Setyembre 24 ikinasa ng kabataan para sa pambansang pagkilos vs budget cut


Inanunsiyo ng mga organisasyon ng kabataan ang malawakang pagkilos para ipahayag ang kanilang galit sa nakaambang pagbawas ng pambansang badyet sa edukasyon.

Kilos protesta ng militanteng mga kabataan para sa dagdag-badyet sa sektor ng edukasyon, noong nakaraang taon. (Photo Courtesy: NUSP)
Kilos protesta ng militanteng mga kabataan para sa dagdag-badyet sa sektor ng edukasyon, noong nakaraang taon. (Photo Courtesy: NUSP)

Inanunsiyo ng mga organisasyon ng kabataan ang malawakang pagkilos para ipahayag ang kanilang galit sa nakaambang pagbawas ng pambansang badyet sa edukasyon.

Pangungunahan ng League of Filipino Students, Anakbayan, Student Christian Movement of the Philippines, Karatula, College Editors’ Guild of the Philippines, National Union of  Students of the Philippines, at Kabataan Party-list ang pagliban sa klase na gaganapin sa Setyembre 24.

Tinataya rin ng mga grupo na sasamahan sila ng kanilang mga guro at mga magulang sa nasabing pagkilos.

Inilabas ng alyansa ng mga grupo ang kanilang disgusto sa pagbabawas ng badyet para sa edukasyon. Anila, walang salita ang magpapahayag ng kanilang pagkadismaya sa anila’y kawalan ng hustisya sa pagpapataw ng pagbabawas ng badyet, laluna sa administrasyong nangako na iluluklok ang edukasyon at ang kabataan sa pinakamataas na prayoridad nito.

Ayon sa mga grupo, ito na ang pinakamalaking pagbabawas sa pambansang badyet para sa edukasyon sa kasaysayan. “Ang alokasyon para sa state universities and colleges (SUC) sa proposed 2011 pambansang badyet ay mababawasan ng 1.7%, mula P23.8 Bilyon noong 2010 sa P23.4-B sa 2011. Lahat liban sa 15 SUCs ay may bawas sa kanilang operating budgets (MOOE) at ang iba ay hanggang 50% pa.”

Hinihimok rin ng mga grupo ng kabataan ang mga mambabatas sa Kamara na tutulan ang pagbabawas sa badyet para sa edukasyon, at isalin ang mga pondong nakalaan sa debt-servicing at sa militar at kasama na ang ilang patronage programs ng pamahalaan tungo sa sektor ng edukasyon.

Magkakaroon ang Department of National Defense (DND) ng dagdag-pondo mula P96.2-B sa P104.7-B, at ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ng karagdagang P10-B, at ang Philippine National Police (PNP) ng P6.6-B. “Malinaw na ang sektor ng edukasyon at ang kabataan ay hindi unang prayoridad ng gobyerno,” dagdag ng pahayag.

We believe that the education budget cuts infringe on the right to education and the constitutional mandate of the government to make education accessible to all. It is tantamount to the government’s abandonment of its responsibility to guarantee every Filipino’s right to education,” anila.

Hinamon rin ng militanteng mga kabataan na iwasto ang anila’y matagal nang kamalian sa pagbabawas ng badyet sa edukasyon. “Sumusumpa kami, sa lahat ng maaabot ng aming pangangatuwiran at karapatan, na ihinto ang pagbabawas ng badyet sa edukasyon dahil, tulad ng isinaad ng pangulo, ‘Tayo ang kanyang boss’,” sabi pa nila.

Samantala, tutungo sa Setyembre 8 ang mga grupo sa Batasan Pambansa upang umapila sa mga mambabatas at bumuo pa ng mas malawak na pakikipagkaisa sa paglaban sa pagbabawas ng pambansang badyet.