Istorya ng Linggo

Hindi marating ang laot: Epekto ng nagmamahal na gasolina sa maliliit na mangingisda

Bihira nang lumampas sa 100 metro mula sa baybayin ang karamihan sa mga mangingisda sa Brgy. Poblacion, Gitagum, Misamis Oriental. Hindi na sila gumagamit ng motor, o kalahati na lang ng dating distansya sa laot ang nararating, dahil sa taas ng presyo ng gasolina.

Tulad ng ibang maralitang sektor, matindi ang epekto ng walang habas na pagtaas ng presyo ng langis sa maralitang mga mangingisda. (Ilang-Ilang D. Quijano)
Tulad ng ibang maralitang sektor, matindi ang epekto ng walang habas na pagtaas ng presyo ng langis sa maralitang mga mangingisda. (Ilang-Ilang D. Quijano)

Gitagum, Misamis Oriental—Inihanda nila ang lambat at pinuno ng langis ang gasera. Sumakay sa bangka, nag-antanda, at saka nagsagwan patungo sa direksiyon ng mga bangka at umiindap-indap nang gasera ng kanilang mga kasamahan sa may hindi kalayuan. Balita ng mga mangingisda, maraming bansi (flying fish) doon ngayon.

Gusto nilang samantalahin ang pagkakataon, dahil minsan na lamang nakakahuli ng maraming isda nang hindi pumapalaot. Bihira nang lumampas sa 100 metro mula sa baybayin ang karamihan sa mga mangingisda sa Brgy. Poblacion. Karamihan, hindi na gumagamit ng motor dahil sa mataas na presyo ng gasolina. Sa probinsiyang ito, aabot ang presyo ng gasolina sa mahigit P60 kada litro.

“Para makabawi sa gastos, kailangan makahuli ka ng lima hanggang anim na kilo ng isda,” sabi ng 45-anyos na si Jimmy Buray.

Umaabot kasi sa P180 ang gastos niya para sa tatlong litro ng gasolina, at ang huling isda naman ay naibebenta ng P70 kada kilo. “Kaya kung dalawang kilo lang ang mahuli mo, lugi ka pa ng P40. May mga araw pa na walang huli.”

Ito ang dahilan kung bakit karamihan sa kanila, nagkakasya na lamang sa pagsasagwan at pangingisda sa malapit, nang sa gayo’y hindi na gumastos pa sa gasolina. Simula Enero ngayong taon, may 14 beses nang tumaas ang presyo ng mga produktong petrolyo.

Dahil sa taas-presyo ng langis, pahirap nang pahirap ang pangingisda. (Ilang-Ilang D. Quijano)
Dahil sa taas-presyo ng langis, pahirap nang pahirap ang pangingisda. (Ilang-Ilang D. Quijano)

Kuwento naman ng 65-anyos na si Fernando Oraez, “Dati-rati, nagbabaon ako ng apat na litro ng gasolina sa laot. Ngayon, dalawang litro na lang.”

Kung nakakalayo siya dati ng 15 kilometro mula sa baybayin, ngayon, kalahati na lamang ng distansiyang ito ang nararating niya. May epekto ito sa dami ng huling isda. Mula sa dating 40 kilo, nasa lima hanggang pitong kilo na lamang ang kanyang naiuuwi mula sa walo hanggang 12 oras sa laot.

Masuwerte pa rin siya na kahit papaano’y nakakapagpalaot, at nakakahuli ng mga isda gaya ng tulingan, pandawan, pugot, galunggong, at matambaka. Ang mga nangigisda kasi sa malapit, tanging bansi lamang ang nalalambat, at parami nang parami pa silang nagkakasya sa kakarampot na huli doon.

Naniniwala sina Mang Fernando at Jimmy, mga kasapi ng grupong Kasamahan ng Mangigisda sa Poblacion (Kasama-Po), na dapat kontrolin ng gobyernong Aquino ang presyo ng langis, na may epekto rin sa presyo ng iba pang mga bilihin at kakayahan ng mga mamimili.

“Minsan, hindi na mabili ang isda namin kasi mahal daw. Eh ang sabi ko naman, mahal din ang presyo ng bigas eh,” ayon kay Mang Jimmy, na hanggang ngayo’y hindi pa nag-aasawa dahil umano sa hirap ng buhay.

Nang hingan ng reaksiyon hinggil sa programang Pantawid Pasada o ang pansamantalang ayudang ibinibigay ng gobyerno sa mga drayber ng dyip sa lungsod, malinaw na masama ang kanyang loob na pawang kinaligtaan ng pangulo ang maliliit na mangingisda.

Tinatayang may 1.3 milyong maliliit na mangingisda sa buong bansa, at mahigit sa kalahati ng mga ito ang naghihirap o nabubuhay nang mababa sa poverty line, ayon sa datos ng gobyerno.

Mga mangingisda ng Gitagum, Misamis Oriental. (Ilang-Ilang D. Quijano)
Mga mangingisda ng Gitagum, Misamis Oriental. (Ilang-Ilang D. Quijano)

Dismayado naman si Mang Fernando sa kawalan ni Pangulong Aquino ng mas substansiyal na hakbang para protektahan sila laban sa tutuly-tuloy na pagtaas ng presyo ng langis. “Sila (ang gobyerno) ang nasa itaas. Sabihan nila ang (mga kompanya gaya ng) Shell at Petron na ibaba ang presyo ng langis…Kaming mahihirap ay wala namang magagawa.”

Sabay ngumiti siya. Sa boses ng isang lumalaban din sa tangkang pagpapalayas sa kanila ng mga negosyanteng nais gawing pribadong resort ang tabing-dagat na ikinabubuhay, idinagdag niya, “Wala kaming magagawa, kundi ang mag-alsa.”

Dahil sa taas-presyo ng langis, di na makapamalaot nang matagal at malayo ang mga mangingisda. Di na rin sumasapat ang kanilang huli. (Ilang-Ilang D. Quijano)
Dahil sa taas-presyo ng langis, di na makapamalaot nang matagal at malayo ang mga mangingisda. Di na rin sumasapat ang kanilang huli. (Ilang-Ilang D. Quijano)