Kapirasong Kritika

MonCasiplePeaceTalks


Sa sanaysay niyang “A Serious Peace Initiative,” nag-aalok si Ramon “Mon” Casiple, na humaharap bilang “political analyst” o “manunuring pampulitika” sa midya kahit nakahanay sa Akbayan sa totoong buhay, ng pagsusuri sa kalagayan ng bansa bilang konteksto ng magbubukas na usapang pangkapayapaan sa pagitan ng rehimeng Noynoy Aquino at ng Communist Party of the Philippines.

Sa sanaysay niyang “A Serious Peace Initiative,” nag-aalok si Ramon “Mon” Casiple, na humaharap bilang “political analyst” o “manunuring pampulitika” sa midya kahit nakahanay sa Akbayan sa totoong buhay, ng pagsusuri sa kalagayan ng bansa bilang konteksto ng magbubukas na usapang pangkapayapaan sa pagitan ng rehimeng Noynoy Aquino at ng Communist Party of the Philippines.

Dito, binuo ni Casiple ang isang “pulitikal” na pagsusuri sa armadong pag-aalsa sa bansa na isinusulong ng CPP at ng New People’s Army. Aniya, bumuti na ang sistemang pampulitika sa bansa mula nang maibagsak ang diktadurang Marcos at mapanumbalik ang walang kagatul-gatol niyang tinatawag na “demokrasya.” Itinutulak niya ang pagtapos sa armadong pakikibaka at usapang pangkapayapaan sa pamamagitan ng isang “political settlement” – na aniya’y “nakabatay sa pagreporma at pagpapalakas sa demokrasya, at walang sagkang partisipasyon ng CPP sa ating mga prosesong pampulitika” – tampok ang eleksyon.

(1) Nakadireksyon ang pagsusuring inilalako ni Casiple sa pagpapabilis ng pagtapos, pero hindi ng pagresolba, sa armadong rebolusyong pinapamunuan CPP. Sa kabila ng pagpapayo niya kapwa sa gobyerno at sa CPP para magsalubong ang dalawa, malinaw na ang gusto niya ay sumuko ang CPP. Hindi lang pagsuko ng CPP bilang organisasyon sa gobyerno ang gusto niya; mas mahalaga rito, gusto niyang isuko ng CPP ang mga prinsipyo nito at tanggapin, bilang sariling prinsipyo, ang pagbasa niya sa sitwasyong pampulitika ngayon sa bansa.

(2) Sentral sa pagsusuring inilalako ni Casiple ang paghiwalay ng pulitika sa ekonomiya at pagbibigay ng pokus sa una – nang hindi iniuugnay sa, at nang hindi pinagyayaman ng, ikalawa. “Pulitikal ang dapat na pundamental na batayan ng mga negosasyon,” aniya, at ang pagdidiing ito sa pulitika ang partikular na taktika ng pagsisikap niyang mapasuko ang CPP.

(3) Pero mahigpit na magkaugnay ang ekonomiya at pulitika. Kapos at mapanlinlang ang anumang pagsusuri na nagsisikap silang paghiwalayin. Kahit ang mga problemang tinutukoy ni Casiple, sa makaisang-panig na pagsuri niya sa pulitika, ay nakaugat sa sistemang pang-ekonomiya. Aniya, ang mga natitirang problema ng bansa ay ang “patuloy na pag-iral ng warlordismo at mga pribadong grupong armado, ang politisasyon ng [Armed Forces of the Philippines] at ng pwersa ng pulisya, at ang iba’t ibang hadlang sa todong pagtamasa ng mga mamamayan ng mga bunga ng napanumbalik na demokrasya.” Idagdag na rito ang tinutukoy niyang “pulitikang personalistiko at pinaghaharian ng mga angkan, ng ‘guns, goons and gold’.” Kung papalalimin ang mga suliraning ito, makikitang hindi karaniwang mga mamamayan ang responsable, kundi ang mga burges-komprador at panginoong maylupa – mga uring naghahari sa sistemang pang-ekonomiya.

