Tropang Kano lumalagi sa Hacienda Luisita


Tatlong beses nang pumunta ang mga sundalong Amerikano sa Hacienda Luisita. Magtatayo raw sila ng mga imprastraktura roon. Pero batid ng mga taga-asyenda ang totoong pakay ng mga Kano: Ang pagsupil sa paglaban ng mga mamamayan ng Hacienda Luisita para sa hustisya at reporma sa lupa.

Tropang Kano sa Pilipinas: Susunod na gagala sa Hacienda Luisita? (PW File Photo / Jeffrey Ocampo)
Tropang Kano sa Pilipinas: Susunod na gagala sa Hacienda Luisita? (PW File Photo / Jeffrey Ocampo)

Tatlong beses nang kinausap ng pinagsamang grupo ng mga sundalong Pilipino at Amerikano ang konseho ng Brgy. Bantog sa loob ng Hacienda Luisita. Noong Marso, Agosto, at pinakahuli nitong Nobyembre 10, 2010 lamang. Sa tatlong pulong na iyon, isa lang ang agenda ng mga sundalo – ang pagtatayo ng isang tatlong palapag na multi-purpose building sa naturang lugar. Gagawin umano iyong health center at evacuation center kapag may kalamidad.

Ayon kay Greg Gardanoso, kagawad sa Brgy. Bantog, isang van ng sundalong Pinoy at Kano ang nakipag-usap sa kanila para ipaalam ang pagtatayo ng naturang gusali. Gagamitin daw iyong tirahan ng mga sundalo kapag may medical mission sa lugar.

“Iyon ang sabi nila, pero inoobserbahan namin ang kanilang ginagawa. Tinanong namin na baka mga militar ang titira sa gusali, sabi nila, hindi,” sabi ni Gardanoso sa Pinoy Weekly.

Aniya pa, sa Marso raw sisimulan ang konstruksiyon ng gusali. At bukod sa Bantog, may pinaplano ring itayo sa mga barangay ng Mapalacsiao at Parang.

Iba ang tingin ng mga manggagawang-bukid ng Hacienda Luisita sa tunay na motibo ng pagtatayo ng naturang gusali. Pinangangambahan nilang sa loob ng asyenda isasagawa ang Balikatan 2011, ang military exercise ng sundalong Pilipino at Amerikano sa ilalim ng Visiting Forces Agreement. Lalo na’t ang van na ginamit ng mga sundalo ay may tatak na “RP-US Balikatan Exercises.”

Mula kaliwa: Lito Bais ng ULWU, Tonying Flores ng KMP, at Rodel Mesa ng Ambala. (Soliman A. Santos)
Mula kaliwa: Lito Bais ng ULWU, Tonying Flores ng KMP, at Rodel Mesa ng Ambala. (Soliman A. Santos)

“Unang-una, tututulan namin iyan dahil gagamitin ang lupa ng asyenda, gayong may kaso pang nakasampa sa Korte Suprema,” ayon kay Lito Bais, tagapangulo ng United Luisita Workers Union. Aniya, hindi dapat nakikipagnegosasyon ang manedsment ng Hacienda Luisita Inc. nang hindi sinasabi sa mga magsasaka.

Bukod dito, pinangangambahan din ni Bais ang “pang-aabuso” ng mga sundalong Amerikano sa mga mamamayan ng asyenda.

Sa ngayon pa lamang ay may takot na ang mga taga-asyenda sa mga militar sa loob ng Luisita. Ayon kay Bais, pinaigting pa ng militar ang pagrerekluta ng Citizens Armed Force Geographical Units (Cafgu) sa kanilang hanay noong kalagitnaan ng taon.

“Kung titingnan mo, parang may pinaghahandaan talaga sila dito sa Hacienda Luisita,” ani Bais.

Noong Oktubre, dalawang trak ng sundalo ang dumating sa Brgy. Asturias. Bukod pa ito sa detatsment ng  70th Infantry Battalion ng Philippine Army na matagal nang naroon. Hiwalay pa rin dito ang ilang kubol na siya namang pinagpapahingahan ng mga miyembro ng Cafgu.

Nagpapatrulya rin umano ang mga sundalo sa ilang barangay sa asyenda sa pagitan ng alas-10 hanggang alas-11 ng gabi na naghahasik ng takot sa mga mamamayan ng asyenda.

Para naman kay Antonio Flores, tagapagsalita ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), magiging malaking tulong sa mga Cojuangco-Aquino ang mga tropang Kano kung matutuloy ang Balikatan.

“Bahagi ito ng ginawang pag-uusap nina Pang. Benigno Aquino III at Barack Obama nang dumalaw ang una sa US kamakailan. Tutulong ang mga tropang Kano sa plano ng mga Cojuangco sa pagdebelop sa Hacienda Luisita,” ani Flores.

Sinabi pa ni Flores na naghanap pa ng mga foreign investor si Aquino para mamuhunan sa bansa. Iginiit niya pa na hindi mga mamamayan ang makikinabang dito at sa halip, magiging dahilan pa ito para mapalayas ang mga magsasakang Pilipino sa kanilang lupa.

Hinamon ng mga magsasaka si Aquino, na isa sa mga may-ari ng Hacienda Luisita, na sabihin ang katotohanan tungkol sa gagawing Balikatan. Naniniwala rin sila na sa asyenda gaganapin ang Balikatan 2011 para pahupain ang patuloy na pag-aaklas ng mga manggagawang bukid na matagal nang nakikipaglaban para sa mapasakanila ang lupang pinagbuwisan ng buhay ng ilan sa kanilang mga kasama.