‘Black Monday Protest’ ng PUP, kasado na sa Lunes
Bilang tugon sa nakaambang kaltas sa badyet ng Polytechnic University of the Philippines at lumalalang korupsiyon sa bansa, nakatakdang magsagawa ng “Black Monday Protest” ang komunidad ng pamantasan sa Lunes, Set. 15.
Bilang tugon sa nakaambang kaltas sa badyet ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) at lumalalang korupsiyon sa bansa, nakatakdang magsagawa ng “Black Monday Protest” ang komunidad ng nasabing pamantasan sa Lunes, Set. 15.
Nahaharap ang PUP sa P9 bilyon budget cut mula sa P12.7 bilyong panukalang badyet nito para sa taong 2026. Ibig sabihin, pagkakasyahin na lang muli ng PUP ang P3.6 bilyon para sa mahigit 93,000 mag-aaral, mahigit 3,000 kawani at guto (800 na kawani at 800 na guro at mahigit 1500 na mga part-time faculty) sa mahigit 27 na campus sa buong bansa.
“Lubhang nakakagalit ang ganitong taon-taon tayong kinakaltasan sa badyet at napeperhuwisyo sa mga baha, samantalang bilyong-bilyong piso ang kinukurakot ng mga nasa posisyon mula sa buwis na pinaghihirapan nating mga mamamayan,” ayon kay Propesor Jun Rivera, pangulo ng Samahan ng mga Dalubguro sa Filipinolohiya ng PUP.

Sa datos mismo ng Department of Finance, aabot sa P118 bilyon sa mga proyektong flood control pa lang ang nawawala sa korupsiyon sa nakalipas na dalawang taon.
“Hindi totoo na walang sapat na badyet para sa PUP. Hindi totoo na walang sapat na badyet para sa pagtaas ng sahod ng mga guro at kawani. Hindi rin totoo na hindi nila kayang magbigay ng mga dagdag na plantilla positions para sa mga kawani ng pamantasan,” ayon kay Propesor Arlan Camba, pangulo ng Unyon ng mga Guro sa PUP (UGPUP).
Kasabay ng budget deliberations ng Commission on Higher Education at ng state universities and colleges sa Kamara nitong Set. 11, sumugod ang komunidad ng PUP sa pangunguna ng UGPUP at Kagawaran ng Filipinolohiya upang irehistro ang kanilang pagtutol sa nakaambang pagkaltas sa badyet ng pamantasan.