Debate hinggil sa Oil Deregulation Law, pinasisimulan


Nanawagan si Anakpawis Rep. Rafael Mariano kay Pang. Benigno Aquino III na bigyang-pansin ang panukalang pagbasura sa Oil Deregulation Law (ODL), sa gitna ng sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng langis. Kailangan umanong masimulan na ng House Commitee on Energy ang mga debate hinggil sa House Bill 4317, panukalang batas na nagbabasura sa ODL at […]

Kontrol sa presyo at pagbasura sa Oil Deregulation Law, hiniling ng Anakpawis Party-list, sa piket sa harap ng Kongreso. (Darius Galang)

Nanawagan si Anakpawis Rep. Rafael Mariano kay Pang. Benigno Aquino III na bigyang-pansin ang panukalang pagbasura sa Oil Deregulation Law (ODL), sa gitna ng sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng langis. Kailangan umanong masimulan na ng House Commitee on Energy ang mga debate hinggil sa House Bill 4317, panukalang batas na nagbabasura sa ODL at naglalatag ng alternatibong polisiya hinggil sa langis.

“Sa mahigit isang dekada ng Oil Deregulation Law, binalikat ng mga mamamayan ang pagtaas ng presyo ng langis dahil sa price manipulation at overpricing. Nagbubulag-bulagan ba ang administrasyong Aquino sa kasamaan ng deregulasyon, o sadyang manhid lang ito?” ani Mariano.

Nagtungo ngayong umaga sa harapan ng South Gate ng Kongreso ang ng mga miyembro ng Anakpawis, dala ang isang “pabitin” na naglalaman ng pangunahing mga bilihin. Simbolo ito anila ng “pahirap na pahirap na pag-abot ng karaniwang mamamayan sa mga bilihin,” bunsod ng sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng langis.

Mula lamang noong Enero, siyam na beses nang tumaas ang presyo ng langis. Tumaas na ang presyo ng gas ng P6.50 kada litro, ang diesel ng P7.75, at ang kerosene o gaas ng P6.80.

“Tuwing magtataas ng presyo ang mga kumpanya ng langis, text message o simpleng abiso lamang ang ipinapadala ng mga ito sa Department of Energy, at ganap lang silang pinahihintulutan dahil sa Oil Deregulation Law,” pahayag ni Cherry Clemente, pangkalahatang kalihim ng Anakpawis.

Sinasamantala umano ng mga kartel sa langis ang kaguluhan sa Gitnang Silangan para lalo pang mag-overprice ng presyo.

“Kailangang itigil na ang pagsasamantalang ito ng malalaking kumpanya ng langis. Kailangang umaksyon na ang administrasyon Aquino,” dagdag ni Clemente.

Babala naman ni Mariano, nakaamba ang malawakang mga kilos-protesta kapag hindi napigilan ang pagtaas ng presyo ng langis.

Sa Bikol, naglunsad na ng tigil-pasada ngayong araw ang Condor (Concerned Drivers and Operators for Reform), organisasyong miyembro ng Piston (Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide  Sorsogon), sa mga probinsya ng Catanduanes, Albay, Camarines Norte at Camarines Sur.

Samantala, naghahanda naman ang Southern Tagalog Region Transport Organization-Piston na maglunsad din ng mga tigil-pasada sa Marso 19 at 31, para ipanawagan ang pagbasura sa ODL at pagtigil sa sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng langis.