Istorya ng Linggo

Kababaihan inudyukan si P-Noy na umaksiyon sa presyo, sahod


Malubha ang epekto sa kababaihang maralita ng sunud-sunod na pagsirit ng presyo ng batayang mga bilihin at pamasahe. Nais nilang agarang harapin ng administrasyong Aquino ang pag-ampat sa matinding krisis na ito. Kung kaya’t sa martsa ng aabot sa 8,000 katao ng Gabriela sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihan noong Marso 8, mensahe ng kababaihan kay P-Noy: Gumising ka’t kumilos para maibsan ang paghihikahos ng sambayanan. Kung hindi…

Kinakailangan ang kagyat na aksiyon ni Pang. Beningo Aquino III para pigilan ang krisis na bunsod ng sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng pangunahing mga bilihin.

Ito ang mensahe ng tinatayang 8,000 kababaihan at kanilang mga tagasuportang kalalakihan na dumagsa sa lansangan sa Marso 8 para ipagdiwang ang sentenaryo ng Pandaigdigang Araw ng Kababaihan. Nagmartsa mula Welcome Rotonda hanggang Mendiola Bridge sa Maynila ang mga demonstrador para ibatikos ang umano’y “pagtulog” ni Aquino sa hiling ng mga mamamayan.

Martsa ng kababaihan mula Welcome Rotunda patungong Mendiola. (Ilang-Ilang Quijano)
Martsa ng kababaihan mula Welcome Rotunda patungong Mendiola. (Ilang-Ilang Quijano)

‘Bugbog-sarado’ sa pagtaas ng presyo

“Bugbog-sarado na ang kababaihan dahil sa kaliwa’t kanang pagtaas ng presyo ng pagkain, langis, pasahe, at iba pa. Nagpahayag na ang Department of Trade and Industry na maaring magpataw ng kontrol sa presyo ng mga bilihin, ngunit magagawa lamang ito kung ipag-uutos ng pangulo,” ayon kay Lana Linaban, pangkalahatang kalihim ng Gabriela, organisasyong namuno sa kilos-protesta.

Ayon naman kay Lean Peace Flores, tagapagsalita ng Gabriela-NCR, “Ang importante ay magkaroon si Pangulong Aquino ng political will na kontrolin ang presyo at talikuran ang mga dikta ng dayuhang mga institusyon gaya ng International Monetary Fund, World Bank, at iba pa.”

Pumalo na sa 4.3% ang inflation rate noong Pebrero, pinakamataas sa huling siyam na buwan, ayon sa datos ng gobyerno. Apektado rito ang presyo ng bigas, tinapay, mantika, asukal, gatas at iba pang batayang bilihin. Nitong nakaraang linggo, sunud-sunod naman ang pagtaas ng presyo ng langis.

“Hindi pa ba kikilos ang pamahalaan para bigyan man lang ng kaunting ginhawa at alwan ang maraming pamilya? Mahirap nang magalit ang taong gutom,” babala ni Gabriela Rep. Luz Ilagan, na sumama sa protesta.

Batay sa datos ng National Statistics Office, nasa 47 milyon o kalahati ng populasyon ang kababaihan. Mahigit kalahati sa bilang na ito ang nabubuhay ng P86 kada araw o mas mababa pa.

Ayon sa Kilusang Mayo Uno (KMU), ang P125 dagdag-sahod sa pamamagitan ng Kongreso ang isa sa pangunahing mga paraan para maibsan ang kahirapan na pinalala ng sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

“Simula nang maging pangulo si Aquino, tumanggi itong magsalita hinggil sa panawagan ng mga manggagawa para sa makabuluhang dagdag-sahod, habang pauli-ulit niyang sinisiguro ang mga mamumuhunan na makakakuha sila ng malaking tubo sa ating bansa,” pahayag ni Elmer Labog, tagapangulo ng KMU.

Tinuligsa ng mga manggagawa ang pahayag ng Regional Wage Board (RWB) ng NCR na Hunyo pa maibibigay ang anumang ang dagdag-sahod, dahil ipinagbabawal ang higit sa isang dagdag-sahod sa loob ng isang taon. P22 lamang na dagdag-sahod ang ibinigay ng RWB noong 2010. Babala ng KMU, sa parehong pambabarat lamang mauuwi ang panukala ng Trade Union Congress of the Philippines sa RWB na P75 dagdag-sahod.

Martsa ng magsasakang kababaihan ng Amihan (miyembrong organisasyon ng Gabriela) sa Davao City. (Jonald Mahinay)
Martsa ng magsasakang kababaihan ng Amihan (miyembrong organisasyon ng Gabriela) sa Davao City. (Jonald Mahinay)

10-puntong kahilingan sa sentenaryo ng Marso 8

Nagtungo rin sa Kongreso ang kababaihan para igiit ang pagpasa sa isang komprehensibong Reproductive Health Bill. May 11 kababaihan ang namamatay araw-araw sa pananganak, ayon kay Ilagan. Itinuturol ng Gabriela na solusyon dito ang mas malawak na akses sa serbsiyong pangkalusugan, at hindi ang population control na inilalako ng gobyernong Aquino.

“(Kontra kami) sa prinispyo ng population control, dahil iniiwas nito ang sisi mula sa kapabayaan ng gobyerno na dahilan ng lumalalang kahirapan,” sabi ni Linaban.

Kinakitaan ang kilos-protesta ng iba’t ibang pangkulturang pagtatanghal mula sa mga komunidad, at talumpati ng mga lider-kababaihan para iparating ang kanilang kalagayan at kahilingan.

Bukod sa pagkontrol sa presyo, dagdag-sahod, at komprehensibong programa para sa reproductive health, hiniling din ng kababaihan kay Aquino ang mga sumusunod: iligtas ang Overseas Filipino Workers sa Libya at iba pang bansang may delikadong sitwasyon, at ipamahagi sa mga magsasaka ang lupa sa Hacienda Luisita.

Kasama rin sa kanilang “10-puntong kahilingan” ang pagtigil sa demolisyon, palayain ang mga bilanggong pulitikal at litisin si dating pangulong Gloria Arroyo, hustisya para sa mga comfort women, itigil ang pandarahas sa kababaihan, at itaguyod ang karapatan at kagalingan ng mga bata.

Naganap din ang parehong mga pagkilos sa iba’t ibang lugar sa Timog Katagalugan, Gitnang Luzon, Bikol, Kordilyera, Negros, Iloilo, Cebu, Bohol, Hilaga at Silangang Mindanao, at mga bansang Estados Unidos, Australia, Hongkong at Canada.

Sentenaryo ang araw na iyon ng Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, na unang ipinagdiwang noong 1911 sa mga bansang Austria, Denmark, Germany at Switzerland kung saan mahigit isang milyong kababaihan ang nagmartsa para sa mga karapatang bumoto, karapatan sa trabaho, at karapatan laban sa diskriminasyon.

Artikulo ni Ilang-Ilang D. Quijano | Mga larawan nina Ilang-Ilang D. Quijano, Macky Macaspac at KR Guda