagsagawa ng mga paraan para kumunti ang kasong sinasampa ng mga manggagawa.
Ngunit bakit nga ba marami ang kaso ang mga manggagawa ?
Dahil ito sa kasalukuyang sistemang umiiral sa ating lipunan. Ito ay isang sistema kung saan nagtutunggalian ang interes ng mga manggagawa sa isang panig at interes ng mga mamumuhunan sa kabilang panig. Sa madaling sabi, ang interes ng mga manggagawang gumagawa sa pagawaan ay iba sa interes ng mga mamumuhunang may-ari ng pagawaan. Hindi maiwasan ang tunggalian ng mga interes na ito. Upang resolbahin ang mga tunggalian, kailangan nilang magsampa ng kaso sa hukuman.
Kung kaya, isa sa mga paraan para kumunti ang mga kasong sinasampa ng mga manggagawa ay tanggalin o bawasan ang tunggalian ng interes sa mga pagawaan.
Hindi kaya isang paraan para makamit natin ito ay sa pamagitan ng pagtayo ng isang sistema kung saan kung sino ang mga gumagawa sa mga pagawaan ay siya na rin ang mga may-ari ng mga pagawaang ito? Nang sa gayun ay wala nang banggaan sa kanilang mga interes at wala ng magsasampa ng kaso laban sa isa’t isa.
Nagtatanong lang, mga mambabasa. Pero habang hindi tayo nakakakita ng solusyon sa bagay na ito, ay patuloy na maging problema ng ating lipunan ang pagdami at pagdami pa ng mga kaso ng mga manggagawa.
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=8452













