Istorya ng Linggo

Sa pagbitay ng 3 OFW: Pagluluksa’t galit ng pamilya at mga mamamayan


Ang polisiyang labor export ang nagtutulak sa mga Pilipino sa maraming bulnerabilidad, kabilang na ang pagiging bahagi ng sindikato sa droga, ayon sa mga grupong nakiisa sa pagluluksa at pagkondena sa gobyernong Aquino.

Mga kaanak ni Sally Ordinario dinalaw ng mga nakikiramay, nang mabigo kahapon ang gobyernong Aquino na sagipin ang buhay ng tatlong OFW na binitay sa Tsina. (Ilang-Ilang Quijano)

May luha pa ang mga mata ni Sally Ordinario nang ideklara siyang patay ng gobyernong Tsina. Kahapon, ipinataw ang parusang bitay sa kanya at dalawa pang Overseas Filipino Worker (OFW) sa pamamagitan ng lethal injection.

“Siguro, hindi pa niya matanggap na mamamatay na siya, na hindi na niya makikitang lumaki ang kanyang mga anak. Napakasakit…matapos ang lahat ng kanyang paghihirap, ganoon lang ang mangyayari,” ayon kay Arthur Cadiogan, bayaw ni Sally.

Una si Arthur sa pamilya Ordinario sa Pilipinas na napaabutang natuloy ang bitay, sa pamamagitan ng text message ng asawang  si Mylene, kapatid ni Sally na nasa Tsina. Hindi niya ito masabi kaagad sa dalawa pang kapatid ni Sally at mga kaanak. Ngunit maya-maya pa, nagsalita na si Bise-Presidente Jejomar Binay sa telebisyon at kinumpirma ang malungkot na balita.

Sinalubong ito ng pagluluksa, hindi lamang ng kaanak nina Ordinario, Ramon Credo at Elizabeth Batain, kundi ng mga mamamayang Pilipino. Kasabay nito, sumingaw ang galit sa gobyerno na nagbigong sagipin ang buhay ng tatlong OFW, at umano’y lumikha ng lahat ng mga kondisyon para humantong sila sa ganoong sitwasyon.

Mirasol, kapatid ni Sally Ordinario (Macky Macaspac)
Mirasol, kapatid ni Sally Ordinario (Macky Macaspac)

“Bangkay, bangkay ang regalo ng gobyerno sa pamangkin ko sa kanyang graduation,” matapang na pahayag ng kapatid ni Sally na ni Marisol Ordinario, sa isang press conference sa kanilang bahay sa Quezon City, ilang minuto matapos ang pagbitay. Isa sa dalawang anak si Sally, edad 12 at 10, ay magtatapos ng salututorian sa kanyang paaralan.

Sa panayam ng Pinoy Weekly, sinabi ni Arthur na masama ang loob nila sa gobyerno dahil huli na ang lahat nang umaksiyon ito, at mabagal ang tugon ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa kaso. “’Yun nga lang magpapadala kami ng sulat (kay Sally), aabutin ng isang taon bago makarating sa kanya,” aniya.

Polisiyang labor export, inatake

Sinabi ng Migrante International na ipinapakita ng sinapit nina Ordinario, Credo, at Batain “kung papaano nabibiktima ang mga Pilipino nang paulit-ulit ng isang sistemang itinutulak sila sa mga sitwasyong buhay-at-kamatayan.”

May 15 milyong Pilipino ang nagtatrabaho sa ibayong-dagat dahil sa kawalan ng hanapbuhay at disenteng pamumuhay sa bansa. Nasa mahigit 7,000 sa mga ito ang nakakulong, at 122 ang nasa death row.

Sinisi ng Migrante ang gobyernong Aquino para sa umano’y pagpapabaya sa tatlong binitay na OFW, at iba pang OFW na nangangailangan ng tulong.

“Ipinagmamalaki ng gobyerno ang kanyang polisiyang labor export na pinagsasamantalahan ang murang lakas-paggawa ng mga Pilipino at remittances na kanilang ipinapadala, pero wala siyang ibinibigay bilang kapalit, lalo sa panahon ng kagipitan,” ayon sa grupo.

Naniniwala ang Migrante na hangga’t may polisiyang labor export, walang tunay na proteksiyon para sa mga OFW.

Martsa ng mga grupong progresibo mula St. Peter's Parish sa Commonwealth Ave., Quezon City (Ilang-Ilang Quijano)

Ayon sa grupo, na umalalay sa pamilya Ordinario at Credo, kailangan ng mga OFW ngayon ang “radikal at pundamental ng mga reporma.” Kabilang umano dito ang mga programang lilikha ng trabaho sa bansa at titigil sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin, “para mapahupa—kundi man pigilan—ang puwersahang migrasyon.”

Samantala, sinabi naman ng Gabriela na hindi man aminin ng gobyernong Aquino, “mas marami pa itong manggagawang ipinapadala sa ibang bansa, kaysa mga trabahong nalilikha.”

Sa datos ng Philippine Overseas Employment Agency, may 24,696 na bagong-empleyong mga OFW noong nakaraang taon, na halos 40 porsiyento ay kababaihang domestic helper.

“Ang polisiyang ito ang nagtutulak sa mga Pilipino sa maraming bulnerabilidad, kabilang na ang pagiging bahagi ng sindikato sa droga,” ayon kay Lana Linaban, pangkalahatang kalihim ng Gabriela.

Sa isang martsa mula sa St. Peter’s Parish patungo sa bahay ng pamilya Ordinario sa Batasan Hills kahapon, lumahok ang iba’t ibang grupong progresibo para ipaabot ang kanilang pakikiramay sa pamilya, at pagkondena sa gobyerno.

Sang-ayon si Arthur na hindi mabibiktima si Sally ng sindikato sa droga kung may ikinabubuhay dito sa Pilipinas. Kuwento niya, dating saleslady sa SM North Edsa si Sally. Kontraktuwal lamang siya doon at sa iba pang mga pinasukan. “Ang mga tao naman, hindi mag-a-abroad kung maayos ang trabaho at sahod dito,” aniya.

Iba pang mga larawan:

Mga kaanak ni Sally Ordinario, na pinabilinan ng binitay na OFW na "alagaan ang isa't isa." (Ilang-Ilang Quijano)
Pagdating mga grupong progresibo sa Batasan Hills, QC (Macky Macaspac)
Paglikha ng trabaho sa sariling bansa, at hindi labor export, ang umano'y dapat atupagin ng gobyernong Aquino (Ilang-Ilang Quijano)
Lider ng mga organisasyong masa, gaya ni Rodelson Mesa ng Hacienda Luisita (kanan), ang nakiramay sa pamilya Ordinario (Macky Macaspac)
Isa rin umano sa ugat ng puwersahang migrasyon, at dapat resolbahin ng gobyerno, ay ang kawalan ng tunay na reporma sa lupa (Ilang-Ilang Quijano)