Konteksto

Para sa isang dating aktibistang ayaw tumanggap ng puna


Ang paborito kong salita ay “sana” at ang pangunahing bisyo ko ay “puna.” Para sa isang dating aktibistang hindi marunong tumanggap ng huli, mainam na basahin itong diskursong maikli.

Ang paborito kong salita ay “sana” at ang pangunahing bisyo ko ay “puna.” Para sa isang dating aktibistang hindi marunong tumanggap ng huli, mainam na basahin itong diskursong maikli.

Sana nama’y ganyan, sana nama’y ganito.

Maraming nagsasabi ng “sana” tuwing natatapos ang isang bagay. Kahit na pinaghirapang gawin at sinikap na maging perpekto, makikita’t makikita pa rin ang ilang kahinaan. Mapapansi’t mapapansin pa rin ang ilang kakulangan.

May mga taong hindi bukas na tinatanggap ang mga puna. Pero gusto kong isiping mas marami pa ang handang tumanggap ng mga ito. Hindi ko alam kung masasabing masuwerte ako sa pagkakaroon ng mga kaibiga’t kakilalang hindi iniinda ang aking pagiging prangka, lalo na ang madalas kong pagbanggit ng “sana.”

Sana’y nainterbyu mo ang taong ito dahil makakatulong siya sa artikulo mo. Sana’y sinunod mo ang etikal na pamantayan sa pagkuha ng datos. Sana’y nagpalalim ka pa sa pagtatanong. Sana’y nagsulat ka na lang sa wikang Filipino. Sana’y pinag-aralan mo nang malalim ang konsepto ng seksismo at machismo. Sana’y pinalalim mo pa ang iyong kaalaman sa satirikong diskurso.

Sana, sana, sana. Mga pahayag kong madalas na sinusundan ng mas marami pang sana!

Masasabing naging bahagi na ito ng aking buhay bilang guro’t peryodista, partikular ang aking pagtuturo ng pagsusulat. Dahil madalas ang pagsasagawa ng palihan (workshop) sa klase, hindi maiiwasan ang pagbibigay ng kalakasa’t kahinaan ng isinumiteng trabaho ng mga estudyante. Ganito rin ang nangyayari sa mga palihang naiimbitahan ako na kung saan iba’t iba ang propesyon at kahit nasyonalidad ng mga partisipante.

Sa mahabang taon ng aking pagtuturo’t pagsusulat, medyo natutuhan ko na ang pagbibigay ng negatibong komento sa paraang hindi masyadong nakakasakit ng damdamin. Para sa estudyante, kailangang hindi sila mawalan ng motibasyon sa kabila ng maraming bagay na kailangan pa nilang pag-aralan sa larangan ng pagsusulat. Para naman sa mga kapwa ko propesyonal, kailangang linawing walang bahid ng panlalait ang paglalahad ng mga kailangan nilang baguhin sa kanilang sulatin. Sinuman ang aking kausap, sinisikap kong bigyan siya ng kaukulang respeto.

Ang respeto’y ginagawa hindi lang sa maingat na pagpili ng mga salita kundi sa balanseng pagbibigay ng negatibo’t positibo. Madali lang gawin ang una dahil mayaman naman ang bokabularyo ng wikang Filipino’t Ingles. Paano naman ang pangalawa? Hindi sa lahat ng pagkakataon ay may positibo sa isang panulat, at ang tanging puna mo lang ay puro negatibo. Mas nakakadagdag sa problema ang realidad na ang pagpuna ay hindi ginagawang kaharap lang ang kawawang “biktima” kundi sa harap ng iba pa. Sa madaling salita, posible siyang mapahiya!

Sa puntong ito’y mas pinag-iingatan ko na lang ang pagpili ng mga salita para maging malinaw ang mensahe ng kanyang kahinaan. Pero kung puro negatibo’t kakaunti lang (kung mayroon man) ang positibong katangian ng kanyang trabaho? Ano pa ba ang magagawa ko? Kailangan niyang mabatid ang kanyang kahinaan. Paano niya mapapabuti ang kanyang panulat kung hindi ito ipapaalam sa kanya?

