Sugod mga Kapatid

Masyadong Mataas


Pansinin ang irony ng pahayag na ito: Nakadepende ang kabuhayan ng milyun-milyong Pilipino sa pananatiling mababa ng mga sahod sa bansa.

Pansinin ang irony ng pahayag na ito: Nakadepende ang kabuhayan ng milyun-milyong Pilipino sa pananatiling mababa ng mga sahod sa bansa.

Ha? Ano ulit?

Oo, ito ang mensaheng gusto ibigay nila Noynoy Aquino sa mga nakaraang pahayag nila hinggil sa lumalakas na panawagan para sa makabuluhang dagdag-sahod. Bumubukas na daw sila sa pagtataas ng suweldo ng mga manggagawa, pero hindi kasing ‘taas’ ng hinihingi ng Kilusang Mayo Uno (KMU) at Koalisyon ng Progresibong Manggagawa at Mamamayan (KPMM) na P125 across-the-board at nationwide.

Ha? Ano ulit? Mataas ang P125?

Saang panig ba ng Pilipinas masasabing malaki ang P125? Kung kabuhayan rin lang ng mga Pilipino ang usapin, tignan ang sumusunod: P404 ang minimum wage sa Metro Manila, ang pinakamataas sa buong bansa. Pero nung 2008 pa lang, P917 ang kinakailangan ng karaniwang pamilya para mabuhay nang disente. Siguradong mas mataas pa ito ngayon. Sabi nga ng Ecumenical Institute for Labor Education and Research (Eiler), kinain na ng mga pagtataas sa ilalim ni Noynoy ang lahat ng mga dagdag-sahod ng nakaraang dekada.

Saan ngayon pinaghuhugutan ni Noynoy ang pagtingin na ‘masyadong malaki’ ang halagang P125?

Sabi nila nung Abril 7, kapag natuloy ang nasabing umento, magiging ‘uncompetitive’ ang ating bansa. Uncompetitive saan? Sa paghahanap ng dayuhang mga mamumuhunan. Bilang bahagi ng walang-katapusan nilang paghahangad ng mas malaking kita at tubo, namumuhunan daw sila sa mga bansang may napakababang sahod. Kaya nga nagmimistulang baliktad na karera ang ginagawa ng mga maraming bansa sa Asya: pababaan ng antas ng sahod.

Dito nagmumula ang absurdong pahayag sa unahan: Pinapalabas ng gobyerno na tanging sa ‘kabaitan’ ng dayuhang mga kapitalista magmumula ang kabuhayan ng marami sa atin, at ang pag-unlad ng bansa na matagal na nating tinatamasa. Para makuha itong ‘hulog ng langit’, kailangan panatiliin nating barat-na-barat ang ibinabayad ng mga dayuhan at malalaking kapitalista sa mga manggagawa.

Gaano katotoo ba ito? Sa ‘China: Socialist Development and Capitalist Restoration’ ni Prop. Pao-yu Ching, dinetalye niya kung paano inangat ng Partido Komunista ng Tsina (CCP) ang ekonomiya ng Tsina mula sa pinsala ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig at ng tatlong taon ng gerang-sibil na sumunod. Agarang namahagi ng libreng lupa sila Mao Tse-tung sa mga magsasaka at hinikayat silang pataasin ang produksiyon. Dito nagmula ang ‘labis na kapital’ na ginamit para itayo ang mga batayang industriya ng Tsina.

Mismong si Prop. Pao-yu ang nagbigay ng angkop na mensahe: Ang karanasan ng Maoistang Tsina ay nagpapakita ng isang alternatibong landas sa kaunlaran, isang daan na malaya sa ‘foreign investments’ at ‘foreign debts’.

Marahil nagtataka ang iba sa inyo: sa dami-dami ng mga PhD at MBA sa gobyerno ni Noynoy, bakit tila hindi nila alam ito? Pero ang totoo, alam nila ito. Umaasa lamang sila na ang mga katulad natin ay hindi nito nakakaalam para patuloy na bigyang pambabaluktot at katwiran ang tunay na agenda nila: ang pagprotekta sa dambuhalang tubo ng mga dayuhan at malalaking kapitalista, at patuloy na pagsamantalahan ang manggagawang Pilipino.