PUP, nanawagan ng pagpapanatili ng Filipino, dagdag badyet sa Buwan ng Wika


Iginiit ng komunidad ng Polytechnic University of the Philippines na panatilihin ang Filipino at dagdag badyet para sa edukasyon.

Bilang pakikiisa sa Buwan ng Wika ngayong Agosto, nagsagawa ng programa ang komunidad ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa pangunguna ng Kagawaran ng Filipinolohiya at Tanggol Wika-PUP nitong Ago. 5. 

Panawagan nila ang pagpapanatili ng mga asignaturang Filipino sa kolehiyo matapos pahintulutan ang mga pamantasan noong 2013 sa bisa ng Commission on Higher Education Memorandum Order 20-2013 ng pagtatanggal ng asignaturang Filipino sa kolehiyo. 

“Ang wika ay hindi lamang kasangkapan sa komunikasyon kundi isa ring sagisag ng ating kultura, kasaysayan at identidad bilang isang bansa. At sa pamamagitan ng maayos at tamang paggamit ng ating wika tayo ay magkakaroon ng pagbabahagi ng kaalaman, saloobin at mga nais upang magpahayag,” sabi ni PUP President Manuel Muhi sa virtual flag ceremony ng pamantasan. 

Dagdag pa ni Muhi, dito rin nakasalalay ang epektibong pag-unawa, pagtuturo at maayos at epektibong paghahatid ng mga ideya at kaalaman na importante sa loob ng akademya sa pang-araw-araw na aktibidad.

“Sa tuwing ginagamit natin po ang ating sariling wika, binibigyan ng buhay at sigla ang ating mga katutubong salita at panitikan. Ito rin ang nagiging isang tulay upang mas lalo pa nating pagkaisahin ng iba’t ibang sektor ng lipunan,” wika ni Muhi. 

Isang malaking hamon umano ngayon ang pagpapanatili ng ating wika sa gitna ng mabilis na pagbabago ng teknolohiya at globalisasyon. Ngunit naniniwala umano si Muhi na kayang panatilihin ang ating mga sariling wika na buhay at makabuluhan kung patuloy itong gagamitin at pagyayabungin.

Ikinadismaya rin ng Tanggol Wika-PUP ang napipintong pagtatanggal ng mga katutubong wika sa mga paaralan matapos aprubahan ng mga senador sa pinal na pagbasa ang Senate Bill 2457. Kung maisasabatas ito, matitigil na ang paggamit ng unang wika o mother tongue bilang midyum ng pagtuturo sa Kindergarten hanggang Grade 3.

“Maraming bentahe ang paggamit ng unang wika o mother tongue sa pagtuturo. Ang problema ay ang implementasyon at hindi ang wika. Ilan pang kailangang tugunan ang mga pangangailangan ng mga guro gaya ng dagdag kagamitang panturo, mga pagsasanay at pagbabawas sa mga gawing walang kinalaman sa pagtuturo o clerical works,” ani Prop. Marvin Lai, tagapangulo ng Kagawaran ng Filipinolohiya.

Maisasakaturapan lang umano ito kung daragdagan ang badyet ng sektor ng edukasyon. Hindi umano ibig sabihin na sektor ng edukasyon ang may pinakamataas na alokasyon sa badyet ay sapat na ito sa pangangailangan ng mga pamantasan. 

Sa PUP pa lang, nasa P9 bilyon ang layong ikaltas sa panukalang badyet nito na P11 bilyon para sa 2025. Lubhang kulang na kulang ang pondo nito para sa operasyon ng pamantasan.

“Nanawagan tayo ng dagdag na badyet para sa batayang sektor kabilang ang edukasyon dahil nakikita natin na ang sahod ng manggagawa sa edukasyon ay hindi na sumasapat para mabuhay ng disente at matugunan ang pangangailangan ng mga pamilya natin,” pagtatapos ni Lai.