Istorya ng Linggo

Turismo, tubo at disgusto sa PAL

Sa likod ng pagbibitiw ng 26 na piloto ng Philippine Airlines, nariyan ang kasakiman ng isang bilyonaryo at kontraktuwalisasyon na nagpapahirap sa kanyang mga empleyado.

Lucio Tan: Pangalawang pinakamayamang tao sa bansa, pero sakim pa rin sa kanyang mga manggagawa.
Lucio Tan: Pangalawang pinakamayamang tao sa bansa, pero sakim pa rin sa kanyang mga manggagawa.

“Wala siya ngayon dito, nasa Hong Kong. Baka kinakausap ‘yung airlines (Hong Kong Air) na nilipatan ng aming mga piloto.”

Si Lucio Tan, bilyonaryong may-ari ng isa sa Philippine Airlines (PAL), ang tinutukoy ni Rafael dela Cruz, tagapangulo ng tsapter ng Anakpawis sa nangungunang flag carrier ng bansa at 25 taon nang empleyado. Noong Agosto 5 iyon, nang magprotesta ang mga empleyado ng PAL at kanilang mga tagasuporta sa harap ng gusali ng Allied Bank sa Makati Avenue kung saan nag-oopisina si Tan.

Sa isa sa mga plakard na bitbit ng mga empleyado, nakalagay ito: Manggagawa muna, bago turismo at tubo. Tila hindi lamang si Tan ang pinatatamaan nila, kundi maging si Pang. Benigno “Noynoy” Aquino III. Pakiramdam nila kasi, ibinabaon ang ugat ng usapin sa PAL: ang malawakang tanggalan at kontraktuwalisasyon.

Patuloy na umaani ng kontrobersiya ang pagbibitiw sa trabaho ng 26 na piloto ng PAL. Sa nasabing pagbibitiw, naapektuhan ang regular na operasyon ng PAL at ilan sa mga lipad ng eroplano ang napilitang ikansela. Napabalitang mababang suweldo ang dahilan kung kaya nagsipaglipat ang mga piloto sa airlines sa ibang bansa, kung saan mas mataas ang suweldo.

Subalit lumalabas na kawalan ng seguridad sa trabaho ang pangunahing dahilan ng kanilang pag-alis. “Hindi ‘yung suweldo yung hinahabol nila eh. Kahit medyo mababa ang suweldo, katuwiran nga nila, nandito sila sa Pilipinas kasama ‘yung pamilya nila. Kaya lang ngayon, siyempre sinasakripisyo nila ‘yon—dahil binabastos sila ng manedsment,” kuwento ni Dela Cruz sa Pinoy Weekly.

Matagal nang pinupuwersa umano ang mga piloto na magpalipad ng eroplano at lumipat sa AirPhil Express, kompanyang pag-aari rin ni Tan. Pinapipirma sila sa kontrata na kasabay ng paglipat, magiging kontraktuwal na sila.

Piket ng mga manggagawa ng PAL sa DOLE. Sa kaliwa, si Wilfredo Bermejo. Sa kanan, si Rafael dela Cruz, tagapangulo ng tsapter ng Anakpawis sa PAL.
Piket ng mga manggagawa ng PAL sa Department of Labor and Employment. Sa kaliwa, si Wilfredo Bermejo. Sa kanan, si Rafael dela Cruz, tagapangulo ng tsapter ng Anakpawis sa PAL. (Ilang-Ilang Quijano)

Tanggalan, noon at ngayon

Kaparehas sa mga piloto ang sitwasyon ng flight attendants at libu-libo pang manggagawa’t empleyado ng PAL. Hindi na rin ito bago.

Noong 1998, 5,000 sa 14,000 manggagawa ng Maintenance and Engineering Department ang sinibak sa trabaho. Nakipagkaisa ang PAL sa dayuhang kompanya  na Lufthansa Technik Philippines at Macro Asia Airport Services, na tumanggap sa mga sinibak. Mula sa kanilang regular na katuyuan, kontraktuwal ang kinabagsakan ng mga empleyado. Pag-aari rin ni Tan ang Macro Asia, kaya’t tintingnan ito bilang ilegal na spinoff o outsourcing.

Setyembre noong nakaraang taon, sa isang memorandum sa PAL Employees Association (Palea), inanunsiyo ni Jaime Bautista, presidente at chief operating officer ng PAL, na may balak ang kompanya na i-outsource ang mga departamentong humahawak ng airport services, in-flight catering, at call center reservations.

Maaapektuhan nito ang 2,600 manggagawa’t empleyado. Pagdating ng Abril ngayong taon, nakatanggap sila ng Notice of Termination sa pamamagitan ng registered mail. “Pinagsusunog ito ng mga empleyado,” kuwento sa Pinoy Weekly ni Wilfredo Bermejo, 20 taon nang nagtatrabaho sa PAL bilang electrician.