Konteksto

Globalisasyon at pagtaas ng pamasahe


Light Rail Transit/Metro Rail Transit (LRT/MRT) at taksi ngayon; dyip, traysikel at bus naman bukas. Aba, baka pati mga nagpapatakbo ng kuliglig,de-padyak at karitela, makisali na sa napipintong pagtaas ng pamasahe.

Light Rail Transit/Metro Rail Transit (LRT/MRT) at taksi ngayon; dyip, traysikel at bus naman bukas. Aba, baka pati mga nagpapatakbo ng kuliglig,de-padyak at karitela, makisali na sa napipintong pagtaas ng pamasahe.

Ito ang mga pagkakataong umiinit na lang ang ulo ng mga tao at itinaaas ang kamay sa pagsuko. Alam ko na ang nasa isip mo: “Hay naku, bakit ba nagpapatuloy ang sitwasyong ito? Bakit nangyayari ito sa panahon ng daang matuwid ni Pangulong Noynoy Aquino?”

Seryoso ang iyong diskurso, pero paminsan-minsa’y nadaraan pa rin sa biro ang problema: Kailan kaya maiisipan ng gobyernong magpataw ng buwis sa paglalakad sa bangketa? Maniningil na rin kaya ang gobyerno sa mga tao habang sila’y naghihintay ng masasakyang dyip, bus o taksi sa kalsada? Aba, baka pati pagpila sa istasyon ng LRT/MRT ay pagkakakitaan na rin nila!

Siyempre, imposible naman yatang magkatotoo ang mga birong ito, bagama’t hindi rin natin alam kung ano ang mangyayari bukas. Baka sa paggising sa umaga, biglang bumalaga sa atin ang mapait na katotohanan: Ang biro noon ay polisiya na ngayon!

Sa mga pagkakataong ito, iiling ka na lang ba’t hahayaang mabutas ang bulsa? Tatanggapin mo na lang ba ang pagtataas ng pamasahe bilang bahagi ng ating kaawa-awang buhay sa isang naghihirap na bansa?

Kung paniniwalaan kasi ang pamahalaan, hindi maiiwasan ang pagtaas ng pamasahe. Una, tumaas ang singil sa toll ng mga pangunahing expressway. Ikalawa, patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa pandaigdigang pamilihan. Ikatlo, kailangang gumastos ng mga nangangasiwa sa LRT at MRT para mapaganda ang serbisyo sa tinatayang 500,000 pasahero ng mga ito araw-araw. Alam nating lahat na ang mga salik na ito’y may direktang epekto sa singil sa pamasahe.

Hindi ko po ikinakaila ang realidad ng mga ito. Ang hindi lang katanggap-tanggap sa akin ay ang “ginagawa” ng mga nasa kapangyarihan sa gitna ng pagtaas ng pamasahe. Tila ang estratehiya lang nila ay kumbinsihin ang taumbayang tanggapin ang sitwasyong ito dahil sa mga kondisyong labas sa kontrol ninuman. Pangunahing argumento kasi ng gobyerno ang pagtaas ng krudo at mga produktong petrolyo sa pandaigdigang pamilihan, pati na ang desisyon ng mga korporasyong may kinalaman sa mga expressway at LRT/MRT na sa tingin nila ay may “business sense” naman.

Sa aking palagay, mayroon tayong pundamental na problema sa kasalukuyang pamahalaan: Tulad ng edukasyon at iba pang batayang serbisyo, tinitingnan ang pampublikong transportasyon bilang negosyo. Nagiging katanggap-tanggap tuloy para sa mga nasa kapangyarihan na ang pamasahe sa LRT/MRT ay ayon sa itinakdang halagang dapat na may kita (profit). Sa konteksto ng pamasahe sa bus, dyip, taksi, traysikel at iba pang moda ng transportasyon, hindi na nagiging mapanlikha ang mga nasa kapangyarihan para siguraduhing hindi lalong mahihirapan ang mga kakarampot ang kita para makarating sa pupuntahan nila. Kahit na sabihing may regulasyon sa pamasahe ng dyip, taksi at ilang linya ng bus (deregulated na po kasi ang pamasahe sa provincial bus lines noon pang dekada 90), ang pagtaas ay nangyayari pa rin dahil sa deregulasyon sa downstream oil industry.

Sa kontekstong ito, ang pang-matagalang solusyon sa pagtaas ng pamasahe ay hindi pagtitipid o paglalakad, o anumang kagyat na hakbang tulad ng pagbibisikleta o pag-oorganisa ng car pool sa eskuwelahan o opisina. Bagama’t nakakatulong ang mga ito, hindi pa rin natutugunan ang mga kontrobersiyal na polisiyang ugat ng ating problema.

At ang mga polisiyang ito’y naaayon sa globalistang tunguhin, lalo na sa usapin ng deregulasyon at pribatisasyon.

Gaya ng nabanggit kanina, ang deregulasyon sa downstream oil industry ay may direktang epekto sa pamasahe, kaya nararapat lang na malalimang pag-aralan ang alternatibo dito, ang pagsasabansa ng industriya ng langis. Bago pa man ang pagpapatupad ng unang Downstream Oil Industry Deregulation Act noong kalagitnaan ng dekada 90, marami nang pag-aaral na isinagawa tungkol sa nationalization. Hindi po ito walang-lamang retorika dahil may mga partikular na panukala’t hakbang tungkol dito tulad ng pagkokontrol sa presyo at pagtatanggal ng buwis sa mga produktong petrolyo, pati na ang pagkakaroon ng buffer fund para masiguradong hindi tayo apektado ng mga hindi-inaasahang pangyayari sa pandaigdigang pamilihan.

Tungkol naman sa pribatisasyon, hindi dapat ibigay sa kamay ng pribadong negosyo ang pangangasiwa sa LRT/MRT at expressways. Parati’t parating may dahilan ang mga negosyante para itaas ang mga presyo ng kanilang produkto’t serbisyo, at higit na mas marami ang kanilang argumento kung bakit hindi maaaring ibaba ang mga ito. Hindi natin maaasahan sa mga negosyanteng isipin ang kabutihan ng nakararami sa pagtatakda ng kanilang sisingilin.

Sa huling pagsusuri, may kagyat na pangangailangang tutulan natin ang pagtataas ng pamasahe. Pero may pangmatagalang hamon para patuloy na tuligsain ang mga polisiyang patuloy na nagpapahirap sa atin, tulad ng konsumisyong mas kilala sa salitang globalisasyon.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.