Sugod mga Kapatid

Dead Generation Walking


Makipag-patintero sa Tomahawk missiles. Mabuhay ng isang taon na halos walang kinakain habang binubugbog. Tumira malapit sa isang plantang nukleyar na dumadanas ng ‘meltdown’. Pumayag maging ‘drug mule’ sa isang bansa na hindi kilala sa pagrespeto sa mga karapatang pantao. Parang bagong palabas sa TV, pinagsamang ‘Survivor’ at ‘Fear Factor’ at ‘MTV Jackass’.

Makipag-patintero sa Tomahawk missiles. Mabuhay ng isang taon na halos walang kinakain habang binubugbog. Tumira malapit sa isang plantang nukleyar na dumadanas ng ‘meltdown’. Pumayag maging ‘drug mule’ sa isang bansa na hindi kilala sa pagrespeto sa mga karapatang pantao. Parang bagong palabas sa TV, pinagsamang ‘Survivor’ at ‘Fear Factor’ at ‘MTV Jackass’.

Pero hindi ito showbiz. Ito ang buhay ng mahigit 15 milyong OFWs ngayon na brutal na isiniwalat ng pagbitay sa tinaguriang ‘China 3’.

May iba na pilit tinatapos ang usapan sa pangangatwiran na nilabag naman talaga ng tatlo ang batas at hindi puwedeng baluktutin ng Tsina ang kanilang batas dahil lamang sa kahilingan ng ibang bansa, lalo na ang isang mala-kolonya ng kanilang mortal na kaaway. Hindi daw ito katulad ng kaso ni Flor Contemplacion, isa pang OFW na binitay naman nung 1995 sa Sinagpore. Tulad ni Senador Miriam Santiago, nagawa na daw ng gobyerno ang lahat ng makakaya nito.

Bakit mo nga ba mulat na ilalagay ang sarili mo sa kapahamakan para lang kumita? Kung tatanungin mo sarili mo, sigurado ako na ang karamihan ay isasagot ay ‘kung wala ng ibang pagpipilian’. At yun nga mismo, wala ng ibang pagpipilian ang marami sa ating mga kababayan. Pito sa sampung magsasaka ay walang sariling lupa. May apat na milyong walang trabaho (may hocus-pocus pa ito). Pinagkakasya ng 65 milyong kababayan natin ang halagang P112, 0 mas mababa, kada araw. At mismong ang gobyerno ang nagtutulak sa atin na mangibang-bansa sa ilalim ng ‘Labor Export Policy’: pag-iba ng kurikulum para mas ‘globally competitive’ tayo, magtayo ng mga paaralan kung saan sinasanay ka para sa mga trabahong kailangan ng ibang bansa, binabandera tayo bilang ‘bagong bayani’, walang ibinibigay na disenteng hanapbuhay dito, atbp.

Sa isang banda, ang isa sa mga may malaking pananagutan ay wala na sa Palasyo. Sa Kongreso na kasi siya naghahasik ng lagim. Pero kung gayun, bakit wala pa ring nagaganap na pagbabago sa ilalim ng bagong pangulo?

Matagal ng pinupuna ang ‘Labor Export Policy’ sa ilalim ni dating pangulong Gloria Arroyo, at ang hindi pagpapaunlad ng lokal na ekonomiya bilang pagmumulan ng mga trabaho. Hindi na bago ang mga mungkahi ng mga progresibong grupo: tunay na reporma sa lupa, pagsasabansa ng mga susing industriya, pagkontrol ng mga gastusin ng mga lokal na maliliit na empresa, mas mataas na pondo at iba pang pagpapaunlad ng sektor ng agham at teknolohiya, atbp.

Noong nakarang eleksyon, sa pagluklok kay Pinoy sa puwesto, at pagkatapos, hindi rin nagkulang ang mga nasabing grupo sa pagpapaalala sa kanya. Ngayon, pagkatapos ibitay ang Tatlo, totoo ba ang mga salitang ‘Ginawa namin ang lahat’?

1. Reporma sa lupa – Walang aksiyon hinggil sa Hacienda Luisita

2. Pagsasabansa ng mga industriya – Hawak pa rin ng ‘Big 3’ ang lokal na industriya ng langis, nasa pribadong kamay ang Meralco at mga IPPs (independent power producers), puro dayuhan na ang may hawak sa mga minahan

3. Pagkontrol sa presyo – Oil at iba pang price hikes, may kailangan pa ba akong sabihin pang iba?

4. Pagpapaunlad sa sektor ng agham at teknolohiya – Pinalitan lang ang pinuno ng Pagasa.

Kaya hindi limitado ang usapin ng ‘China 3’ sa usaping legalidad. Hindi man ang kasalukuyang administrasyon ang nasa kapangyarihan nung naisip nila Sally, Ramon, at Elizabeth na makipag-sapalaran, pinagpapatuloy pa rin ni Noynoy ang mga patakaran at polisiya na nag-anak sa mga sirkumstansiyang nagtulak sa Tatlo. Sa madaling salita, milyun-milyon pa rin sa atin ang sumusunod sa kanilang yapak, dahan-dahang naglalakad, habang hawak ang kamay ni Noynoy!

Napansin nyo ba? Buong umaga, puro si Bise-Presidente Binay o ang mga tagapagsalita ng Palasyo ang naiinterbyu. Alam nyo ba asan si Noynoy? Una, nasa di-puwedeng-maistorbong pulong kasama ang mga opisyales ng U.S at ASEAN, at pagkatapos, kasama ang mga obispo na sinusubukan niyang sipsipan. Pagkatapos, lalabas nalang siya at iaanunsyo na bibigyan niya ng iskolarship ang mga anak ng mga ibinitay.

Angkop na imahen sa panunungkulan ni Aquino: namamamatay ang mga karaniwang Pilipino habang nakikisalamuha siya sa mga elitista at dayuhan. Pagkatapos, magbibigay siya ng konsuelo-de-bobo. Palakpakan.