Balik-Tanaw

LFS laban sa imperyalismo


Itinatag ang League of Filipino Students noong Set. 11, 1977 bilang alyansa laban sa pagtaas ng matrikula at panunupil sa panahon ng diktadura ni Ferdinand Marcos Sr.

Sa gitna ng paglala hagupit ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo, gayundin ang tumitinding pakikibaka ng mamamayan, itinatag ang League of Filipino Students (LFS) noong Set. 11, 1977. Nagsimula ito bilang isang alyansa laban sa pagtaas ng matrikula at panunupil sa mga paaralan sa panahon ng diktadura ni Ferdinand Marcos Sr.

Mga estudyante na sumasama sa mga protesta laban sa gobyerno ang pangunahing target ng panunupil ng administrasyong Marcos Sr. Sa kabila nito, ginamit ng LFS ang protesta at welga para hamunin ang gobyerno. 

Sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos, nakamit nila ang mga mahahalagang tagumpay gaya ng pagbabawas ng matrikula, pagbabalik ng mga konseho ng mga mag-aaral, pahayagang pangkampus at progresibong organisasyon, gayundin ang pag-aalis ng kontrol at presensiya ng mga militar at pulisya sa mga paaralan.

Pormal na naging isang pambansang demokratikong organisasyong pang-masa ang LFS noong 1982. Kasunod ng asasinasyon kay Sen. Benigno Aquino Jr. noong 1983, pinasiklab ng LFS ang isang pambansang mobilisasyon ng mga mag-aaral. Nakilahok sila sa mga protesta at sinamahan ang mga manggagawa sa lansangan. Buhat nito, naging pangunahing aktor ito sa pagpapatalsik kay Marcos Sr. sa poder.

Pinangunahan ng organisasyon ang pagtutol ng kabataan laban sa mga base militar ng United States (US) sa bansa mula sa huling bahagi ng dekada 1980 hanggang sa mawala ito noong 1991. Mula noon, nakilala sila bilang isang organisasyon ng kabataan laban sa imperyalismong US.

Mga kabataan ang bumubuo ng LFS na tumututol sa katayuan ng Pilipinas bilang neokolonya ng US. Naniniwala sila na ang patuloy na presensiya ng US sa Pilipinas ang pangunahing dahilan ng kasalukuyang kahirapan sa bansa.

Bukod sa mga protesta, nag-oorganisa ang LFS ng mga talakayan para itaas ang kamalayang sosyo-politikal ng mga kabataan. Nagsasagawa din sila ng mga dula, pelikula at iba pang kultural na produksiyon para mapaunlad ang kultural na aspekto at samahan ng mga miyembro at balangay nito. 

Mayroon din silang mga programa kasama ang mga manggagawa, maralita, magbubukid, mangingisda at katutubo. Inaabot din nila ang mga biktima ng kalamidad sa pamamagitan ng Tulong Kabataan kasama ang iba pang progresibong organisasyon ng kabataan.

May mga balangay ang LFS sa iba’t ibang paaralan sa bansa at maging sa US. Isa sila sa mga founding organization ng Kabataan Partylist, ang tunay at natatanging boses ng kabataang Pilipino sa Kongreso. Miyembro sila ng mga pambansang alyansa gaya ng Bagong Alyansang Makabayan at Kalikasan People’s Network for the Environment. Sa labas ng bansa, miyembro sila ng Asia Pacific Youth and Students Association, International League of Peoples Struggle at Philippines-Cuba Friendship Association.

Nananatili ang LFS bilang isa sa mga pinakamalaking organisasyon ng mga mag-aaral sa bansa. Patuloy silang nakikilahok sa kasaysayan ng pakikibaka ng kabataan at mamamayan laban sa imperyalistang pananakop at panghihimasok. Hindi sila tumitigil sa paglilingkod sa bayan para sa pambansang demokratikong adhikain.