Pasintabi

Kung magkasabay na pumanaw ang mga kasama


Hindi personal na magkakilala sina Alex at Ka Roda, iniisip ko. Na para ring hindi ko rin naman sila personal na kilala. Nababasa ko ang mga sinusulat ni Alex sa internet, at simula sa aking kabataang aktibismo, kilala ko na ang matikas na pananalita ni Ka Roda.

Hindi personal na magkakilala sina Alex at Ka Roda, iniisip ko.  Na para ring hindi ko rin naman sila personal na kilala.  Nababasa ko ang mga sinusulat ni Alex sa internet, at simula sa aking kabataang aktibismo, kilala ko na ang matikas na pananalita ni Ka Roda.

May biro akong narinig kay Tony Mabesa, direktor at aktor, na sila (kapwa senior citizens na guro sa unibersidad) ay nasa departure area (ng airport) na.  At ngayon ay napapaisip ako, na hindi nga ba’t tulad ni Tony, sina Alex at Ka Roda, sa uri ng buhay na kanilang pinili—ang mabuhay bilang aktibista, ang mamuhay kabilang ng nakikibakang masa—ay isa nang paglilinya, sa gitna ng fasismo ng estado, na sila man at lahat ng nasa hanay na ito ay napapabilang na sa departure area?

Naalaala ko ang mga karanasan sa airport.  Ito ang tunay na liminal o mala-malang lunan:  papaalis pero hindi pa umaalis, paparating pero hindi pa dumarating.  Wala rito, wala roon.  Hindi rito, hindi roon.  Nasaan?

Mataas ang anxiedad ko kapag tumutungo sa airport.  Tadtad ng what ifs?  Baka hindi umabot, baka maihi sa kalayuan ng biyahe mula Fairview patungong Pasay, baka matrafik, baka nakalimutan ang tiket.  At sa gitna nitong matinding anxiedad, tumitingkad ang pagiging OC (obsessive-compulsive) ko:  paulit-ulit na bubuklatin ang bag para hanapin ang tiket at pasaporte, paulit-ulit na titignan kung tama ang skedyul ng lipad, paulit-ulit na iniisip kung may dalang bawal na bagay (tubig at iba pang likido, lighter at iba pa).

Kakambal ng buhay sa aktibismo ang kamatayan.  Piniling-buhay (life-choice) ang aktibismo dahil walang tunay na buhay ang ipinagkakaloob ng estado.  Bawat isang aktibista ay nakikilahok sa buhay ng kilusan, at bawat aktibista ay sa araw-araw ng pakikibaka ay pinipiling mabuhay.

Nekrophiliko ang estado.  Pinapatay nito ang buhay ng kanyang mamamayan nang mapasunod ito sa kanyang ibig, sa ngalan ng kapital.  Literal nitong pinapatay:  dinadakip, kinukulong, sinasalvage, politikal na pinapaslang.  Sa araw-araw na pagkakataon, ginugutom, tinatanggalan ng dignidad, winawazak ang pagkatao.  Figuratibong minamangmang, pinapalaot sa kultura ng showbiz at nagmamaan-maangang media, dinadahas sa karanasan sa kulturang popular.

Na-confine si Alex sa PGH.  Nakita pa ito sa booklaunch ilang araw lang.  Marami na ang nakakapansin nang kanyang biglaang pangangayayat.  Marami ang nagulat nang bigla na lamang itong pumanaw.  Naiburol ang kanyang labi sa UCCP sa Cubao.  Nang dumalaw kami, kararating lamang ng kanyang ina mula sa Hawaii.

Sa araw ring iyon, pumanaw si Ka Roda.  Matagal nang may karamdaman si Ka Roda.  At magandang nagawan na siya ng tribute video ng Kodao.  Kahit nanghihina na ang kanyang katawan, buhay na buhay pa rin ang paninindigang makilahok.  Nang dumalaw kami sa St. Peter’s, pinapaligiran ng bulaklak ang kwarto, at pinapalabas ang video.

Kapag pumanaw ang mga kasama, magkasabayan man o hindi, may kabawasan sa mga naiwan.  Sino ang hindi mangungulila sa paglisan ng isang pwersang buhay sa pakikibaka ang kontribusyon?  Pero kapag pumanaw ang mga kasama, pinagyayaman din ang naiwan.

May kasiyahan ding nadarama sa pagyao dahil inalay ang buhay para sa bayan, buhay para maging mabuti ang mas marami pang buhay.  Ilan ang makakapagsabi na naging makabuluhan ang kanilang buhay sa antas na nakamit nina Alex at Ka Roda.

Nasa departure area tayong lahat.  Kaakibat ito ng buhay-aktibistang pinili.  At habang may kahandaan sa paglisan at pagdating, ang higit na kahandaan ay ang pagkilos para sa bayan.  Kaya nabubuhay tayong kumikilos para sa bayan, hindi man iniisip na nasa departure area tayo.