Istorya ng Linggo

Dagdag-sahod, laban ng sambayanan


Ipinamamalas ng sobrang babang sahod ng mga manggagawa ang tindi ng pambubusabos sa kanila ng mga kapitalista sa lipunang Pilipino. Kaya naman, ayon sa Koalisyon ng Progresibong Manggagawa at Mamamayan o KPMM na kailangang magkaisa ang iba’t ibang inaaping sektor para ilaban ang dagdag-sahod.

P125 across the board na dagdag-sahod: Mag-iisang dekada nang ikinakampanya ng Kilusang Mayo Uno. (Soliman A. Santos)
P125 across the board na dagdag-sahod: Mag-iisang dekada nang ikinakampanya ng Kilusang Mayo Uno. (Soliman A. Santos)

Mag-iisang dekada nang walang makabuluhang dagdag-sahod ang manggagawang Pilipino.

Magmula nang maupo sa puwesto si dating pangulong Gloria Macapagal Arroyo hanggang sa ngayon, sa panunungkulan ni Pang. Benigno “Noynoy” Aquino III, patuloy na tinututulan ng mga negosyante’t mayorya ng mambabatas ang umento sa sahod. Samantala, di na mabilang ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, ng kuryente’t tubig, ng langis, at iba pang gastusin.

Hanggang sa pagkakasulat ng artikulong ito, mariin pa ring hinaharangan ng mga kapitalista, sa pamumuno ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP), ang panukalang dagdag na sahod sa mga manggagawa. Katunayan, aktibo pa silang nagmumungkahi ng “wage hike moratorium” sa bagong pangulo.

Tulad ng mga nakaraan, palaging may dahilan. Sa pagkakataong ito, ikinakatuwiran nila na nagrerekober pa lamang mula sa krisis pampinansiya ang mga kapitalista.

Pero hindi kumbinsido ang mga manggagawa. “Daan libong manggagawa na ang sinibak nila nitong nakaraang dalawang taon ng pandaigdigang krisis pampinansiya, hindi naman tumataas ang sahod sa panahong ito, o bago nito. Ngayong sinasabi nilang nagsisimula pa lamang silang makarekober mula sa krisis, malaganap pa rin ang tanggalan, kontraktuwalisasyon at iba pang iskema sa pag-eempleyo,” paliwanag ni Elmer Labog, tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno (KMU).

Para kay Labog, hindi rin katanggap-tanggap ang paghugas-kamay ng bagong administrasyong Aquino sa di-pagbigay ng umento sa sahod at pagpapaubaya sa regional wage boards.

Kalagayan ng manggagawang Pinoy

Sa National Capital Region (NCR) may pinakamataas na minimum na sahod sa buong bansa. Pero nasa P404 lamang ito, kasama na ang mumong P22 dagdag nitong Hunyo 2010.

Batay sa mga presyo noong taong 2000, umabot sa P242 lamang ang tunay na halaga ng minimum na sahod na ito. Ibig sabihin, kung tunay na halaga ang pag-uusapan, mas mababa pa rin ito sa minimum na sahod noong Nobyembre 2000, na nasa P250. Sa loob ng 10 taon, samakatwid, lumiit na nang lumiit ang tunay na halaga ng sahod, kumaunti na nang kumaunti ang mga kalakal at serbisyo na nabibili sa pamamagitan ng halagang ito.

Kahit sa mismong pananaliksik ng gobyerno, kapos na kapos ang pasahod na ito kung ihahambing sa pang-araw-araw na pangangailangan ng karaniwang pamilyang Pilipino. Ayon mismo sa National Wages and Productivity Commission ng gobyerno, noon pa mang Setyembre 2008, nasa P917 na ang kabuuang presyo ng mga pang-araw-araw na pangangailangang ito.

Ibig sabihin, kapos ang minimum na sahod ng P535 sa pangangailangan ng karaniwang pamilyang Pilipino – at kulang pa rin kahit dalawang miyembro na ng pamilya ang nagtatrabaho at tumatanggap ng minimum na sahod.

