Karapatang Pantao

Isang araw sa Brgy. Diatagon

June 26, 2021

Pinagmukhang “child soldier” ang isa. Tinangkang itago ang dalawa. Ito ang bagong masaker sa Lumad ng militar sa Lianga, Surigao del Sur.

Si Angel, gitna, kasama ang mga kababatang Lumad. Kontribusyon

Tanghali na, at pahinga muna sila noon sa pagtabas ng abaka. Tulad ng ibang kabataan, maiingay at makukulit sila.

Mga miyembro sila ng komunidad ng mga Lumad sa Brgy. Diatagon, Lianga, Surigao del Sur. Pero mga kabataan pa rin sila, mahilig makipagharutan at tawanan. Nung nakaraang araw, nagsisipag-selfie. Noong araw na iyon, sama-sama sa pagbili ng bigas sa poblacion.

Hindi na sila nakarating sa poblacion. Naglalakad ang anim na kabataan nang paulanan sila ng bala ng armadong kalalakihan. Patay si Willy Rodriguez, gayundin ang dalawa niyang pinsan na sina Lenie Rivas, 21, at kapatid nitong si Angel, 12. Nakatakbo ang tatlong iba pa.

Ang mga namaril, ilan sa pinakamatitinik na sundalo ng Philippine Army. Ito ang mga tropa ng 3rd Special Forces Battalion. Ang ginawa ng mga sundalong ito, iyung dati nang gawi ng marami nilang kasamahan sa serbisyo: itago ang tunay na pangyayari.  Sa tabi ng walang-buhay na labi ng tatlong kabataan, naglagay sila ng baril. Nanlaban na ang mga ito. Mga rebelde. Mga “komunista-terorista”. At si Angel, “child soldier” na. 

Sa kabila ng mga ebidensiya na nagpapasubali riyan, iyan, sa esensiya ang sinabi ni Maj. Rodulfo Cordero, tagapagsalita ng 4th Infantry Division ng militar. Umabot daw ng 10 minuto ang pagpapalitan ng putok sa pagitan ng mga sundalong militar at mga rebelde. Nakakuha raw ng mga baril ang mga sundalo sa lugar matapos masawi ang tatlo.

Sa kanyang pahayag, sinabi naman ni Major Gen. Benedict Arevalo, deputy chief-of-staff para sa civil-military operations ng Armed Forces of the Philippines (AFP), na binabaluktot diumano ng mga grupong “komunista-terorista” ang balita.

Pero malinaw ang mga testimonya ng kanilang mga kaanak at kapitbahay. Malinaw ang mga patunay: Hindi rebelde, hindi armado, at walang kalaban-laban ang tatlong Lumad na nasawi sa Diatagon noong Hunyo 15.

Nakikipagkulitan si Willy (kaliwa) sa mga kapwa niya kabataang Lumad habang nagpapahinga sa pagtatabas ng abaka. Kontribusyon

Ebidensiya

Sa pamamagitan ng Save our Schools (SOS) Network ipinarating sa madla ang mga ebidensiya at testimonyang ito.

SOS Network ang tumutulong sa mga Lumad na maibalik ang operasyon ng alternatibong mga eskuwelahang Lumad sa Mindanao, na binabansagan ng militar na “eskuwelahan ng New People’s Army (NPA)”.

“Makikita sa bidyo si (Willy) Rodriguez na nakasuot ng green shirt at nagsasaya habang may dalang abaka. Sina Angel naman, kasama ng kapatid na si Lenie at iba pa, nagse-selfie sa kanilang mga telepono habang nagtatrabaho,” sabi ni Rius Valle, tagapagsalita ng SOS Network.

Kasama rin sa larawan ang mga kasamahan ng tatlo, mga tinedyer, na nabuhay matapos tumakbo nang magsimula nang magpaputok ang mga sundalo.

Pinatotohanan din ito ng mga saksi na mga miyembro ng komunidad na kinabibilangan nina Willy, Lenie at Angel.

“Sabi ng militar silang mga biktima ang unang nagpaputok, at nagpasabog pa raw ng mga eksplosibo. (P)ero bakit walang nasawi sa kanila (mga militar), walang ni isa sa kanilang nasugatan, habang mukhang natortyur ang mga biktima,” sabi ni Dodo (di-tunay na ngalan), 41.

Nasaksihan din ng ibang residente kung paano kinaladkad umano ng mga sundalo ang mga labi patungo sa basketball court ng barangay. 

“Masakit makitang initsa lang nila paroo’t parito ang mga labi nang limang minuto sa basketball court na parang mga sako ng bigas lang ang mga ito. Initsa lang nila ito sa kanilang mga motorsiklo,” sabi ng isang saksi na tumangging magpapangalan para sa kanyang seguridad.

Alas-diyes ng gabi nang ipaalam ng mga sundalo sa kaanak nila ang nangyari. Pinrisinta ng mga sundalo ang walang-buhay na labi ni Angel, napupuluputan ng plastik at tape. Sabi ng mga sundalo, may hinahabol daw silang mga rebelde, at nagkapalitan ng putok.

