Pambansang industriyalisasyon para sa malawakang empleyo


Sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at gobyernong Aquino, nakasalang ang mungkahi na pambansang industriyalisasyon at reporma sa lupa, na ayon sa NDFP ay magbibigay-empleyo sa milyun-milyong manggagawang Pilipino.

Fidel Agcaoili, tagapagsalita ng NDFP Negotiating Panel. (KR Guda)
Fidel Agcaoili, tagapagsalita ng NDFP Negotiating Panel. (KR Guda)

Papaano masisiguro ang empleyo – na may makabuluhang sahod – ng milyun-milyong manggagawang Pilipino?

Ito ang isa sa mga tanong na nasasagot ng inihahapag na programang pang-ekonimiya ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP), sa pag-uusap hinggil sa mga repormang sosyo-ekonomiko sa pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan sa pagitan nito at gobyerno ng Pilipinas (GPH).

“Ang sosyo-ekonomikong mga repormang iminumungkahi ng NDFP ay kaugnay ng pagsasakatuparan ng pambansa at demokratikong mga interes ng sambayanan,” ani Fidel Agcaoili, pangalawang tagapangulo at tagapagsalita ng NDFP Peace Panel. “(Laman nito) ang mga pangangailangan para  umunlad ang lipunang Pilipino.”

Dalawa ang pangunahing laman ng inihahaing sosyo-ekonomikong mga reporma ng NDFP, ayon kay Agcaoili. Una, ang tunay na reporma sa lupa, para mapalaya ang 75% ng populasyon mula sa piyudalismo.

“Kasabay ng pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa, iyung tinatawag nating pambansang industriyalisasyon. Iyun kasi ang patutunguhan ng pagkakaroon ng tunay na reporma sa lupa – ang magkaroon ng sariling industriya ang lipunang Pilipino,” paliwanag ni Agcaoili.

Pambansang industriyalisasyon

Tinitingnan ng NDFP ang pambansang industriyalisasyon na pagtatayo ng batayang mga industriya na pag-aari ng mga Pilipino, joint venture ng mga Pilipino o pag-aari ng Estado. “Ibig sabihin, dito lang sa bansa. Alam nating mayaman ang Pilipinas, maraming mineral resources sa ating bansa,” sabi niya.

Ang batayang mga industriya ay iyung mga industriya na magluluwal ng hilaw na mga materyales na kailangan para sa iba pang industriya. Kabilang sa batayang mga industriya ang steel industry (mula sa pagmimina), paglikha ng enerhiya at industriya ng langis.

Sa kasalukuyang sistema kasi, hindi nadedebelop ang batayang industriyang ito, bagamat mayaman sa rekurso ang bansa. Inaangkat pa natin ang mga materyales tulad ng bakal at langis. Samantala, multinasyunal na mga korporasyon ng mina ang naghuhukay ng mga yamang mineral ng bansa, at saka dinadala sa ibang bansa para gawing mga sasakyan, imprastraktura ng iba pang industriya, at iba pa.

Sa pambansang industriyalisasyon na mungkahi ng NDFP, Pilipino ang maghuhukay, magpoproseso at pangunahing gagamit sa mga yamang ito para sa pagtatag ng iba pang industriya at paglikha ng yaman ng bansa.

Ipinaliwanag ni Agcaoili na sa kasalukuyang kalagayan,  maraming Pilipinong manggagawa ang walang trabaho dahil sa kakulangan ng mga industriyang pagtatrabahuan nila. “Marami ang nagsisilikas (para magtrabaho sa ibang bansa),” sabi pa niya.

“Ang problema kasi sa kasalukuyang lipunan, yung mga magsasakang walang lupa, milyun-milyon sila, wala silang makuhang trabaho sa mga lungsod. Noong una, na-a-absorb sila bilang construction workers, domestic workers (sa mga lungsod), seasonal workers, at iba pa. Pero sa patuloy na magdami nila, nagbukas din ang gobyerno sa migrasyon (o pagtrabaho sa ibang bansa),” paliwanag pa ni Agcaoili. Ngayon, ang remitans ng mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa ang mistulang bumubuhay sa ekonomiya ng Pilipinas.

Sa pagpapatupad ng pambansang industriyalisyon at tunay na reporma sa lupa, dapat siguruhin ng Estado ang pangangalaga ng kapakanan ng mga manggagawa. “Kailangang pamunuan ang pambansang mga kapitalista na unahin ang kapanakan ng sambayanan, kabilang ang mga manggagawa na nangangailangan ng makabuluhang dagdag-sahod,” sabi ni Agcaoili.

Pangangalagaan dapat, aniya, ang karapatan ng mga manggagawa na mag-organisa at magwelga.

Magkaibang tindig, magkaibang interes

Malaki ang pagkakaiba ng pag-intindi ng NDFP at gobyerno sa kahirapan at kawalan ng nakabubuhay na empleyo sa bansa.

Iniuugat ng NDFP ang kahirapan ng bansa sa imperyalismo (o pangingibabaw ng isang dayuhang interes sa bansa), piyudalismo at burukrata-kapitalismo (o pagpapatakbo ng gobyerno bilang isang negosyo). Samantala, para sa gobyernong Aquino, ang ugat ng kahirapan ay korupsiyon, kawalan ng pag-unlad, at kawalan ng peace and security.

Batay sa kanilang pagkakaintindi sa kahirapan, patuloy na itinutulak ng gobyernong Aquino ang neoliberal na mga polisiya na matagal nang ipinapatupad sa bansa. Ngunit, sabi ni Agcaoili, kita naman sa karanasan ng mga mamamayan na lalong tumindi ang kahirapan dahil sa mga polisiyang ito.

“Mukhang mahirap ang haharapin sa usapang pangkapayapaan,” pag-aamin ni Agcaoili. Sang-ayon ang magkabilang-panig na ang kasalukuyang adyenda hinggil sa sosyo-ekonomikong mga reporma ang “laman” ng prosesong pangkapayapaan. Pero magkaibang framework –at magkaibang interes—ang itinutulak ng NDFP at gobyernong Aquino.