Diskuwento sa PUVs, ‘di sapat –Anakbayan


Hindi sapat ang P3 diskuwento para sa Public Utility Vehicles (PUVs) na pinaplano ng Department of Energy bilang tugon sa tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, ayon sa grupong Anakbayan. Sinimulan ng mga kabataan ngayong araw ang mga noise barrage sa iba’t ibang bahagi ng Maynila at Quezon City bilang suporta sa […]

Kabataan mula sa iba't ibang paaralan, nagsama-sama para igiit ang anila'y mga tunay na reporma para matigil ang sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng langis. (Darius Galang)

Hindi sapat ang P3 diskuwento para sa Public Utility Vehicles (PUVs) na pinaplano ng Department of Energy bilang tugon sa tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, ayon sa grupong Anakbayan.

Sinimulan ng mga kabataan ngayong araw ang mga noise barrage sa iba’t ibang bahagi ng Maynila at Quezon City bilang suporta sa gaganaping People’s Protest laban sa oil price hikes sa Marso 31.

Ayon kay Vencer Crisostomo, tagapangulo ng Anakbayan, ang P3 diskuwento sa PUVs, na balak kunin ng gobyerno mula sa kinikita nito sa Expanded Value-Added Tax (E-VAT), ay isang “desperadong hakbang para pahupain ang galit ng mga mamamayan.”

Dagdag pa niya, isa itong kaso ng “mayayaman na nagnanakaw sa ilang mahihirap, para ibigay sa iba pang mahihirap.”

Inihayag ng lider-kabataan na mas maigi pa kung tanggalin ng gobyerno ang E-VAT sa mga produktong petrolyo, para bumaba nang tinatayang P6 ang presyo kada litro ng langis.

“Hindi naman kailangan gastusin ang pondo ng bayan, kundi bawasan lamang ang pondo ng militar at pambayad utang,” ani Crisostomo. Aniya, sa bawat P1 ng badyet ng gobyerno, P0.65 ang napupunta sa badyet ng militar at debt servicing.

Subalit higit pa rito, kinakailangan umano ang mga reporma sa industriya ng langis. Kabilang sa nasabing mga reporma ang pag-iimbestiga at pagpaparusa sa malalaking kumpanya ng langis para sa overpricing, pagbabasura sa Oil Deregulation Law at paglalagay ng mga hakbang para pigilan ang mga kumpanya na awtomatikong magtaas ng presyo.

Kailangan din umano ang mga reporma tungo sa pagsasabansa ng industriya ng langis, gaya ng sentralisadong importasyon ng gobyerno, buy back ng Petron Corp., commodity swaps sa mga bansang may reserba ng langis,  at iba pang hakbang para  “wakasan ang dayuhang kontrol sa industriya ng langis.”

“Dapat nang simulan ang mga hakbang na ito para hindi na umasa ang bayan sa mapagsamantalang kartel para sa suplay ng langis, at magkaroon ng industriya ng langis na maglilingkod sa pangangailangan ng bayan,” ayon kay Crisostomo.