Napakaliit ng minimum na sahod lalo na’t kakatapos lang ng rehimen ni Gloria Arroyo – pangulong pinakamatagal ang panunungkulan sunod kay Ferdinand Marcos pero pinakamababa ang dagdag sa sahod kumpara sa lahat ng pangulong sumunod kay Marcos. Sa ilalim ni Arroyo pinakamababa ang pagtaas ng tunay na halaga ng sahod (P5) kumpara sa p anunungkulan nina Cory Aquino (P82), Fidel Ramos (P16) at Joseph Estrada (P22). Sa kabila ito ng sunud-sunod at malakihang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa ilalim ng rehimeng Arroyo.

Lalong sumasahol ang larawan kapag tiningnan ang ibinibigay na minimum na pasahod sa iba’t ibang rehiyon sa bansa. Instrumento ang rehiyunalisasyon ng sahod – na ipinatupad ng gobyerno sa bisa ng Wage Rationalization Act ng 1989 – para ibayo pang baratin ang antas ng sahod ng mga manggagawa sa buong bansa. Tinanggal nito ang dating pagtatakda ng pambansang minimum na sahod.

Hindi lang iyan, nagpataw ito ng mahigit 1,000 antas ng pagpapasahod sa buong bansa. Ginagamit ng gobyerno sa pamamagitan ng regional wage boards ang iba’t ibang umano’y panrehiyong salik para bigyang-katwiran ang minimum na sahod,  na itinatakda ng mga kapitalistang lokal at dayuhan batay sa kagustuhan nilang palakihin ang kanilang tubo. Sa karanasan, tanging mumong dagdag-sahod ang napala rito ng mga manggagawa.

Nakapakong minimum ng mga kawani ng gobyerno

Napakaliit na nga ng minimum na sahod na tinatanggap ng mga manggagawa sa buong bansa, mas mababa pa rito ang minimum pay na tinatanggap ng mga kawani sa pampublikong sektor.

Tumatanggap lang ng P6,149 kada buwan ang kawani ng pamahalaan na nasa pinakamababang antas ng suweldo, o Salary Grade (SG) 1. Wala pa rito ang mga mandatory contributions na kinakaltas gaya ng sa GSIS, withholding tax, PhilHealth at Pag-ibig at iba pa – na lalong nagpapaliit sa sahod ng mga kawani.

Mula 2001, ipinako na sa antas ng P5,082 ang minimum na suweldo. Sa loob ng mahigit siyam na taon ng rehimeng Arroyo, umabot ng 10% noong 2007 at 10% noong 2008 lang ang naging dagdag sa suweldo ng mga kawani. Dahil porsye-porsyento ang pagtatakda ng dagdag-sahod, di hamak na mas maliit ang tinanggap na umento ng mga kawaning dati nang maliit ang tinatanggap na suweldo.

Bilang tugon sa malakas na paglaban ng mga kawani sa pampublikong sektor para sa makabuluhang umento, ipinatupad ni Arroyo ang Salary Standardization Law 3 o SSL 3 noong 2009.

Gayunman, kahit ang tagumpay na ito’y pinagsamantalahan ng mga kapitalista at iilang nasa kapangyarihan. Habang naiangat nito kahit papaano ang sahod ng mga  kawani, binibigyang-katwiran naman ng SSL 3 ang pagtataas sa suweldo ng executives at iba pang opisyal ng pamahalaan na nasa antas ng manager, CEO at COO sa mga pribadong kompanya. Sa balangkas ng naturang batas, ipapatupad ang umentong mula 30%-142% sa loob ng apat na taon. Magiging P9,000 ang minimum na sahod pagdating ng 2012.

Kahit pa ibigay nang buo ngayong taon ang umento ayon sa SSL 3, ang P9,000 lang na minimum na suweldo’y malayung-malayo sa konserbatibong pagtaya ng gobyerno sa buwanang gastusin ng kada pamilya para mabuhay, na nasa P28,710 kada buwan.

Mas mababa at kadalasa’y hindi pa ipinapatupad ang umento kung ang mga kawani ay nasa mga Local Government Units o LGUs. Ekspresyon ang pagpapasuweldo sa kanila ng patakarang rehiyunalisasyon ng sahod ng gobyerno sa pampublikong sektor. Iba raw ang cost of living sa isang rehiyon kaya iba rin ang sweldo sa mga kawani na tumatangan ng parehong gawain. Ayon sa kita at pampinansiyang kapasidad ng LGUs ang pagpapatupad ng umento. Ibig sabihin, maaaring hindi magpatupad ng umento ang mga ito gamit ang dahilang wala silang sapat na pondo.