Estudyante ng UP, PUP naghahandang magwelga sa Nob. 22


Nagkaisa ang iba’t ibang sektor sa komunidad ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa Sta. Mesa, Manila para tutulan ang panukala ng administrasyong Aquino na pagkaltas sa badyet ng pamantasan nang P23-Milyon.

Naghahanda na ang dalawang pinakamalaking state colleges and university (SCU) sa Kamaynilaan — Unibersidad ng Pilipinas (UP) at Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa malawakang “student strikes” magsimula sa Nob. 22 laban sa budget cuts sa SCUs.

Ayon sa mga lider-estudyante ng dalawang pamantasan, mistulang nasa “bagong manedsment” ang state universities and colleges (SUC) sa Nob. 22 dahil sa planong welga ng mga estudyante.

Bilang paghahanda, nagpakita ng pagkakaisa ang iba’t ibang sektor sa komunidad ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa Sta. Mesa, Manila sa pamamagitan ng mga pagkilos nila sa loob ng kampus noong Nob. 18 at 19.

Pinangunahan ni PUP Pres. Dante Guevara, gayundin ng mga militanteng estudyante, kaguruan, administrador at kawani, idineklara nila ang pagtutol sa budget cut sa sektor ng edukasyon at pagsuporta sa panukala ni PUP Student Regent Sheryl Alapad para sa P2-Bilyong badyet ng pamantasan.

Ayon kay Alapad, P2-B ang minimum na kailangan ng PUP para mamantine ang kasalukuyang estado ng mga operasyon at pasilidad ng PUP System.

Inanunsiyo rin ni Alapad ang paglulunsad ng isang student strike sa PUP, kasabay ng iba’t ibang kampus ng state universities and colleges tulad ng University of the Philippines. Pinangungunahan ng Umaksyon o Ugnayang Multisektoral Laban sa Komersyalisasyon ng Edukasyon ang naturang student strike.

“Mula sa mga petisyon para sa diyalogo hanggang sa mga bukas na liham, nasagad na natin ang lahat ng ‘sibil’ at ‘magalang’ na paraan para humiling kay Pangulong Aquino ng badyet para sa Pamantasan nang di aabot sa pagtaas ng matrikula. (Pero) nagbibingi-bingihan si Aquino sa mga panawagan natin para bigyan ng disenteng pondo ang Pamantasan,” paliwanag ni Alapad.

Samantala, nagsagawa rin ng protesta ang mga estudyante, guro at kawani ng UP sa Diliman, Quezon City at Manila kontra sa P1.39-B kaltas sa badyet ng naturang pamantasan.

Isinabay nila ang protesta sa paghalal ng UP Board of Regents sa bagong presidente ng pamantasan. Ngunit di natuloy ang halalan dahil sa pagkakadismis sa rehente ng mga estudyante.

Sinabi ni Rain Sindayen, tagapangulo ng University Student Council, na ang nakaraang administrasyon ni UP Pres. Emerlinda Roman ang nagtaas sa matrikula ng UP mula P300 patungong P1,000. Hinahamon umano nila ang susunod na pangulo ng pamantasan na huwag tularan si Roman.

“Hinahamon namin ang susunod na presidente ng UP na tularan si (PUP President Dante) Guevara at ilinaw ang kanyang tindig laban sa budget cuts,” sabi ni Sindayen.