(4) Mula sa isang perspektibang Marxista, pinatigas ng kapitalistang moda ng produksyon ang pagsasanga-sanga at espesyalisasyon ng kaalaman sa iba’t ibang disiplina at idinulot ang lalo pang pagsasanga-sanga at espesyalisasyon ng mga ito. Bukod pa ito sa pundamental na pagkakawalay ng mental at manwal na paggawa na idinulot ng kapitalismo. Resulta ito ng tulak ng kapitalismo na paunlarin ang mga kagamitan sa produksyon at lumikha ng yaman nang walang kaparis sa kasaysayan. Katulad sa pag-unlad, na mas tamang tawaging “pagrebolusyonisa,” sa mga kagamitan sa produksyon na ginawa ng kapitalismo, ang pagharap dito ng mga Marxista ay hindi ang hilingin ang pagbabalik ng kasaysayan sa nauna – ang yakapin ang naunang pyudal-relihiyosong kaalaman, sa kasong ito. Ang tinatanaw at sinisikap ng mga Marxista ay ang pagsulong mula sa kasalukuyan – ang pag-uugnayan at pag-aambagan ng iba’t ibang disiplina ng kaalaman para tugunan ang mga pangangailangan at ang pakikibaka ng nakakaraming manggagawa at mamamayan. Sa kaso ng ekonomiya at pulitika, halimbawa, ang pagsisikap ay makikita sa “ekonomiyang pampulitika” – na nagpapakita kung paanong magkaugnay ang dalawa. Paalala ng isang Marxistang intelektwal: Marxista ang mismong reyalidad.

(5) Kontra-mamamayan ang ikahon ang pakahulugan ng “demokrasya” sa regular na pagdaraos ng eleksyon at pormal na paggarantiya sa pagpapahayag ng mga kaisipan, at nang sa gayon ay magawang tawaging “demokrasya” ang umiiral sa bansa, tulad ng ginagawa ni Casiple. Dapat suriin ang nakadeklarang demokrasya sa pulitika nang kaugnay ng aktwal na kawalan ng demokrasya sa ekonomiya. Kahit ang mga eksperto sa agham panlipunan, hindi man progresibo, ay nagsasabi: sinisira at sinasalaula ng kawalan ng demokrasya sa ekonomiya ang demokrasya sa pulitika – sa puntong nagiging kwestyonable kung demokrasya pa ang huli. Maaaring mas gumanda ang tanaw kung magpopokus sa pulitika pagkatapos ng diktadurang Marcos, pero kung titingnan ang ekonomiya – at ang pulitika nang kaugnay ng ekonomiya – makikitang wala gaanong pagsulong. Sa kasaysayan ng lipunang Pilipino kung saan nakakarami ang naghihirap at iilan ang mayaman, naglingkod sa pangunahin ang pampulitikang “demokrasya” sa demokrasya ng mga naghaharing uri na ipinapataw nila bilang diktadura sa sambayanan.

(6) Paano at hanggang saang antas kaya isang kakatwang patunay ang pagkabilib sa eleksyon maging ng mga nagpapanggap na progresibo sa bansa ng lakas ng propaganda para sa “demokrasya” ng sukdulang kontra-demokratikong imperyalismong US?

(7) Sa kasaysayan ng mga progresibong kilusan sa mundo, hindi naging pangunahing larangan ang eleksyon ng pagdudulot ng makabuluhang pagbabagong panlipunan. Mula sa perspektibang ito, walang batayan para magmukhang kaakit-akit ang panawagan ni Casiple, patungkol sa mga Komunista na “Hayaan silang lumahok sa demokratikong eleksyong malaya at patas at bigyan ang mga mamamayan ng pagkakataon na tingnan ang kanilang inilalako at bilhin o ibasura ang mga ito. Ito ang esensya ng demokrasya.” Larawan ang Chile kung paanong pinahirapang magdulot ng pagbabago at marahas na ibinagsak ng pagsasabwatan ng mga naghaharing uri, ng militar at ng US ang mga sosyalistang gobyernong nahalal sa eleksyon. Larawan ang Venezuela kung paanong bagamat maraming tagumpay ang nakamit ng mga gobyernong anti-neoliberal ngayon na naluklok sa eleksyon, limitado at laging nasa panganib ang mga nagagawa nilang pagbabago. Larawan ang Indonesia ng rurok ng pagdahas sa mga Komunista na nakasandig sa ligal na pag-iral: milyun-milyong Komunista ang walang kalabang-labang minasaker dahil sa paglakas nila sa harap ng kawalan ng atrasan sa armadong paglaban.

(8) Sa kahit anong tunay na negosasyon, hindi uubra ang maling pag-unawa ng isang panig sa kahilingan ng kabila. Walang mangyayari sa usapang pangkapayapaan kung hindi kikilalanin ng gobyerno ang mga tunay na ugat ng rebolusyong isinusulong ng CPP batay mismo sa pag-unawa ng CPP at ng ibang grupo rin sa bansa. Walang mangyayari kung ang sinasabi ng CPP na mga ugat ng pag-aalsa nito ay papalitan ng gobyerno ng mga gawa-gawang dahilan tulad ng inihahapag ni Casiple.

