Serbisyong sosyal: Tapyas dito, tapyas doon
Noong State of the Nation Address ni Pangulong Aquino, ipinangako niya ang isang badyet na “kumikilala nang tama sa mga problema,” at “magtutuon din ng pansin sa tamang solusyon.” Aakalaing tinutukoy niya ang paglaan ng mas malaking pondo para sa mga serbisyong sosyal, na pinakakailangan ng mga mamamayan para mabuhay nang disente at matiwasay.
Pero hindi ito ang nangyari. Sa P1.6 Trilyong panukalang badyet para sa 2011, lumalabas na mas maliit pa nga kaysa sa gobyernong Arroyo ang pondong handang ilaan ng gobyernong Aquino para sa edukasyon, kalusugan, pabahay, at iba pang serbisyong sosyal.
Lumaki ang pambayad sa interes ng utang panlabas. Nasa P357.1 Bilyon ito, o 29.2% na mas malaki kumpara noong 2010. Nadagdagan din ng P10-B ang badyet ng Armed Forces of the Philippines. “Pagbabayaran ito ng gobyerno sa pamamagitan ng pag-atras sa responsabilidad nito sa mahahalagang sektor,” pagsusuri ng Ibon Foundation.
Tunay nga, bumaba nang 3.5% ang badyet ng Department of Health, naging P38.6-B mula sa P40-B. May 55 pampublikong ospital sa buong bansa ang inaasahang tatamaan; tatapyasan ang kanilang badyet ng P363.7 Milyon. Milyun-milyong piso rin ang tinapyas sa subsidyo para sa mahihirap na pasyente o indigent patients at para sa family planning.
Bahagyang lumaki ang badyet ng Department of Education (DepEd), nasa P31.1-B. Pero ayon mismo sa DepEd, kapos pa rin ito para punuan ang malulubhang kakulangan sa klasrum, guro, teksbuk, at scholarships—kailangan ng dagdag pang P100-B. Kasabay nito, tinapyasan ang badyet para sa State Colleges and Universities (SCUs). Paghahatian ng 112 SCUs sa buong bansa ang P23.4-B, mas mababa sa P23.8-B noong 2010. Pinakamalalaki ang budget cut sa University of the Philippines (P1.4-B), Philippine Normal University (P91.3-M), at Bicol University (P88.8-M). Inamin ni Aquino na unti-unting binabawasan ang subsidyo sa SCUs para magsarili o maging “self-sufficient” at “financially independent” ang mga ito, sa pamamagitan ng pakikipagsosyo sa pribadong mga kompanya. Pero ayon kay Kabataan Rep. Raymond Palatino, nangangahulugan ito ng “mas mataas na singil sa matrikula, at bilang ng mga drop-out.”
Noong nangangampanya pa si Aquino kasama ang vice-presidentiable niyang si Mar Roxas, lumagda sila sa isang kasunduan sa mga grupong maralita sa Tondo, Maynila. “Hindi namin hahayaan na paalisin ang mga pamilya at iwan silang walang tirahan. Dapat maglaan ang pamahalaan ng disenteng relokasyon… [at] kung posible, de-kalidad na pabahay,” pangako nila noong Marso 10. Pero P5.7-B lamang ang inilalaan ngayon ni Aquino para sa pabahay, o 0.35% ng pambansang badyet. Tampok din ang pagpapalayas ng libu-libong maralita sa North Triangle, Quezon City, para bigyang daan ang pagtatayo ng QC Central Business District. (Tingnan ang kaugnay na balita)
Mahihinuha ang pagpapabaya maging sa mga Overseas Filipino Worker. Halos kalahati ang tinapyas sa legal assistance fund ng mga OFW, naging P27-M mula P50-M. “Kulang na nga, binawasan pa,” punto ni Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante International. Ayon sa grupo, labag ito sa nakasaad sa Migrants Act na dapat umabot sa P100-M ang pondo para sa mga OFW. Kapansin-pansin umano na walang nakalaan para sa mga OFW mula sa social fund ng pangulo.
Kailangan ang pondo—at tunay na kalinga mula sa gobyerno—ng libu-libong OFW na nasa death row, nakakulong, o stranded sa ibayong dagat. Kinuwestiyon din ng Migrante kung saan napupunta ang tinatayang P32-B kada taon na kinokolektang bayarin ng gobyerno mula sa mga OFW, na hindi man lamang napapauwi o naaasikaso kapag minamaltrato o nabibiktima ng ilegal na rekrutment.
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=10045













