Hustisya para sa Tumadok 9, hiniling

January 9, 2021

“Pinalabas ang lahat ng tao sa bahay habang nagmamakaawa akong ‘wag nilang kunin ang asawa ko dahil maliliit pa ang mga anak namin at sinabi ko sa kanila na kung may kasalanan man siya, dalhin siya sa husgado at hatulan.”

“Sana sa madaling panahon, mabigyan ng hustisya yung nangyari sa siyam na namatay na katutubong tumandok. Sana mabigyan ng hustong hustisya.”

Ito ang mga nasambit ni Annalyn Gigante, balo ni Roy Gigante, sa isang online press conference na inilunsad ng Sandugo indigenous people’s movement at Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) noong Enero 5 kaugnay ng pamamaslang sa sa siyam na katutubong tumandok bago matapos ang 2020.

Isa si Roy sa mga naturang napaslang na katutubo matapos ang malaking operasyon ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Army, at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police sa Tapaz, Capiz noong Disyembre 30, 2020.

Bukod kay Roy, napaslang sina Reynaldo Katipunan, Mario Aguirre, Maurito Diaz, Sr., Eliseo Gayas, Jr., Artilito Katipunan, Jomar Vidal, Dalson Catamin, at Rolando Diaz.

Inaresto din ang 17 pang katutubo, liban pa sa mga napaslang.

Inilhad ni Annalyn na puwersahang pinasok pinasok ng mga operatiba ang kanilang bahay habang mahimbing na natutulog noong madaling araw ng Diyembre 30. 2 umanong lalaki ang humawak kay Roy habang isa naman sa kanya. Nang tanungin aniya ni Roy ang mga lalaki kung bakit iyon nangyayari, sumagot umano ang mga ito na may kaso siya.

“Pinalabas ang lahat ng tao sa bahay habang nagmamakaawa akong ‘wag nilang kunin ang asawa ko dahil maliliit pa ang mga anak namin at sinabi ko sa kanila na kung may kasalanan man siya, dalhin siya sa husgado at hatulan. Hindi nila pinakinggan ang aking pagmamakaawa,” ani Annalyn.

Sa kabila umano ng makailang-ulit na pagmamakaawa, pinaslang pa rin aniya ng mga operatiba ang kanyang asawa. “Sambit ng isang lalaki na matigas ang ulo ng asawa ko at pagkatapos, nasaksihan kong binaril nila si Roy, kitang-kita ng aking dalawang mga mata ang pangyayari hanggang sa matumba siya.”

‘Nanlaban’

Ayon kay PLtCol. Gervacio Balmaceda, hepe ng CIDG Region 6, nanlaban ang mga napaslang habang inihahain ang mga search warrant sa mga ito. Bukod sa siyam, inihain din sa 13 pang indibidwal mga nasabing mga warrant sa Capiz at Iloilo na ayon kay Balmaceda ay diumano’y mga “high value personalities” ng Communist Party of the Philippines at mayroon mga armas at pampasabog.

Subalit ayon sa mga kaanak, mga sibilyan at hindi armado, at hindi mga kasapi ng CPP at ng New People’s Army ang mga pinaslang at mga naaresto. Ang mga ito’y mga lider at kasapi ng Tumandok nga Mangunguma nga Nagapangapin sa Duta kag Kabuhi (Tumaduk), lokal na samahan ng mga katutubo sa lugar.

Ayon sa Karapatan Panay, mga kilala umanong mga lider sa komunidad ang mga pinaslang. Kasama sa mga ito ang mga opisyal ng barangay na sina Gigante, nagsilbing 3-terminong punong barangay at kasalukuyang kagawad ng Lahug, Reynaldo Katipunan, kagawad ng Lahug at Catamin ay kasalukuyang punong barangay ng Nayawan. Bago pa umano sila paslangin, naranasan ng mga itong ma-red-tag ng militar bunsod ng kanilang aktibong pagtutol sa sa militarisasyon at mga paglabag sa mga karapatang pantao sa kanilang komunidad.

Masugid din ipinaglalaban ng mga katutubo sa lugar ang kanilang lupang ninuno at ang pagtutol sa pagtatayo ng Jalaur Mega Dam in Calinog, Iloilo. Ito ang dahilan, para kay Lucia Capaducio ng Pamangas, lokal na oranisasyon ng mga magsasaka, ang dahilan kaya aniya ‘minasaker’ ang naturang mga katutubo. “Sa ganitong kalagayan, naganap ito, dahil sa paninindigan ng mga Tumandok ang lupa para di mawala, para sa kapakanan ng mamamayan at ng mga bata,” saad ni Capaducio.

Militar paalisin

Bunsod ng insidente ng pamamaslang at malawakang pag-aresto at matinding militarisasyon sa kanilang lugar, nagbakwit ang mga katutubo mula sa Lahug tungo sa day care center ng barangay. Kuwento ng Pamangas, nakitaan ng sobrang ‘stress’ ang mga katutubong nagbakwit nang bisitahin nila ang mga ito sa evacuation center noong Enero 2.

Ibinunyag naman ni Annalyn, pinababalik na sila sa kanilang komunidad ar pinapapirma ng lokal na pamahalaan upang magkaroon ng detatsment ng militar sa sentro ng kanilang barangay. Subalit tutol umano ang kanilang komunidad.

Noong aniya’y wala pang militar sa kanilang komunidad, ‘mahimbing at malipayon’ umano ang pamumuhay ng mga tumandok.

“Sana pakinggan kami ni Pangulong Duterte na kunin yung militar na inilagay niya sa kabundukan. Kasi sila ang totoo na mamamatay tao…sila yung totoo na terorista,” ani Analyn.

Lumahok din sa naturang presscon upang makiisa sa panawagan ng hustisya para sa mga katutbong tumandok at pagkundena sa pagpaslang at pag-aresto sina Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat, Joanna Carino ng Sandugo at Cordillera People’s Alliance, Danilo Ramos ng KMP at mga organisasyon sa ibang bansa.


Featured image mula sa Panay Today
Aris Baldomero

Aris Baldomero

Tagasubaybay ng underground scene si Aris Baldomero mula pa ng dekada 80s. Mahilig siyang sumuri at magbigay ng opinyon hinggil sa ugnayan ng eksena sa lipunang Pilipino. Pag may pagkakataon, tumutugtog din siya sa ilang banda na hindi kilala.