Sa isla ng mga Mangyan


Silang unang nanirahan sa isla ng Mindoro ang kalauna’y itinaboy patungo sa mga kabundukan. Ngayon, dahil sa gobyerno at sa malalaking kompanya ng mina, pati sa kabundukan ay baka maitaboy din sila.

Araw ng mga Mangyan, sa Abra de Ilog, Mindoro Occidental. (Soliman A. Santos)
Araw ng mga Mangyan, sa Abra de Ilog, Mindoro Occidental. (Soliman A. Santos)

Mula sa kapatagan ng Mindoro, itinaboy ng mga “dayuhan” ang mga katutubong Mangyan sa kabundukan. Pero kahit nasa mga bundok na, nanganganib na muli silang mapalayas mula sa kanilang lupaing ninuno.

Ito ang pangamba ng mga Mangyan dahil sa mga proyekto ng gobyerno at ng ilang negosyante tulad ng pagmimina, pagtotroso at pagtatayo ng dam na direktang sasagasa sa kanilang lupa, buhay at kultura. Kaya naman nagkakaisa ang kanilang pahayag sa idinaos na “Araw ng mga Mangyan” noong Abril 15 hanggang Abril 16 sa Abra de Ilog, Occidental Mindoro – magkaisa at labanan ang anumang banta sa kanilang lupa.

Daan-daang Mangyan mula sa pitong tribu na nagmula pa sa iba’t ibang bayan ng Oriental at Occidental Mindoro, ang dumalo sa naturang pagtitipon para ideklara ang kanilang mariing pagtutol. Kasama rin sa okasyon ang ilang katutubo mula sa iba’t ibang panig ng bansa sa pangunguna ng Kalipunan ng mga Katutubong Mamamayan ng Pilipinas (KAMP). Naging saksi rin sa pagdiriwang ang ilang taong-simbahan, mga guro, estudyante, mga manggagawang-pangkalusugan mula sa Center Health Development (CHD) na nagbigay ng libreng serbisyong medikal at dental sa mga katutubo, at iba pang grupo.

Amit Gabriel
Amit Gabriel ng Hanunuo (Soliman A. Santos)

Isla ng mga Mangyan

Ayon kay Amit Gabriel, mula sa tribung Hanunuo at pangkalahatang kalihim ng Hagibbat, sa mahabang panaho’y mga ninuno nila ang nanirahan sa isla. Bago pa magkagobyerno, aniya, ay naroon na ang mga Mangyan. Kaya hindi kalabisang sabihin na ang Mindoro ay isla ng mga Mangyan.

“Malaya kaming gumala sa kapatagan at mga kabundukan. Walang nagbabawal sa amin sa pagtamasa ng biyaya ng lupa, ilog at maging ng dagat,” ani Gabriel.

Pero nang dumating ang mga “Tagalog,” inangkin ng mga ito ang kanilang mga lupain. Ang dati nilang tirahan at taniman ay ginawang pastulan ng mga baka.

Dahil sa mga pastulan, “nagkasama na ang mga Mangyan at mga baka sa mga taniman,” ayon naman kay Pastor Marcelo Carculan, katutubong Iraya at tagapangulo ng Hagibbat.

Perwisyo sa taniman ng mga Mangyan ang mga baka. Ayon kay Libot Umyagan, katutubong Bangon, pinipinsala ng mga baka ang kanilang pananim. Ang masama pa nito, madalas ay pinagbibintangan pa silang nagnanakaw ng mga may-ari ng pastulan kapag may namatay na baka dahil lamang nahulog ito sa dalisdis ng bundok.

Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit sila napilitang umakyat sa mas mataas na bahagi ng mga bundok. Pero ngayon ngang nasa tuktok na sila, tuloy pa rin ang banta na muli silang mapalayas.

“Hindi na namin alam kung saan kami pupunta. Kaya kaming mga Mangyan ay nagkakaisa para labanan ang mga proyektong tiyak na hindi makakabuti sa amin,” ani Gabriel.

Ang Hagibbat

Pagtatanghal ng mga Mangyan na nagsasalarawan ng kanilang pang-ekonomiyang mga aktibidad. (Soliman A. Santos)
Pagtatanghal ng mga Mangyan na nagsasalarawan ng kanilang pang-ekonomiyang mga aktibidad. (Soliman A. Santos)

Noong 2009, itinayo ng mga Mangyan ang Hagibbat. Isang organisasyon ito na binubuo ng lahat ng pitong tribu ng mga Mangyan; Hanunuo, Alangan, Gubatnon, Iraya, Buhid, Bangon at Tadyawan. Ito ang nagsilbing bigkis ng kanilang pagkakaisa sa paglaban.

Simula rin noon ay nagdaos sila nang Mangyan Festival na nagtatampok sa kultura ng mga Mangyan. Pero ngayong taon, tinawag nila itong “Araw ng mga Mangyan.” Sa pagkakataong ito at sa mga susunod pa, hindi lamang pakikipagkaisa sa kultura ng iba’t ibang tribu ang layunin – kasama na rito ang kanilang pagkakaisa at paglaban.

Kabuhayan

Pagtatanim ang pangunahing kabuhayan ng mga Mangyan. Nagkakaingin sila at nagtatanim ng saging, kape, gabi, mais at iba pang gulay. Ang mga ito na rin ang kanilang kinakain sa araw-araw at dinadala nila sa mga palengke o “tianggean” upang pagkakitaan. Kamote ang halos kinakain nila sa araw-araw, minsan o dalawang beses lamang sa isang linggo sila kumakain ng kanin.

Bukod sa mga nabanggit na produkto, naghahabi rin ang ilang tribu ng mga Mangyan. Marunong silang gumawa ng mga banig, bag at pitaka na ibinebenta rin nila.

Ilog ng buhay

Bukod sa mga bundok, lubhang mahalaga rin sa mga Mangyan ang mga ilog. Doon sila kumukuha ng tubig na maiinom at panggamit na rin sa paliligo, paglalaba at iba pa. ginagawa rin nilang daanan ang ilog sa pamamagitan ng mga balsa.

Pero kahit ang “daan” nilang ito’y nanganganib rin dahil sa balak na ipatayong mga dam sa kanilang lugar. Tatlong dam ang balak itayo sa mga ilog ng Alag, Bagto at Bongabon.

Ayon kay Altang Dawsig, mula sa tribung Bangon at awditor ng Hagibbat, tatamaan ng binabalak na dam ang kanilang mga taniman. Tinatayang 200,000 katutubo ang maaapektuhan nito. Bukod rito nangangamba sila sa panganib na dulot ng dam.

“Pipigilan nila ang ilog, pero tiyak na iikot ang tubig nito at pilit na hahanap ng dadaanan. Diyan na magsisimula ang mga pagguho ng lupa na tiyak na makakaapekto sa maraming Mangyan, gayundin sa mga nasa kapatagan,” ani Dawsig.