Dalawang Puntos Hinggil sa Hecklers
Sa mga bumabatikos sa ginawang protesta ng apat na lider-estudyante na nagprotesta sa ulat ni Noynoy nung Oktubre 7, may dalawang magandang punto na nararapat lamang sagutin:
1. Madamot na kahilingan ang dagdagan ang badyet ng mga SUCs – Ika nga ni Noynoy, hindi puwedeng sabihin na may education budget cut dahil tataas ang pondo ng SUCs. Kailangan bigyan ng prayoridad ang hayskul at elementarya. Madamot ang mga estudyante ng SUCs dahil gusto nila sila parati.
Pero ika nga ni Cong. Mong Palatino ng Kabataan Party, kung talagang prayoridad ni Noynoy ang edukasyon, hindi niya kailangang pagbanggain ang dalawa. Ang argumento ni Noynoy ay nakabatay sa maling akala na walang pera ang gobyerno. Ang pambayad sa INTERES palamang ng utang ng gobyerno ay mahigit P300 Bilyon. Ang militar ay halos dodoble ang budget papuntang P104-B. Sa dalawa palamang na ito, maaari ng ibigay ang idinagdag na P30-B sa DepEd at ang P24.8-B na katumbas ng budget ng SUCs ngayong taon.
Mahigpit na tinututulan ang polisiya ng pagsakripisyo sa edukasyon at iba pang serbisyong panlipunan sa ngalan ng pambayad ng utang at militar. Isa itong malaking dahilan kung bakit kinamuhian ang rehimeng U.S-Arroyo. Subalit kung ipagtatanggol ng mga maka-Noynoy ngayong isinusulong siya ng pangulo nila, pagpapakita lamang ito na hindi interes ng mamamayan ang nasa puso nila, kundi ang interes na manalo ang kandidato nila.
2. Tama ang ipinaglalaban, pero mali ang porma – Tama naman daw ang ipinaglalaban ng UPM 4, pero hindi tama na sa lugar at oras na iyon ginawa. Kabastusan ‘yun. Sana nakipagdiyalogo nalang ng mapayapa.
Pero pakikinggan ba ang mga estudyante kung idinaan nila sa tinatawag na maayos na paraan? Alalahanin na nung walkout ang mga estudyante nung Setyembre 24 laban sa budget cut, hindi rin sila pinakinggan ng gobyerno. Oo, alam nila na may protesta. Naglabas nga ng pahayag si DBM Sec. Butch Abad. Pero ang laman ng pahayag: magtiis nalang. Hindi ba’t mas bastos yun? Hindi ba sapat na dahilan ang pagkabigo ng protesta sa ‘maayos na paraan’ para tahakin ang landas ng protestang ‘hindi-maayos’?
Kamakailan lamang ay inanunsyo ni Presidential Spokesperson Edwin Lacierda na puwede namang magtaas ng matrikula ang SUCs bilang tugon sa kakulangan sa budget. Ito mismo ang dahilan kung bakit tutol ang marami sa budget cut. Ang pagsambit muli nito ni Lacierda ay pagpapakita ng matinding kawalan ng respeto sa paninindigan ng mga estudyante.
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=10108














[...] This post was mentioned on Twitter by Pheng Mondragon, Pinoy Weekly. Pinoy Weekly said: Sugod mga Kapatid ni Anton Dulce>> Dalawang Puntos Hinggil sa Hecklers http://bit.ly/bilBMg [...]