Taas-pasahe sa MRT/LRT: maanomalyang utang na ipinapapasan sa bayan


Anumang katwiran ng DOTC at administrasyon ng MRT at LRT hinggil sa pagtaas ng pamasahe sa naturang mga linya ng tren, hindi pa rin nila mapabulaanan ang katotohanang gusto nilang ipapasan sa mga komyuter ang utang ng gobyerno mula sa maanomalyang kasunduan sa dayuhang mga mamumuhunan.

Piket ng iba't ibang organisadong sektor sa mismong konsultasyon ng DOTC hinggil sa taas-pasahe. (Darius Galang)
Piket ng iba't ibang organisadong sektor sa mismong konsultasyon ng DOTC hinggil sa taas-pasahe. (Darius Galang)

“Pakiramdam namin na we are taken for a ride.”

Ito ang sinabi ni Terry Ridon, tagapangulo ng League of Filipino Students (LFS), matapos ang unang araw ng sinasabing “konsultasyon” ng mga administrador ng Metro Rail Transit (MRT) at Light Rail Transit (LRT) sa iba’t ibang sektor na apektado ng pagtaas ng pasahe sa MRT at LRT.

Naganap pa lamang sa Santolan Station ng LRT-Line 2 noong Biyernes at Sabado, Pebrero 4 at 5, ang “konsultasyon” sa mga komyuter na apektado ng taas-pasahe. Ngunit para kina Ridon, at iba pang kinatawan ng mga organisasyong dumalo rito, hindi naman talaga nakikipagkonsulta sa kanila ang mga administrador at ang administrasyong Aquino. Gusto lamang umano nilang bigyang-katwiran ang taas-pasahe para mahupa ang reklamo ng mga mamamayan.

Sa naturang pagtitipon, dumalo rin si Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan). Tantiya ni Reyes, bahagi lamang ng compliance ang “konsultasyon” at hindi seryosong pagdinig sa mga apektadong sektor.

Nandoon din si Sammy Malunes, tagapagsalita ng Riles Network, alyansa ng mga sektor na laban sa taas-pasahe. Nainis din umano siya na parang binibigyang-katwiran pa ng mga administrador ang taas-pasahe, sa halip na makinig sa hinaing nila. “Hindi tayo nagpunta sa konsultasyon upang makinig ng lektyur,” sabi ni Malunes.

Gayunman, dahil sa tindi ng pagtutol sa taas-pasahe, napilitan ang administrasyon ng MRT at LRT na huwag munang ipatupad ang taas-pasahe sa Marso 1. Anila, pag-aaralan pa nila ang mga rekomendasyon at posisyon ng iba’t ibang sektor na dumalo sa “konsultasyon.”

Para sa Bayan, tagumpay ito ng maingay na pagpapahayag ng pagtutol ng iba’t ibang sektor. Pero hindi pa umano tapos ang laban dito. Nakaamba pa rin ang panukalang taas-pasahe; pansamantalang iniatras lang para humupa ang galit ng mga mamamayan.

Lugi raw ang tren

DOTC Undersecretary Dante Velasco: Isa sa mga nagbigay-katwiran sa taas-pasahe, sa naturang konsultasyon. (Darius Galang)
DOTC Undersecretary Dante Velasco: Isa sa mga nagbigay-katwiran sa taas-pasahe, sa naturang konsultasyon. (Darius Galang)

Isa sa mga sumalang sa pagpapaliwanag sa bahagi ng administrasyon ng LRTA si Atty. Rafael Rodriguez. Nagbigay ng presentasyon ang operations manager ng MRT at LRT ukol sa kondisyon daw ng mga pasilidad ng tren, maging ang usaping pampinansiya nito.

Lumabas sa kanilang ulat na ang MRT sa partikular ay nakalikom ng P1.9 Bilyon mula sa pasahe ng mga sumasakay rito, habang P12 Milyon naman ang kanilang nalikom mula sa mga naglabas ng patalastas sa tren. Umaabot sa 480,000 katao ang sumasakay sa isang araw o aabot ng 13.05 milyon sa isang buwan.

Sa ulat ni Rodriguez, inihayag niyang may malaking depisito ang operasyon ng tren sa pagkakautang nito sa BLT (build, lease and transfer). Sinasabi niya na malaking bahagi raw ang ibinibigay na subsidyo ng gobyerno sa bawat sumasakay ng tren.

Kaya ang kanilang layunin sa napipintong pagtataas ng singil, ayon sa ulat nila, ay upang ilapit lang sa singil noong unang mag-operate ang tren. Halimbawa anila, P17 ang minimum at P34 ang pinakamataas na singil ng MRT3 sa umpisa ng operasyon nito. Ang P11 na panukala at dagdag na piso matapos ang tatlong estasyon ay maglalapit lamang ng kasalukuyang P10 na minimum at P15 sa pinakamalayo sa orihinal na rates nito.

Taas-pasahe para pambayad-utang

Ngunit sinabi ni Reyes na layunin lamang ng taas-pasahe ay para siguruhin sa investors na pagkakakitaan nila ang serbisyong ito sa mga mamamayang Pilipino. Sa kanyang Twitter account matapos ang “konsultasyon, ipinaliwanag ni Reyes na umabot lamang sa P17 na minimum at P34 na maksimum ang singil dati sa MRT dahil sinuguro ng gobyerno sa dayuhang mga mamumuhunan na kikita ang mga ito ng 15% taunang return-on-investment.

Malinaw sa datos na noong taong 2010, kumita ang MRT ng P1.904-B mula sa mga tiket, at karagdagang P12-M para sa mga patalastas at iba pang income. Samantala, gumastos naman ang MRT ng P645-M para sa maintenance and other operating expenses at mga suweldo. Ibig sabihin, menos na ang gastos, kumita sana ang MRT ng P1.3-B.

Dapat sana’y magtatatalon na ang mga administrador sa kita nito. Ngunit dahil sa maanomalyang kontrata sa pagitan ng gobyerno at dayuhang mga mamumuhunan, kinakailangang magbayad ang gobyerno sa huli ng P7.8-B taun-taon. Ito ang halagang nais punan ng MRT at LRT sa taas-pasahe.