Zineulat

Pattern ng Politikal na Pamamaslang


Nakakabahala itong sunud-sunod na politikal na pamamaslang sa mga aktibista. Apat na aktibista na nitong Hulyo 12, halos dalawang linggo pa lamang matapos ang inaugurasyon ni Noynoy Aquino, ang marahas na inutangan ng buhay. Isang taga-Bayan Muna, isang taga-Anakpawis, isang taga-ACT Teachers Partylist, at isang taga-Alliance of Concerned Teachers (ACT). Ipinapaalala nito ang madugong rehimen ni Gloria Arroyo, na halos araw-araw ay may aktibistang kinikitlan ng buhay. Dapat na itong tumigil!

Nakakabahala itong sunud-sunod na politikal na pamamaslang sa mga aktibista. Limang aktibista na nitong Hulyo 12, halos dalawang linggo pa lamang matapos ang inaugurasyon ni Noynoy Aquino, ang marahas na inutangan ng buhay. Isang taga-Bayan Muna, isang taga-Anakpawis, isang taga-ACT Teachers Partylist, at dalawang taga-Alliance of Concerned Teachers (ACT). Ipinapaalala nito ang madugong rehimen ni Gloria Arroyo, na halos araw-araw ay may aktibistang kinikitlan ng buhay. Dapat na itong tumigil!

Itong Oplan Bantay Laya, ang counter-insurgency blanket ng rehimeng Arroyo, na sa pangalan ay tila magandang pakinggan sapagkat diumano’y pinoprotektahan ang ating kalayaan, ay sa katotohanan walang ipinagkaiba sa terminong “terorismo ng estado.” Oo, ang gobyerno ni Arroyo, sampu ng kaniyang mga berdugo sa hanay ng Armed Forces of the Philippines (AFP), ang tunay na mga terorista, naghahasik ng takot, pangamba, sakay ng kanilang mga motorsiklo o anumang tumatalilis na sasakyan. Ang kanilang mga mukhang ikinukubli ng bonnet, ski mask o anupamang maskara – lahat ng ito’y nakangising parang ulol; nakatitig na parang nag-aalburotong pangulo ng iilang nasa poder ng kapangyarihan – ang kapangyarihang nakasandig sa pagkitil at pagterorisa sa mamamayan. Nakatitig na parang nagmamadaling punglo.

Hindi nagbago ang paraan ng mga pamamaslang: nakasakay sa tumatalilis na sasakyan, kadalasan ay motorsiklo. Hindi rin nagbago kung sino ang pumapaslang: pinaghihinalaang elemento ng militar, mga elemento ng pagkitil, nakasuot ng bonnet, nakatakip ang mukha, marahas ang mga punglo ng armas, nagbabalat-kayong “hired killers” sa pelikula. Hindi rin nagbago kung sino ang pinapaslang: mga progresibong miyembro ng mga makabayang organisasyon – mga aktibista at lider-aktibista. Hindi rin nagbago ang programa ng terorismo ng gobyerno: ang Oplan Bantay Laya. Samakatuwid, hindi nagbago ang pattern ng pamamaslang at pare-pareho pa rin ang pumapaslang at ang pinapaslang. Wala itong ipinagkaiba sa nakitang pattern ng politikal na pamamaslang sa rehimeng Arroyo na nauna nang resulta ng imbestigasyon ni Philip Alston, ang United Nations Special Rapporteur on Extrajudicial Killings.

Ano lang ang nagbago? Ang namumuno sa teroristang gobyerno.