PUP, tumindig kontra korupsiyon, tapyas badyet
Higit 15,000 mag-aaral ng Polytechnic University of the Philippines sa iba’t ibang kampus ang nag-walkout laban sa malawakang korupsiyon sa gobyerno at pambabarat sa badyet ng pamantasan.
Umalingawngaw ang sigaw ng libo-libong estudyante ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa Sta. Mesa, Maynila nitong Okt. 10 sa ikinasang system-wide walkout para ipanawagan ang dagdag badyet para sa unibersidad at pagpapanagot sa mga tiwali at kurakot sa gobyerno.
Ang malawakang walkout ay sagot sa kaliwa’t kanang korupsiyon sa gobyerno at anomalya sa mga proyektong flood control at tahasang kaltas badyet sa nasabing pamantasan na kitang-kita sa mga sira at kulang na pasilidad.
Dagdag pa rito ang proyektong North Wing Building sa loob ng kampus na hawak ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na nakalaan sana para sa lumolobong bilang ng mga mag-aaral na ngayo’y tatlong taon nang hindi matapos-tapos.
Sa 2026 National Expenditure Program, tinatayang nasa P3.6 bilyon lang ang nakalaan para sa 25 na kampus ng PUP, mas mababa sa P12.7 bilyon sa orihinal na panukalang badyet ng unibersidad.
Ang PUP ang pinakamalaking unibersidad sa bansa batay sa dami ng mga estudyante, na may mahigit 80,000 populasyon sa iba’t ibang kampus sa buong bansa.
“Mahalaga bilang iskolar ng bayan na tumindig tayo dahil hindi lang ito para sa atin kung hindi para sa iba pang mag-aaral ng PUP at iba pang state universities sa Pilipinas,” ani Keith Bautista, isang broadcasting student.
Nagpahayag din ng hinaing ang mga kawani ng pamantasan na Samahang Janitorial ng PUP (SJPUP) at Bukluran ng mga Designee at Guro sa PUP (Buklod-Guro PUP) kaugnay ng patuloy na kontraktuwalisasyon at kakulangan sa sahod at kumpensasyon.
“Lahat tayo ay biktima, lahat tayo ay sinasalanta ng katiwalian,” ani Prop. Prestoline Suyat ng Buklod-Guro PUP.
Kasabay ng programa sa Sta. Mesa, nagkasa rin ng kani-kanilang programa ang PUP Maragondon, PUP Taguig at unang pakikilahok ng PUP Parañaque. Samantala, sa Batasang Pambansa naman nagtungo ang mga estudyante ng PUP Quezon City para patuloy na irehistro ang mga danas ng mga iskolar ng bayan.
Ayon sa PUP Office of the Student Regent, mahigit 15,000 mag-aaral ang lumahok sa walkout sa iba’t ibang kampus ng pamantasan.
Nagtapos ang programa sa Sta. Mesa sa pagsusunog ng effigy ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang tanda ng galit at pagkondena ng bawat mag-aaral ng PUP sa anumang uri ng katiwalian at paninindigan para sa abot-kamay at dekalidad na edukasyon.