Tanghali nangyari ang pamamaril, gabi na nang ipaalam ng mga sundalo sa kaanak ang pangyayari. Umaga na kinabukasan nang maidala ang tatlo sa punerarya. 

Sa iba pang lugar nakita ang labi nina Lenie at Willy. Na parang gusto pang itago ng mga sundalo ang dalawa, ayon sa kaanak. Sa punerarya, nang makita na ng kanilang kaanak, puno ng tahi ang iba’t ibang bahagi ng katawan si Lenie. Ibig sabihin, marami siyang tama ng bala. Si Willy, tila may mga bali. Naka-tape na nga ang kanyang binti.

Kuwento ni Dodo, noong kaharap ng mga sundalo ang pamilya, pinagbantaan pa ng isang Lt. Sam ang nanay ni Angel sa pagsabing “Ano, gusto mo maging ikaapat na biktima?”.

Si Lenie at kaibigan. May selfie stick pa. Kontribusyon

Sa harap nila, inamin

Iyung nakipag-usap pa sila sa kaanak na nandun din sa komunidad, tila patunay nang kahit ang mga sundalo, alam na hindi mga rebelde ang napatay nila.

Isang Colonel Aranas pa ang nakipag-usap sa kaanak, na nag-alok na babayaran ang lahat ng gastusin sa paglibing. Pero galit na inayawan ito ng kaanak. “Kahit pa punuin nila ng pera ang mga bahay namin, hindi mawawala ang galit, sakit at pagluluksa,” sabi diumano ng isang kaanak.

Lalong ikinagalit pa ng kaanak na pinipigilan sila ng mga sundalo na litratuhan ang mga labi.

“Masasabing tama si Major. Gen. Arevalo na binabaluktot ng mga terorista ang balita. (P)ero sa kasong ito, silang militar ang mga terorista, sa pagluray sa labi ng mga nasawi at pagbanta sa komunidad ng Lumad sa Lianga,” sabi pa ni Valle ng SOS Network.

Sinabi ng mga kaanak ni Angel na mapapatunayan sa coordinator ng District Alternative Learning System (ALS) na totoong learner si Angel sa A at E Elementary Classes na may LRN No. 131784160006 para sa taong 2020-2021 sa Diatagon CLC, Diatagon, Lianga, Surigao del Sur. 

Nakakuha umano ng kopya ang SOS ng sertipikasyon ni Angel. Tumutulong lang siya sa pag-aani noong panahong pinaslang silang tatlo para kumita umano ng kaunting pera para sa kanyang pag-aaral.

Honor student umano si Angel sa alternatibong paaralan ng mga Lumad na Tribal Filipino School in Surigao Sur (Trifpss) at lumipat ng ALS ng Department of Education (DepEd) nitong panahon ng pandemyang coronavirus disease 2019 (Covid-19). Samantala, miyembro sina Lenie at Willy ng Malahutayong Pakigbisog Alang sa Sumusunod (Mapasu), organisasyon ng Lumad.

Sertipikasyon ni Angel na nagpapatunay na estudyante siya sa ALS sa Lianga nang mapaslang ng militar. Kontribusyon

“Wala nang mas kasuklam-suklam pa kaysa sa paggiit at pagtago sa katotohanan ng mga kasinungalingan nila para makaiwas sa pananagutan. Hindi pa nga ito ang pinakakatawa-tawang kaso ng pagbansag sa mga magsasaka o Lumad na rebelde, na palagi nilang ginagawa para pagtakpan ang kanilang mga paglabag sa karapatang pantao,” sabi pa ni Valle.

Isa sa mga kasong tinutukoy ni Valle ang kaso ng pagpaslang sa 9-anyos na si Grecil Buya sa New Bataan, Davao de Oro noong 2007. Sinabi ng militar na “NPA batang-mandirigma” si Grecil, na isang estudyante sa elementarya. Nilitratuhan pa umano ng mga sundalo si Grecil katabi ang pinatong na ripleng M-16 na mas matanggad pa sa labi niya.

Sinasalubong ng SOS Network ang panukalang pangunahan ng Diocese of Tandag (kabisera ng Surigao del Sur) ang independiyenteng imbestigasyon. Hinihiling nila, siyempre, ang hustisya sa mga napaslang na Lumad at ang pagtigil sa mga atake sa mga komunidad ng Lumad.

“Kasabay ng independiyenteng imbest-igasyon, nananawagan din kaming pagbawalan doon ang yunit ng militar (sa baraks) at alisin sila sa mga komunidad (ng Lumad) para mapigilan ang pagganti at panghaharas habang may imbestigasyong nangyayari,” sabi pa ni Valle.

Hiling nila ang hustisya sa tatlo, habang nananatiling naghihintay pa rin sa nakaraang masaker sa Lianga noong Setyembre 2015 – nang paslangin ang executive director ng paaralang Lumad sa lugar na si Emerito Samarca, kasama ang tagapangulo ng Mapasu noon na si Dionel Campos, at kapatid ng huli na si Datu Bello Sinzo. 

Avatar

Kenneth Roland A. Guda

Kenneth Roland A. Guda is former editor-in-chief of Pinoy Weekly and a board member of PinoyMedia Center, Inc.