Pinoy Weekly

Tangkang pagpapalibing kay Marcos sa libingan ng mga bayani, tinuligsa ng mga dating bilanggong pulitikal

Isang biktima ng paglabag ng karapatang pantao noong batas militar, sa isang eksibit ng mga likhang-sining hinggil sa diktadurang Marcos, sa isang mall sa Quezon City kamakailan. (KR Guda)

Isang biktima ng paglabag ng karapatang pantao noong batas militar, sa isang eksibit ng mga likhang-sining hinggil sa diktadurang Marcos, sa isang mall sa Quezon City kamakailan. (KR Guda)

Tinuligsa ng Samahan ng mga Ex-Detainees Laban sa Detensiyon at Aresto (Selda), samahan ng mga dating bilanggong pulitikal, ang resolusyon na kumakalat ngayon sa loob ng Kongreso na umaapela kay Pangulong Aquino upang mailibing ang dating diktador na si Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.

Nakasaad sa House Resolution na panukala ni Sorsogon Rep. Salvador Escudero III na ang pagpapalibing sa Libingan ng mga Bayani sa dating pangulo ay hindi lang pagkilala sa kanyang pamumuno bilang isang Pilipinong “makabayan,” at isa rin umanong “dakilang hakbangin para sa rekonsilasyon.” Mayroon na umanong humigit-kumulang 200 kongresista ang lumagda sa nasabing resolsuyon.

Para sa Selda, pang-iinsulto sa mga mamamayang Pilipino at sa libu-libong biktima ng mga Marcos ang resolusyon. Pina-alalahan rin ng grupo ang mga mambabatas sa Kongreso sa malalang paglabag sa karapatang pantao na naganap sa pamumuno ng rehimeng Marcos.

“Isa itong katatawanan sa nakakagimbal na karanasan ng mga mamamayang Pilipino noong panahon ng batas militar,” ani Dionito Cabillas, pangkalahatang kalihim ng Selda.

Sinabi pa ni Cabillas na naganap sa panahon ng batas militar ang di-mabilang na paglabag sa karapatang pantao tulad ng pagpatay, sapilitang pagkawala, tortyur, ilegal na pag-aresto at detensiyon, hamletting at sapilitang paglikas sa mga komunidad at iba pang paglabag.

“Dapat alalahanin ni Pangulong Aquino ang karanasan ng kanyang sariling ama bilang isang biktima nang madilim na bahagi ng ating kasaysayan,” sabi pa ni Cabillas.

Ayon pa sa Selda, ang malalang paglabag sa karapatang pantao ang basehan umano ng kanilang pakikibaka laban sa diktadurang Marcos. Ito rin umano ang dahilan sa pagsampa nila ng makasaysayang class suit laban sa pamilyang Marcos matapos ang unang pag-aalsa sa EDSA noong 1986.

“Mariin naming tinututulan ang hakbang na ito, at nanawagan kami sa lahat ng biktima ng paglabag sa karapatang pantao na kumilos laban sa pagyurak sa kasaysayan,” ani Cabillas.

Napatunayan sa desisyon ng US Federal Court noong Setyembre 22, 1992 na nagkasala si Marcos sa paglabag sa karapatang pantao at nag-atas na bayaran ang mga biktima ng bayad pinsala. (Basahin ang kaugnay na mga artikulo)

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=12584

Posted by on Mar 23 2011. Filed under Balita. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Pulsong Pinoy

Naniniwala ka ba na hindi kaya ibigay ng mga employer ang P125 dagdag-sahod?

View Results

Loading ... Loading ...

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes