Uncategorized

So, paano na tayo?


Kulang sa oportunidad ang bansa sa mga tulad ni Wesley So, kaya natutulak silang tumungo sa diumano’y ‘luntiang pastulan’.

Laman ng balita kamakailan ang pagiging American citizen ng kilalang Grand Master at kasalukuyang World Fischer Random Chess Champion na si Wesley So.

Taong 2012 nang magsimula siyang manirahan sa Estados Unidos (US). Sa sumunod na mga taon, kinatawan niya ang Amerika sa mga pandaigdigang paligsahang sinasalihan. Sa panayam kay Wesley kamakailan, pinapurihan niya ang Amerika dahil sa oportunidad na ibinukas nito sa kanya para higit na malinang ang kanyang kakayahan bilang manlalaro.

Tubong Pilipinas si Wesley at ipinanganak sa Pilipinong magulang. Dito rin siya nagsimula bilang manlalaro ng chess. Kaya’t ano nga kaya ang nagtulak sa kanya para piliing manirahan at irepresenta ang Amerika sa halip na ang kanyang bayang pinagmulan?

Bahagi ng diyasporang Pilipino

“(W)ala akong koneksiyong kailangan para magtagumpay sa ganoong klase ng kultura (sa Pilipinas). Probinsiyano ako, hindi batang siyudad. Wala akong pera at iba pa…”

Sinasalamin ng istorya ni Wesley ang ilan nang henerasyon ng maraming Pilipino. Kalakhan sa ati’y mahirap pero may matayog na pangarap. Ninanais natin ng mas maaliwalas na bukas pero pilit na hinihila sa karimlan ng kalagayang panlipunan ng bansa. Dahil walang plano para sa pambansang industriyalisasyon, pagpapaunlad ng agrikultura, edukasyon, kultura at palakasan, naghaharing ganap sa Pilipinas ang kawalan ng oportunidad.

Halimbawa na lang: di lahat ng mga gustong maghanapbuhay ay nabibigyan ng pagkakataong kumita. Ayon sa Ibon Foundation, aabot sa 5.8 milyong Pilipino ang walang trabaho. Maraming kabataan ang hindi makapagtapos sa pag-aaral. Wala ring sapat na badyet, pagsasanay at suportang ibinibigay sa mga atleta para makapagpahusay at umani ng tagumpay.

Ang kalagayang ito’y pinalala pa ng sistemikong pandarambong. Inamin ni Deputy Ombudsman Cyril Ramos, gamit ang tantiya ng United Nations Development Programme, na 20 porsiyento ng taunang badyet ng gobyerno’y napupunta sa korupsiyon. Aabot sa P1.4 Trilyon ang nanakaw sa kaban ng bayan noong 2018 at 2017. Papalubog ang puwesto ng Pilipinas sa talaan ng bansang may malaganap na korupsiyon. Mula sa ika- 113/180 puwesto noong 2019, bumaba pa ito sa ika-115/180 noong 2020 ayon sa Corruption Perception Index ng Transparency International. Noong isang taon, P15 Bilyon ng Philhealth ang kuwestiyonableng ginasta ng opisyales nito.

Dahil dito, milyun-milyong Pilipino na may lakas at talinong makapagpapabuti sana sa ating bansa ang nawawalan ng pakinabang at nadedemoralisa.

Napagtanto ni Wesley So na mahihirapan siyang abutin ang pangarap kung may “palakasan” sa larangan ng palakasan. Aniya, “Napakahirap sa mga atleta na kumuha ng suportang pinansiyal para lumaban sa ibang bansa, lalo na kung wala kang koneksiyon. Halimbawa, magpapadala kami ng koponan sa Asian Games pero mas marami pang opisyal sa loob ng eroplano kaysa sa mga atleta. Malalim na dumadaloy ang korupsiyon sa kultura namin. Ito’y marahil nagmula sa mahabang panahon ng kolonisasyon at dominasyon ng mga dayuhang puwersa sa aming bansa.”

Sa kabilang dako ng mundo, naroon naman ang pangako ng “luntiang pastulan”. Mula nang maging kolonya ng US ang Pilipinas, ikinintal na sa kamalayan natin ang “American Dream.” Sa panaginip na ito, sinasabi na ang lahat ng naisin mo’y maaabot mo sa “Lupain ng Malaya” dahil ang mga tao doo’y may pantay na oportunidad sa pag-unlad.

So, paano na tayo?

Mahigpit na sinuhayan ito ng nagdaang mga administrasyon ng Pilipinas. At sa ilalim ng “Labor Export Program” ng kasalukuyang gobyerno, isinasaayos ang sistemang paggawa, edukasyon at kultura ng bansa para sa pagsisilbi sa US at iba pang dayuhan.

Pero hindi kayang garantiyahan ng mga nagpadala at tumanggap ng mga migrante ang “American Dream”. Lansakan ang paglabag sa karapatan ng masang Amerikano at lantad ang hindi pantay na trato sa mga lahing di-puti.

Ang pag-alis ay hindi pagtatakwil

Itinulak ng desperasyon ang maraming Pilipinong nangingibang-bansa.

Pero dahil may bitbit silang pag-asa: mula sa mga unang Pilipinong ipinadala bilang mga manggagawang bukid sa Amerika ng kolonyalistang US hanggang sa mga manggagawang pagkalusugan, “nanny,” at atletang nasa ibang bansa ngayon, hindi sila tumigil na maghangad na baguhin ang kalagayang kanilang kinamulatan bilang Pilipino. Ang hangaring ito’y hindi lang nakalimita sa pansariling kapakanan. Marami sa mga migrante ang nakikisangkot pa rin sa pagbabagong panlipunan sa bansa.

Kaya’t napakahalaga na nakikipagkaisa tayo sa kanila. Ibaling natin ang pagkadismaya sa pag-alis ng mga tulad ni Wesley tungo sa paglahok sa pagbabagong panlipunan. Hindi natin kaaway ang mga mamamayan ng bansa kung nasaan ang ating mga migrante. Bahagi tayo ng kanilang pag-unlad bilang bansa at danas din natin ang kanilang paghihirap bilang mamamayan. Sabi ni Carlos Bulosan, isang manunulat na migrante sa Amerika:

“Amerika rin ang walang pangalang dayuhan, walang tahanang naghahanap ng kanlungan, batang gutom na nanlilimos ng trabaho at ang itim na katawang umuugoy sa puno. Amerika ang mangmang na imigrante na nahihiya dahil ang daigdig ng libro at intelektuwal ay nakasara sa kaniya. Tayong lahat ang walang pangalang dayuhan, walang tahanang naghahanap ng kanlungan, batang gutom, mangmang na imigrante at ang itim na katawang patay. Lahat tayo, mula sa mga unang Adan hanggang sa huling Pilipino, likas man o dayo, edukado o mangmang—Tayo ang Amerika!”

Tayo ang Pilipinas, tayo rin ang Amerika. Tayo ang lahat ng mga mamamayang nakikipaglaban para sa oportunidad at ganap na pagkakapantay-pantay saan mang panig ng daigdig.