Libu-libong estudyante lumayas sa klase; galit sa kaltas ni P-Noy sa badyet sa edukasyon
Libu-libong estudyante mula sa iba’t ibang pampulikong kolehiyo sa iba’t ibang dako ng bansa ang nagsagawa ng walk-out sa kanilang mga klase noong Setyembre 24.

Ayon naman sa inilabas na State Universities and Colleges (SUCs) Budget Briefer for 2011 ng Kabataan Party-list, walang pinag-iba ang panukalang badyet ng kasalukuyang administrasyon sa nakaraan, kung saan sistematikong binabawasan ang subsidyo sa serbisyong panlipunan. Katulad ng nakaraang gobyerno, prayoridad ni Aquino ang pambayad sa utang panlabas at gatos sa militar.
Katunayan, batay sa pag-aaral ng Kabataan, pinakamataas sa kasaysayan ang nakalaang pondo para sa pambayad-utang kapag pinagsama ang prinsipal at interes na umabot sa mahigit kumulang P820-B. Gayundin, tumaas ang badyet para sa Department of National Defense mula P96-B sa taong 2010 sa P104-B para sa 2011. Umabot sa P14-B naman ang itataas ng Pork barrel, mula P10-B sa kasalukuyan sa P24-B panukala sa susunod na taon.

Pag-abandona sa responsabilidad ng gobyerno
Ang panukalang badyet sa SUCs ng kasalukuyang gobyerno ay umaabot lamang sa P23.4-B, mas mababa sa P23.8-B badyet noog 2010.
Ayon kay Abad, mataas umano ng 11.3 porsiyento ang panukalang badyet para SUCs sa 2011. Ang mga non-recurring items katulad ng P1-B para sa maintenance expenditures (MOOE) at P1.8-B para sa capital outlay (CO) ay hindi inulit ng kasalukuyang panukala dahil congressional insertions umano ito at na-veto ng dating pangulong Arroyo.
Ang pahayag na ito ni Abad ay kaagad namang kinontra ni Rep. Raymond Palatino ng Kabataan. Aniya, mayroon o walang congressional insertions, kung saan karaniwang sa porma ng capital outlay, malaki ang kaltas na P1.1-B sa MOOE, na magdudulot ng pagbaba ng mahigit kalahati sa MOOE ng pitong SUCs kasama ang University of the Philippines, at labing pito pang paaralan na may pagbaba ng 10 porsyento sa operating expenditures.
“Dahil sa malawakang pagkaltas sa badyet sa mga SUCs tumataas ang matrikula at iba pang bayarin, kung saan nagiging dahilan para hindi makatungtong sa kolehiyo ang karamihan sa kabataang Pilipino,” ani Palatino.
Pahayag pa ni Abad na hindi maaring magtaas ng subsidyo ang gobyerno sa mga pampublikong kolehiyo dahil may hawak ang mga SUCs ng P19.1-B cash balances.
Para naman kay Palatino, ang nasabing hindi nagagamit na pondo ay nangagaling mismo sa bulsa ng mga estudyante mula sa pagtaas ng mga matrikula at iba pang bayarin sa mga pampublikong kolehiyo. Ito rin umano ay nagmumula sa mga kita ng mga pribadong serbisyo sa loob ng mga pamantasan sa kanilang isinisagawang income generating projects.
“Kung sasabihin ng gobyerno na dahil sa cash balances kaya hindi nila kailangang itaas ang badyet sa SUCs, pinapatunayan lamang nito ang matagal na nating sinasabing ipinapasa sa ating mga estudyante at pamilya ang responsibilidad ng gobyernong tustusan ang mga pampublikong pamantasan,” dagdag na pahayag ni Palatino.
Signipikante ang pagbaba ng subsidyo ng gobyerno sa nakaraang sampung taon ayon sa Kabataan Party-list. Mula sa 87.7% noong 2000, ang kasalukuyang subsiyo ng gobyerno ay umaabot na lamang sa 66.31 porsiyento sa kabuuang pagtustus sa pondo ng SUCs.
Samantala, mula sa 12.3% noong 2000, at 33.7% naman sa kasalukuyan ang pondo na nagmumula sa pagtaas ng matrikula at iba pang bayarin ng SUCs.