Kung ganito ang nararapat sa isang palihan ng pagsusulat, ganito rin sana ang maging kalakaran sa ating araw-araw na buhay. Kung may problema, sabihin nang direkta. Kung may kritisismo, sabihin ang totoo!

Pero tila hindi katanggap-tanggap ang kultura ng kritisismo sa ating bansa. Kung may nagpaparating ng puna, pilit na tinitingnan ang personal na adyenda. Sa halip na alamin ang konteksto’t nilalaman, mas iniimbestigahan ang karakter ng taong tinitingnang may “lakas ng loob” na makipagtalastasan. Sa halip na itanong kung ano ang kanyang puna, pilit na sinasagot ang tanong kung ano ang kanyang karapatang mabuhay sa mundong ibabaw!

Tunay na may tendensiyang batikusin ang mensahero nang hindi binibigyang-pansin ang kanyang mensahe. Mali ang ganitong gawi, pero madalas na nangingibabaw ang subhetibo kaysa obhetibo sa isang seryosong diskurso.

Ito ang nakakalungkot na bahagi ng isang debate, ang malinaw na kawalan ng huli. Paano nga naman magkakaroon ng talastasan kung ang kabilang panig ay ayaw suriin ang mensahe’t mas tinitingnang personal ang lahat ng atake sa kanya? Ano ang magiging sagot ng pumupuna kung ang pinupuna’y ayaw makinig sa katwiran at hindi bukas ang isipan?

Ang argumento’y humihinto, minsan pa nga’y nagpapaikot-ikot. Walang direksiyon ang diskurso at hindi tumataas ang antas nito.

Masuwerte ako’t marami akong kakilala’t kaibigang may konsepto ng pagpuna at pagtanggap nito kung kinakailangan. Kailangan kong magpasalamat sa kanilang magalang na pagsagot sa anumang punang mayroon ako. Dahil sa kanila, natututo ako at lalo kong pinaghuhusay ang aking pagsusulat at pagtuturo.

Pero may mga pagkakataong hindi bukas ang pagtanggap ng puna, kaya ito ang nagiging sanhi ng hindi pagkakaunawaan. Kahit na anong gawin mo para pataasin ang diskurso, ayaw pa ring makinig ng isang tao at nais pa rin niyang yakapin ang sa tingin ko’y maling kaisipan.

Sa halip na ang sagot sa aking puna’y pahusayin, pinili niyang patalikod akong batikusin. Sa halip na patunayang tama ang kanyang paninindigan, pinili niyang huwag nang makipagtalastasan.

Sa aking opinyon, hindi siya aktibista (kahit na pinagpipilitan niyang ganoon pa rin siya). Ang aktibista’y marunong makinig at mangatwiran. Kaya niyang magbigay at tumanggap ng puna. Hindi siya basta-basta naiirita sa aking paboritong salita: Sana.

Ngayon, hayaan mong kausapin kita (oo, ikaw na aking matiyagang mambabasa). Sana nama’y hindi ka naapektuhan o tinamaan. Sana’y mataas ang antas ng iyong kamulatan para malaman ang kahalagahan ng pakikipagtalastasan sa iba’t ibang tao.

Pero kung tinatamaan ka ng aking mga paratang, huwag mo pong asahan ang aking paghingi ng paumanhin. Sinasadya ko pong batikusin ang nararapat batikusin, kahit na alam kong wala kong makukuhang matinong sagot mula sa katulad mo. May respeto po ako sa iyong pagkatao at ang aking pagpuna’y dahil sa aksiyon mo. Isang bagay lang ang maipapangako ko sa iyo: Kung pinili mo ang patalikod na pag-atake, makakaasa kang hindi ko gagawin iyon sa iyo.

Hindi ko kawalan ang hindi mo pagsagot o pagtanggap sa aking puna. Kung hindi mo kayang pangatawanan ang mga ginawa mong kontra sa kilusang sinasabi mong pinapaniwalaan, ikaw ang nawalan. Ikaw ang hindi dapat tularan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.