Mag-aaral na nagprotesta sa harap ni P-Noy, pinapurihan


Hindi papaawat ang mga mag-aaral sa patuloy nitong paglaban para sa karapatan sa edukasyon. Sa open forum ukol sa unang 100 araw ni Pangulong Benigno S. Aquino III na inilunsad sa La Consolacion College, apat na estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas-Manila ang nagtaas ng mga plakard at humiyaw ng “Libro hindi bala, edukasyon hindi giyera! […]

Ulat ni Pang. Benigno Aquino III sa kanyang unang 100 araw, minarkahan ng protesta ng mga mag-aaral. (Mula sa op.gov.ph/ BenHur Arcayan / Malacañang Photo Bureau)
Ulat ni Pang. Benigno Aquino III sa kanyang unang 100 araw, minarkahan ng protesta ng mga mag-aaral. (Mula sa op.gov.ph/ BenHur Arcayan / Malacañang Photo Bureau)

Hindi papaawat ang mga mag-aaral sa patuloy nitong paglaban para sa karapatan sa edukasyon.

Sa open forum ukol sa unang 100 araw ni Pangulong Benigno S. Aquino III na inilunsad sa La Consolacion College, apat na estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas-Manila ang nagtaas ng mga plakard at humiyaw ng “Libro hindi bala, edukasyon hindi giyera! Budget sa mga SUCs dagdagan, ‘wag bawasan!,” habang nasa yugtong question-and-answer si Pangulong Aquino.

Dismayado ang mga mag-aaral sa hindi pagtalakay ng presidente sa isyu ng pagkaltas sa badyet para sa State Universities and Colleges (SUCs), bagkus ay ibinandera ang pagsama ng sektor ng edukasyon sa programang public-private partnerships ng kanyang administrasyon.

Isang “rude interruption” ang itinawag ng Office of the President sa naturang insidente. Ngunit ipinagtanggol ni Kabataan Rep. Raymond Palatino ang mga mag-aaral.

“Which is ruder? Interrupting a president’s event to call for higher state subsidy to education, or interrupting the right of the youth to study? Aquino should remember, it is his administration that sparked protests such as this,” aniya.

Sunod-sunod na kilos-protesta ang isinagawa ng mga mag-aaral sa mga nakaraang linggo na tumutuligsa sa pagkaltas ng P23.8 Bilyon sa badyet ng SUCs. Binawasan rin ang badyet para sa scholarships ng Commission on Higher Education ng P650.6 million, kontra sa pahayag ni Aquino’s na lumaki ang badyet para sa edukasyon.

“The student protests are but justifications of the youth’s dismay for PNoy’s 100 days. With his continuing policy of state abandonment on education, to protest is justified,” dagdag ni Palatino.

Bilang tugon sa protestang pinangunahan ni Cesarie Anne Santos, tagapangulo ng student council sa UP Manila, sinabi ni Aquino na tumaas ang badyet ng Department of Education.

Ngunit ayon kay Terry Ridon, tagapangulo ng League of Filipino Students, “Kahit ang pagmamayabang ni Aquino sa pagtataas ng subsidyo para sa edukasyon sa susunod na taon ay hungkag, dahil ang malaking bahagdan ng pagtaas sa badyet (ng DepEd) ay nakatuon lamang sa salary adjustments ng mga guro, at hindi sa kakulangan ng mga pasilidad, silid-aralan, aklat at guro.”

Binigyang-pansin din ng pangulo sa Q&A ang programang K-12 ng DepEd. Aniya, makatutulong sa mga mag-aaral ang dagdag na dalawang taon sa basic education curriculum. Idinugtong pa niya na nahuhuli ang bansa kumpara sa karatig na mga bansa sa pagpapatupad ng programa.

Ngunit sagot ni Ridon, ang tagumpay ng sistemang pang-edukasyon sa ibang bansa ay dahil sa pagbibigay ng mataas na badyet para sa edukasyon–bagay na aniya’y hindi nagagawa sa Pilipinas kahit sa ilalim ni Aquino. Bagkus, lalo pa umanong magpapatuloy ang mga problema na nararanasan ng sektor ng edukasyon sa ilalim ng sistemang K-12.

“Ngayon ay binubutas natin ang bula ng ilusyon ng reporma sa edukasyon sa ilalim ni Pangulong Aquino. Sa pagtutulak sa sistemang K-12 at sa hindi sapat na pagpopondo sa edukasyon, bagay sa kanya ang bagsak na grado, wala nang iba'” pagtatapos ng lider-estudyante.