Welga ng kabataan para sa kinabukasan


Inilunsad ngayong linggo ang welga ng kabataang estudyante, pati guro, kawani sa pamantasan, at maging mga miyembro ng administrasyon. Ang layunin: Para tutulan ang pagkaltas sa pondo ng pambansang gobyerno na inilalaan para sa pampublikong mga pamantasan at kolehiyo.

Artikulo ni Darius Galang | Mga larawan nina Jeffrey Ocampo at Macky Macaspac

Inilunsad ngayong linggo ang welga ng kabataang estudyante, pati guro, kawani sa pamantasan, at maging mga miyembro ng administrasyon. Ang layunin: Para tutulan ang pagkaltas sa pondo ng pambansang gobyerno na inilalaan para sa pampublikong mga pamantasan at kolehiyo.

Noong Martes, nagsagawa ng pagkilos ang iba’t ibang state colleges and universities, kabilang ang Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, Manila, Baguio, at iba pang kampus; Pamantasan ng Lungsod ng Maynila; at Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas. Libu-libo ang napalahok sa mga welgang ito. Napalabas sa klasrum, napalahok sa panloob na mga pagkilos, hanggang napamartsa sa mga kalsada patungong Mendiola at Malakanyang, nitong Nobyembre 26, Biyernes.

Pinangunahan ang mga pagkilos ng koalisyong Kilos Na! Laban sa Budget Cuts. Nasa likod ng alyansang ito ang mga organisasyong Anakbayan, League of Filipino Students, National Union of Students of the Philippines, Student Christian Movement, College Editors Guild of the Philippines, Kabataan Party-list, mga konseho ng mga mag-aaral, pati ng mga unyon at organisasyon ng mga guro at kawani.

Iginuhit ng mga pagkilos na ito ang matalas na batikos sa administrasyong Aquino, na tila walang pagbabago sa nakaraang mga administrasyon sa patuloy na pagpasa ng serbisyong edukasyon sa pribadong mga interes. Ayon sa Kabataan Party-list, itinutuloy lamang ng kasalukuyang pamahalaan ang dati nang polisiya ni Gloria Macapagal-Arroyo sa kanyang Medium Term Development Plan for Higher Education, kasama rito ang pagbawas ng badyet ng State Colleges and Universities (SUCs) at itulak itong lumikom ng sariling pondo.

Makasaysayang pagkaltas

Isa sa mga pinuntirya ng pagkilos ng mga estudyante: ang Department of Budget and Management. Kamakaila’y nagpa-interbyu kasi si Sec. Florencio Abad sa midya, at sinabi niyang wala naman talaga umanong kaltas sa badyet ng edukasyon. Ngunit sa parehong panayam, hinikayat pa niya ang mga administrasyon ng SUCs na magtaas ng matrikula at maghanap ng pagkakakitaan para madagdagan ang pondo ng kanilang mga pamantasan.

“Panibagong kasinungalingan na naman ito ng administrasyong Aquino, ang hari ng mga baluktot na pamamaraan. Kasabwat ang kanyang tagapayong si Butch Abad, prinsipe ng kasinungalingan, muli nilang nililinlang ang mga mamamayan,” ani Vencer Crisostomo, tagapagsalita ng Kilos Na! Laban sa Budget Cuts.

Ilan nang naging produkto ng iskemang ito, bukod sa ibang paraan, ang pagtataas ng matrikula ng mga paaralan at pagbenta o pagpapaupa ng lupain o pasilidad, na minsa’y itatago sa pangalang idle asset. Pinakatampok sa iskemang ito ang dinanas ng Unibersidad ng Pilipinas, na ngayo’y may nakatayong Ayala Technohub sa lupain nito sa Commonwealth, at pagtaas ng 300% sa tuition nito.

Ngunit kasabay ng paggamit sa komersiyal na interes ng mga lupain ng UP, patuloy na palaki nang palaki ang ikinakaltas sa badyet ng pamantasan. Pinakamataas na ang panukalang kaltas ng P1.39 Bilyon mula sa subsidiyang matatanggap ng UP sa pamahalaan sa 2011. Sa pagtatala sa porsiyento ng kabawasan sa dati nitong subsidyo, ikaapat ang UP sa tatamaan ng bawas sa badyet; una ang menos 23.59% kaltas sa Philippine Normal University.

Sumunod sa pinakamalaking kakaltasan ang Aurora State College of Technology (22.21%); Cerilles State College (21.95%); UP (20.11%); at University of Southeast Philippines (20.03%).