Pagsasapribado sa limang proyektong pantransportasyon binatikos ng kabataan


Binatikos ng grupo ng mga kabataan ang pag-apruba ng Malakanyang sa pagbubukas ng bidding sa tatlong kontrata ng expressways, habang nakabinbin na patungo sa pribatisasyon ang dalawang light railway systems sa Metro Manila.

Tren ng LRT-2. (lakbaypilipinas.com)
Tren ng LRT-2. (lakbaypilipinas.com)

Binatikos ng grupo ng mga kabataan ang pag-apruba ng Malakanyang sa pagbubukas ng bidding sa tatlong kontrata ng expressways, habang nakabinbin na patungo sa pribatisasyon ang dalawang light railway systems sa Metro Manila.

Para kay Vencer Crisostomo, tagapangulo ng militanteng organisasyong pangkabataan na Anakbayan, ang “pagbebenta” (sellout) ng mga serbisyong pampubliko ay mangangahulugan ng mas mataas na presyo ng bilihin, at mauuwi sa mas malalim na kahirapan sa karamihan ng mga mamamayan.

Nauna nang nagsipagtaasan ang mga singil sa paggamit sa tollways sa simula ng taon. Pinakahuli ang pagaapruba ng Malakanyang sa pagtataas ng singil sa pasahe sa MRT at LRT.

“Mangangahulugan ito ng garantisadong kita sa mga taong kauri ng pangulo, habang itinatanggi ang serbisyong pampubliko sa mga mamamayan,” pahayag ni Crisostomo.

Bahagi ng inisyatibang public-private partnership (PPP) ni Pang. Benigno Aquino III ang pinaplanong pabsasapribado sa mga proyektong pangtransportasyon tulad ng Ninoy Aquino International Airport Expressway (Phase II), NLEX-SLEX Link Expressway, at Daang Hari-SLEX Link Road Project. Ngunit para sa Anakbayan, “ang pakahulugan ng PPP ay ‘patong-patong na pahirap,’ at ‘pagtataksil ng pamahalaan sa publiko’.”

Pahayag ng Pangulo na “kapag natapos na ang mga proyektong ito… ang mga negosyong nakabase sa Pilipinas ay makakakita ng mas mabilis na paraan upang maihatid ang kanilang mga produkto” sa kanyang talumpati sa Development Bank of the Philippines.

“Di hamak na papasiglahin ang ating ekonomiya ng mga proyektong ito. Sa tayang investment na lagpas sa isang bilyong dolyar na nakapila sa bidding, nagbibigay ang mga proyektong ito ng dahilan para tayo’y maging optimistiko,” ani Aquino.

Idinugtong pa niya na magbebenepisyo ang mga sumasakay sa lalabas na pribadong pagmamay-ari ng Metro Rail Transit-3 at Light Rail Transit-1 lines. Dugtong ng pangulo na ang bagong magmamay-ari ay siguradong “itaas ang kalidad ng serbisyo ng naturang sistema ng transportasyon at lilikha ng mas sustenableng modelo ng negosyo.”

Ang mga proyekto ay magkakahalaga ng P47.19-B sa kabuuan ayon kay Claro Fernandez, hepe ng Investor Relations Office ng Bangko Sentral ng Pilipinas.

“Siguradong tataas ang pamasahe at presyo ng bilihin dahil sa mas mataas na halaga ng transportasyon,” giit ni Crisostomo. “pagtatraydor sa mga mamamayan ang pagsasapribado ng mass transit at tollways. Responsabilidad ng gobyerno ang pampublikong transportasyon.”

Kasama sa pagpuna ni Crisostomo ang aniya’y pagsunod ng gobyerno sa dati nang bigong modelo ng polisiya ng pribatisasyon. “Ang mga nakaraang pagsasapribado ay malinaw na nangahulugan ng peligro sa kabutihan at interes ng publiko. Ang utility rates halimbawa ay sumirit dahil sa di pantay na garantiya at iskemang pribatisasyon.”

Plano ng gobyerno na simulan ang proseso ng subasta sa pribatisasyon ng LRT-1 at MRT-3 sa pagtatapos ng Marso, habang ang subasta para sa Daang Hari-SLEX Link Road Project ay sisimulan sa Abril. Susunod ang NAIA Expressway sa Mayo, at ang NLEX-SLEX Link Expressway sa Hunyo.

“Ipinagpapatuloy lamang ng adminstrasyong Aquino ang polisiya ng ‘globalisasyon’ ni Arroyo at ng nagdaang mga administrayon. Sa likod ng dilaw na maskara ay isang kontra-mahirap at maka-kapitalista na halimaw, na dapat labanan ng masang Pilipino,” pagtatapos ni Crisostomo.