Istorya ng Linggo

Ang hindi ginagawa ng gobyernong Aquino hinggil sa pagtaas ng presyo ng langis


Sa gitna ng pagsirit ng presyo ng mga produktong petrolyo, hindi na kayang tanggapin ng mga mamamayan ang dahilan ng gobyerno na “wala itong magagawa.” Giit nila ngayon kay Pang. Benigno Aquino III, gawin ang dapat nitong gawin para matigil ang sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng langis.

Steve Ranjo, tagapangulo ng Piston, sa isang piket kontra pagtaas ng presyo ng langis sa Trabajo Market noong Marso 23. Isang People's Protest ang kanilang isasagawa sa Marso 31. (Ilang-Ilang Quijano)

Tuwing magtataas ng presyo ang mga produktong petrolyo, sa pamamagitan ng isang text message lamang ito ipinapaabot ng mga kumpanya ng langis sa Department of Energy (DoE). Walang habol ang gobyerno, at lalo na ang mga mamamayan na pinakaapektado rito.

Tila ito na ang kinahinatnan ng 13 taon ng deregularisadong industriya ng langis. Ngunit sa gitna ng muling pagsirit ng presyo ng mga produktong petrolyo, hindi na kayang tanggapin ng mga mamamayan ang matagal nang dahilan ng gobyerno na “wala itong magagawa.” Giit nila ngayon kay Pang. Benigno Aquino III, gawin ang dapat nitong gawin para matigil ang sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng langis.

Overpricing at pananamantala sa krisis

Ang kasalukuyang krisis sa Gitnang Silangan at Hilagang Aprika ang itinuturong dahilan ng mga kompanya ng langis para magtaas ng presyo sa lokal na merkado. Simula Enero, tumaas na kasi ng $25 kada bariles ang presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado.

Sa lokal na merkado, nangahalugan ito ng pagtaas ng P0.68 kada linggo. Inaasahang magtulu-tuloy pa ang pagsirit ng presyo, habang tumitindi ang kaguluhan sa Libya at iba pang bansa sa Gitnang Silangan na nagsusuplay ng langis.

Noong una, inamin ng DoE na walang epekto sa suplay ng langis ang krisis doon. Ngunit nitong huli, sinabi na ng ahensiya na bagaman 81 porsiyento ng inaangkat na krudo ay nagmumula sa Saudi Arabia at United Arab Emirates, dumaraan naman ito sa Bahrain, Oman, and Yemen na niyayanig ng matitinding protesta, kaya’t apektado rin ang suplay—at presyo—ng langis sa bansa.

Pero sa panayam ng Pinoy Weekly, sinabi ni Sonny Africa, research head ng Ibon Foundation, na “Tumataas ang presyo hindi lamang dahil sa epekto ng tuwirang supply disruptions, kundi pati ng ispekulasyon sa global oil commodity markets.” Tumataas umano ang presyo ng langis dahil sa pangamba na magkulang ang suplay, at hindi dahil sa aktuwal na kakulangan.

Gulo sa mga bansa sa Gitnang Silangan gaya ng Bahrain na dinadaanan ng langis, may epekto sa suplay, ayon sa Department of Energy (Contributed Photo)

Halimbawa, ang bansang Libya na ginigiyera ngayon ng coalition forces at dahilan ng pinakahuling mga pagtaas ng presyo ng langis, ay kumakatawan lamang ng dalawang porsiyento ng global oil production. Lumalabas din na may spare capacity o sobrang kapasidad ang Organization of Oil Exporting Countries na 4.9 milyong bariles kada araw.

Gayunpaman, sinasamantala ng mga dayuhang institusyong pampinansiya ang krisis para itaas ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado. At paliwanag ni Africa, “lubhang bulnerable” ang Pilipinas sa kalakarang ito nang dahil sa Oil Deregulation Law (ODL).

“Dahil sa ODL, sinusuko ng gobyerno ang kanyang kapangyarihan na i-regulate ang industriya at lokal na presyo ng langis, at pinipigilan din ang pag-usbong ng pambansang industriya ng langis,” aniya.

Simula nang maisabatas ang ODL noong 1998, tinatayang tumaas na ng 653% ang presyo ng mga produktong petrolyo. Taliwas sa ipinangako nito, lalong ipinagtibay ng batas ang lokal na kartel sa langis at  malayang nakapagdidikta ng presyo nang walang pakikialam ng gobyerno. Kontrolado ang 79% ng industriya ng tatlong kompanya na pawang subsidaryo lamang ng malalaking dayuhang kompanya—ang Pilipinas Shell Petroleum Corp. ng Royal Dutch Shell, Chevron Philippines Inc. (Caltex) ng Chevron Corp., at Petron Corp. ng Saudi Aramco.

Makailang beses nang inakusahan ng overpricing ang mga kompanyang ito, maging ng mga mambabatas na sinusubukan, ngunit nabibigo, na buksan ang kanilang mga libro. Sa komputasyon ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), lumalabas na mula 2008 hanggang 2010, nag-overprice ng P7.50 ang lokal na mga kompanya ng langis, kung pagbabatayan lamang ang taas-baba ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Wala pa sa halagang ito, ayon kay Africa,  ang “itinatagong tubo sa pamamagitan ng transfer pricing.” Ang transfer pricing ay ang pagpapalobo ng dayuhang mother company sa presyo ng langis na ibinibenta nito sa kanyang lokal na subsidaryo, para madagdagan ang kanyang kabuuang tubo.