(9) Sa isang pagtingin, nagbebenta si Casiple ng dahilan na pwedeng gamitin ng rehimen para itigil ang usapang pangkapayapaan – katulad ng ibinebenta ngayon ng militar na mga usapin sa rebolusyunaryong pagbubuwis ng CPP at NPA. Pwedeng ipangako ng rehimen na tutugunan ang mga suliraning sinabi ni Casiple nang hindi tinutugunan ang mga dahilang sinasabi mismo ng CPP. Pwede nitong ialok sa CPP ang “political settlement” ni Casiple at sa batayang ito ay makipagmatigasan hanggang magsara, muli, ang usapang pangkapayapaan. Pwedeng gamitin ang “political settlement” ni Casiple para isabotahe ang negosasyon at todong pawalang muli, nang may pakiwaring makatwiran na ito, ang pandarahas sa Kaliwa.

(10) Isa sa gawa-gawang dahilan ni Casiple kung bakit dapat mabilisang makipagkasundo ang CPP sa gobyerno ay “kapwa walang pinapatunguhan ang armadong pakikibaka ng CPP at ang programang kontra-insurhensya ng AFP para maangkin ng isang panig ang ganap na tagumpay sa kalaban.” Kahit ipagpalagay na tama ang pagsusuring ito, sa harap ng mas malaking pondo at tauhan ng AFP, dapat ituring itong mas tagumpay ng CPP.

(11) Ang gusto ni Casiple ay ibasura na agad ng CPP ang buong estratehiya nito, kasama ang taktika nito sa negosasyong pangkapayapaan, sa batayan ng aniya’y “kaseryosohan” ng rehimeng Aquino. Pero ang ipinakitang “kaseryosohan” ng rehimen ay sa pagsisimulang muli pa lang ng usapang pangkapayapaan, hindi pa sa kabuuan nito tulad ng ipinagkakamali ni Casiple. Ang pinakamahusay na sukatan ng kaseryosohan ng rehimen ay makikita pa lang – sa aktwal nitong pagtugon sa mga mayor na kahilingan ng CPP sa mismong negosasyon.

(12) Gasgas nang retorika ang sabihing dapat magbago ng isip at “tumanda nang may pinagkatandaan” ang CPP at iba pang progresibong organisasyon dahil marami na umano ang nagbago sa mundo – ang sabihing “Kailangan din ng CPP na ibasura ang mesiyaniko, ‘wastong’ balangkas na pang-ideolohiya na uso noong dekada ’60. Malaki ang pagkakaiba ng mundo ng ika-21 siglo sa mundo ng nakalipas na 50 taon.” Hindi tulad ng mga Partido Komunista sa ibang bansa na humina matapos ang dekada ’60, lumakas ang CPP matapos ang nasabing dekada at nananatiling pwersang pampulitika hanggang ngayon – patunay na hindi lang sa dekadang iyun nauso ang balangkas ng CPP. Madaling sabihin ang ganitong mga bagay nang hindi nagbabanggit ng kongkreto at makabuluhang patunay. Madali ring sabihin sa isang organisasyon na ibasura ang pagtinging “wasto” ang ideolohiya nito lalo na’t hindi iniisip na buhay at kamatayan ang pakikibakang isinusulong nito.

(13) Sa sanaysay niya, hindi na nagpapanggap na maka-kaliwa si Casiple, tulad ng dating pagpapanggap ng grupo niyang Akbayan. Dito, makikita na isa siyang liberal-demokratiko – yumayakap nang buung-buo sa gobyerno at sa sistemang umiiral sa bansa, mas panig kaysa kritikal sa mga ito. Aniya, “Kailangan ng gobyerno… na pagkaisahin ang mga mamamayan para pahusayin ang kakayahan nitong imaniobra ang bansa sa dagat ng kawalang-katiyakan na dulot ng mga krisis.” Sinasabi rin ng gobyerno at iba’t ibang rehimen ang panghuling pananalita niya: “Dapat paglingkuran ng lahat ang sambayanan, hayaang maghilom ang mga sugat ng digma, at pagkaisahin natin ang sambayanang Pilipino na isang pamilya.”

(14) Pahabol lang: Dahil nasa pwesto sa rehimeng Aquino ang mga opisyal ng Akbayan, mas may pera ang organisasyon nila ngayon, hindi ba? Kayang-kaya nilang magbayad para sa isang website. Eh bakit matagal nang patay ang website nila, na aktibo at pinapabongga tuwing eleksyon? Para huwag nang maungkat ang kanilang mga retorika tungkol sa sosyalismo, prinsipyadong pulitika at mabuting paggugobyerno? Para huwag silang mahuling namimilipit ang dila sa pakikipagsabwatan sa rehimeng Aquino?

02 Enero 2011