Konteksto

Aktibismo at pelikulang Sigwa


Maikli lang naman ang aking reaksyon pagkatapos kong mapanood ang pelikulang Sigwa (2010) noong Agosto 21 sa Cine Adarna ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman. Wala pa ngang 10 salita ang aking pagsusuma: Sadyang hindi ako karapat-dapat na matawag na aktibista!

Maikli lang naman ang aking reaksyon pagkatapos kong mapanood ang pelikulang Sigwa (2010) noong Agosto 21 sa Cine Adarna ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman. Wala pa ngang 10 salita ang aking pagsusuma: Sadyang hindi ako karapat-dapat na matawag na aktibista!

Umiinog ang kuwento ng pelikula sa anim na aktibistang magkakaibigan noong dekada 70 – Dolly, Cita, Oliver, Azon, Eddie at Rading. Sa paglipas ng halos 40 taon, may nagpatuloy sa pakikibaka, may nakisimpatiya na lang, may naging ahente ng militar at may tuwirang bumaligtad. Ipinapakita ng pelikula ang komplikadong buhay ng progresibong kabataan noong panahon ng Batas Militar – ang kanilang agam-agam sa landas na tinahak, ang kanilang pagkatakot sa buhay na pinili at ang kanilang kasiyahan sa bawat maliliit na tagumpay.

Isang kalakasan ng pelikulang Sigwa ang epektibong pagsasalarawan ng buhay ng mga aktibista. Sila’y marunong din palang tumawa’t umiyak, tulad ng ibang taong pinili ang buhay na “normal” at “tahimik.” Ipinapakita sa pelikula, halimbawa, ang kanilang kuwentuhan habang nag-iinuman, bagama’t ang paksa ng kanilang pinag-uusapan ay ang lipunan. May pag-aaway din ang magkasintahan habang nasa welga ng isang pagawaan. Kahit sa kabundukan, nakita ang pag-usbong at pagkawasak ng relasyon ng mga nagmamahalan sa maraming dahilan.

Kitang kita ang relasyon ng aktibismo sa rebolusyonaryong pagkilos noong dekada 70. Ang Kabataang Makabayan (KM) na kung saan miyembro ng anim na magkakaibigan ay napilitang mag-underground dahil sa diktadura. Hindi na nakakagulat ang desisyon ng marami sa mga miyembro nitong tumungo sa kanayunan na kung saan, ayon kay Oliver, ay “patas ang laban.”

Ano nga ba namang bentahe para sa mga aktibistang manatili sa kalunsuran? Una, malakas ang puwersa ng pamahalaan. Ikalawa, limitado lang ang maaaring pagtaguan. Kahit na hindi tuwirang binabanggit sa pelikula, alam ng mga pangunahing tauhan na sa na kanayunan lang sila makakaasa ng malawak na suporta mula sa masa.

At bakit suportado ng maraming masa sa kanayunan ang rebolusyonaryong pagkilos? Sila kasi ang direktang nakakaranas ng pang-aapi’t pagkakait, ng pagsasamantala’t pagnanakaw ng mga nasa kapangyarihan. Ang rebolusyonaryong kilusan lang ang kanilang takbuhan para sa anumang pangangailangan – lupang masasaka (sa pamamagitan ng rebolusyonaryong agraryo) at kahit patas na desisyon sa anumang hindi pagkakaunawaan (sa pamamagitan ng rebolusyonaryong hukuman).

Bagama’t madali para sa isang estudyanteng kumilos sa kalunsuran at maging aktibista, mahirap na desisyon naman ang sumama sa armadong pakikibaka. Tulad ng ipinapakita sa pelikulang Sigwa, malaking sakripisyo ang mabuhay sa kabundukan. Wala ang luho ng kalunsuran. Iba ang kultura’t kalakaran lalo na’t ang seguridad ng mga kasama ay dapat pangalagaan.

Apatnapung taon na ang nakaraan mula nang mangyari ang First Quarter Storm na siyang pangunahing paksa ng pelikula (kahit na ang istorya’y tungkol sa paghahanap ni Dolly sa kanyang nawawalang anak). Maraming nagsasabing iba ang sitwasyon noong dekada 70 at wala nang batayan ang diumanong mapusok na pagkilos ng kabataan.

Napakadaling balewalain ang aktibismo, lalo na sa bahagi ng nakatatandang naging bahagi ng kilusan. Hindi man nila sabihin nang direkta, iisa lang ang mensahe nila sa kabataang aktibista: “Papunta pa lang kayo, pabalik na ako.” Para sa kabataang may malalim na kaalaman sa kanilang ginagawa, may simpleng sagot sa walang-batayang patutsada: “Mawalang-galang lang po, pero bakit hindi na lang po kayo nanatili? Tila naligaw po kayo sa inyong pagbalik.”

Aaminin kong ang epekto ng pelikulang Sigwa sa akin ay pagpapalakas ng paniniwalang ang titulong “aktibista” ay ibinibigay lamang sa mga piling indibidwal. Sila ay dapat na handang magsakripisyo’t talikuran ang buhay na kinagisnan para sa makahulugang pakikipaglaban. Sila ay mga natatanging mandirigmang hindi magdadalawang-isip na ialay ang lahat, kahit ang sariling buhay, para sa ikabubuti ng iba pa. Sila ay katulad ni Cita na dala-dala ang aktibismo sa kanilang pagtanda.

May progresibong mag-isip at kontento na sa sariling buhay. May progresibong mag-isip at kumikilos para ang buhay ng nakararami’y magkaroon ng saysay. Naniniwala ako sa sinabi ni Rading sa isang eksena: Hindi lahat ng sumasama sa mga rally ay aktibista. Mas malalim pa sa pagmamartsa’t pagtataas ng kamao ang esensiya ng aktibismo. Ang hindi tuwirang nakikita ay ang nangyayari sa likod ng mga naiuulat sa midya – ang pag-aaral sa mga teorya at ang pagsasapraktika ng natutuhan sa pamamagitan ng integrasyon sa masa.

Pero tulad ng sitwasyong ang mga pelikulang tulad ng Sigwa ay bihirang mapanood sa ating bansa, mas nakapangingibabaw ang negatibong pagtingin sa mga aktibista. Tinitingnan silang baliw at salot dahil sa paniniwalang ang ating lipunan ay may kapayapaan at kaginhawaan. Pilit na ibinibenta ang ilusyong hindi kailangang labanan ang pamahalaan dahil kailangan lang magtiwala rito.

Sa huling pagsusuri, maiintindihan lang ang aktibismo kung iuugnay sa mga nangyayari sa lipunan. Sa pagbasag sa ilusyon at tuwirang pagkamulat sa kabulukan ng lipunan, nakikita hindi lang ang pangangailangang sumuporta sa mga aktibista kundi maging kabahagi nila.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.