Istorya ng Linggo

Maralitang komunidad ng Laperal Compound sa Makati, marahas na dinemolis


Bato, tear gas, bulldozer, baril ang ilan sa mga ginamit ng demolition teams ng Makati City Government at pulisya para idemolis ang daan-daang kabahayan ng lumalabang maralitang komunidad sa Guadalupe, Makati City.

Residente ng Laperal Compound, matapos ang marahas na demolisyon sa kanilang komunidad. (KR Guda)
Residente ng Laperal Compound, matapos ang marahas na demolisyon sa kanilang komunidad. (KR Guda)

“Hindi namin alam kung saan kami matutulog. Baka sa EDSA na,” ayon sa 50-taong-gulang na si Aling Julia, kasama ang kanyang maliliit na apo, habang nakasalampak sa semento sa likod ng Loyola Memorial Park sa Guadalupe, Makati.

Isa si Aling Julia sa daan-daang residente ng Laperal Compound sa GuadalupeViejo, Makati City na walang matulugan matapos puwersahan silang palikasin sa kanilang mga tahanan sa Laperal ng mga tauhan ng lokal na pamahalaan ng Makati at Philippine National Police (PNP).

Alas-dos ng hapon nitong Abril 28 nang marahas na salakayin ng demolition teams ng Makati City Government at PNP ang kabahayan sa Laperal. Ayon sa ilang residente ng lugar, nakita nilang nagpaputok ng baril ang di-unipormadong mga tao na kasamahan ng demolition teams. Dalawang kalalakihan ang nabalitang tinamaan.

Nagpasabog din ng tear gas ang demolition teams dahil sa barikada at pagtutol ng mga residente sa nakaambang demolisyon. Ilang residente ang nagsabing may batang namatay dulot ng tear gas, bagamat di pa ito kumpirmado hanggang sa pagkasulat ng artikulo.

“Nakita ko mismo, naka-civilian na tao nila, bumunot ng baril at nagpaputok,” sabi ng isang lalaking residente ng Laperal na tumangging magpakilala. Isa sa mga tinamaan umano ang kapitbahay niyang si Ramil Sagun, na tinamaan sa kanang tagiliran. Itinakbo umano sa San Carlos Seminary si Sagun, ngunit sa pagkakaalam nila’y tumatanggi siya na dalhin sa ospital.

“Hindi makatao ang ginawa nila sa amin,” ayon sa lalaki.

Kinondena ng Courage Party-list ang marahas na demolisyon. Sinasabing dinemolis ang komunidad dahil idineklarang “danger zone” ito ng lokal na pamahalaan ng Makati, ngunit pinabulaanan ito ng mga residente.

“Sinasabi ngayon ni Mayor Binay na ililipat kami sa Calauan (Laguna) dahil nag-aalala sila sa kaligtasan ng mga residente sa komunidad. Kung totoong concerned (sila) sa kaligtasan ng mga naninirahan sa Laperal, bakit sila nagpadala ng SWAT (Special Weapons and Tactics), NCRPO (National Capitol Region Police Office) at MAPSA teams na marahas na bumubuwag sa aming hanay na tumututol sa pagpapalayas sa amin?” ayon kay Ellen Ordonez, presidente ng Damayang Mahihirap sa Laperal.

Ginamitan pa ng bulldozer ang ilang kabahayang malapit sa EDSA, para agarang mawasak ang ilang bahay na malapit dito.

“Ito ba ang sinasabi nilang concerned? Dinadahas nila kaming nag-gigiit lang sa karapatan naming mabuhay!” ani Ordonez.

Sinikap ng mga residente kunin ang natitirang mga gamit sa kanilang winasak na mga kabahayan, kabilang ang mga bakal mula sa kanilang mga bahay. (KR Guda)
Sinikap ng mga residente kunin ang natitirang mga gamit sa kanilang winasak na mga kabahayan, kabilang ang mga bakal mula sa kanilang mga bahay. (KR Guda)

Noong Abril 19, nasunog ang ilang kabahayan sa Laperal. Matapos ng sunog, idineklara na ng lokal na pamahalaan ng Makati na danger zone ang lugar at nagsimulang itaboy ang mga residente rito.

“Sa halip na tulungan kami ng pamahalaan na maka-recover mula sa sunog na naganap nung nakaraang linggo, tinataboy kami sa malalayong lugar na walang tiyak na kabuhayan. Matagal na kaming residente ng Makati, at tuwing eleksiyon ay pinag-aagawan ng mga kandidato ang mga boto namin”, dagdag ni Ordonez.

Naniniwala ang ilang residente kabilang si Ordonez na “hindi aksidente kundi sinadya” ang naturang sunog. “May malinaw na sabwatan ang lokal na pamahalaan sa pamilya Laperal na diumano ay nagbayad pa upang palayasin kami dito. Paano ito magiging danger zone samantalang matagal na kaming naninirahan dito?” sabi pa ni Ordonez.

Mahigit 4,000 pamilya ang apektado ng sunog at planong dalhin sa relocation areas sa Calauan, Laguna at Bulacan ng lokal na pamahalaan ng Makati. Tutol umano ang mga residente na dalhin sa staging areas ng relocation sites dahil malalayo sila sa kanilang mga trabaho at paaralan ng mga bata.

Nag-aalala rin silang matulad sa maraming dinala ruon na mula sa Quezon City na matagal nang nakatira sa ilalim ng mga tents, walang tubig at kuryente at malayo sa mga ospital at paaralan.

Samantala, nakiisa rin ang Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage) sa mga maralitang residente ng Laperal Compound. Ayon kay Ferdinand Gaite, pambansang presidente ng Courage, “Responsabilidad ng pamahalaan na itaguyod ang kapakanan ng mga mamamayan, sa halip na interes ng iilang negosyo’t mayayaman.”

Sinabi ni Mayor Jejomar Erwin “Junjun” Binay na may mga sindikato umano na nasa likod ng pagtutol ng mga residente na mailikas mulas a Laperal Compound.

Kinondena ni Gaite ang ganitong pahayag ni Binay. “Ito ang pinakamadaling dahilan upang bigyang matwid ang pagpapalayas sa mga residente. Patunayan muna nilang may sindikato at ang mga ito ang dapat palayasin nila dito hindi ang lehitimong mgamamamayan ng Makati,” ani Gaite.