Zineulat

Kuha Mo?


Hindi naman bago sa atin ang pagtataas ng matrikula at iba pang bayarin sa paaralan. E ano naman kung magtaaas ng matrikula ang mahigit-kumulang 300 kolehiyo sa taong ito.

Hindi naman bago sa atin ang pagtataas ng matrikula at iba pang bayarin sa paaralan. E ano naman kung magtaaas ng matrikula ang mahigit-kumulang 300 kolehiyo sa taong ito. Aprubado pa yan ng mismong Commission on Higher Education (CHED). Para na lang itong pagtataas ng presyo ng langis at mga produktong petrolyo. Hindi na nga kayang pigilan ng gobyerno, nililigalisa pa nito ang pagkakabaon at pagpapahihirap. Na tila nagiging “matter of fact” o “part of humanity” na lang ang pagsagitsit ng mga presyong ito. Na tila wala na tayong magagawa upang hadlangan ito. At yun ang nakakabahala! Ang tila pagtanggap na lang natin sa mga pagtataas na ito bilang “normal na bahagi” ng ating buhay.

Noong mag-aaral pa ako ng BA Malikhaing Pagsulat sa UP Diliman, noong hindi pa nagkakaroon ng 300% na tuition increase, kada semestre ay pumipila ako sa opisina ng Student Loan Board sa ikatlong palapag ng Vinzons Hall. P300 kada yunit ang halaga ng pag-aaral sa UP Diliman noon. Mangungutang ako para makapag-enroll. Sa susunod na semestre, babayaran ko ang nakaraang pagkakautang para muling makautang ng pang-enroll sa bagong semestre. Parang IMF-World Bank lang! Uutang ang Pilipinas para lang bayaran ang utang nito sa pinansiyal na oligarkiya ng IMF-World Bank. Taon-taong isinusubo sa atin ang ganitong kalakaran!

Kasama ko ang napakaraming estudyante na minsan, kahit hindi magkakakilala, ay nagkukuwentuhan na lang at nagkokomentuhan na “grabe, andito pa lang tayo sa second floor.” Ganun kahaba yung pila. Kung pera lang ang pawis, milyonaryo na siguro kami dahil sa naiimbak na pawis sa aming mga damit. Minsan umuupo kami sa natuod nang mga hakbangan ng hagdan. Napapabuntung-hininga sa pader. O di kaya’y magtatanungan kung may guarantor (permanenteng empleyado ng UP) na ba kaming magiging co-debtor; na magiging responsable pag hindi namin nabayaran ang kada semestreng inutang namin sa loan board. Kuha mo?

Hindi lang mga estudyante ang pagod at mainit ang ulo, o asar at tagaktak ang pawis; kahit ang mga empleyado ng Student Loan Board, na madalas napagbubuntunan ng sisi o galit dahil sa haba at likaw ng burukrasya ng pangungutang sa unibersidad. Siyempre hindi naman sila ang maysala. Kahit sila’y malamang nakukulili rin sa pagkahaba-haba at monotonous na sistema ng pangungutang at pagpapautang. Hindi ba’t napaka-bayolente ng ganitong sistema? Hindi ba’t napakabayolente ng mangutang para makapag-aral, at makapag-aral para muling mangutang? Suwerte na lang kung pagka-graduate natin ay makatagpo tayo ng trabahong magwawakas sa sirkulo ng pangungutang. Pero nanatili ang katotohanan na nabubulid ang mayorya ng ating mamamayan sa di-mapatid na sistemang ito.

Sa 300% pagtaas ng matrikula sa UP, nakababahala ang imposisyong ito na pinalilitaw bilang pagtataas ng kalidad ng edukasyon. Ang kabulaanang ito ang masigasig na hinuhubaran ng mismong mga mag-aaral at empleyado ng unibersidad: nananatiling atrasado ang mga pasilidad, kulang sa guro, klasrum at laboratoryo. May tinatawag nang “saksak fee” sa UP — pagbabayad para makapag-charge ng cellphone o makapagsaksak ng anumang gahetong kailangang ire-charge. Dagdag lamang ito sa listahan ng mga naimbento nang salita’t termino tulad ng dorm fee, laboratory fee, aircon fee, cultural fee, at kung anu-ano pang fee na nakakapipi ng bulsa’t katauhan. Ang katotohanan, nagtaas ng matrikula dahil sa kasinungalingang tataas ang kalidad ng edukasyon at maiibsan ang mga karagdagang bayarin. Pero ang dulo pa rin ng kuwento, nagbabayad tayo para mangutang at nangungutang tayo para magbayad para muling makautang. Kuha mo?

Tila walang hanggan itong kalakarang ito. Umaabot na ngayon sa unang palapag ng Vinzons Hall ang pila sa Student Loan Board. Hindi na tayo magtataka kung umabot hanggang sa monumento ng Katipunero sa labas ng gusali ng Vinzons Hall ang pila. Marami ngang pumapasa sa UPCAT at mga sertipikong kurso sa unibersidad, ngunit isa sa malaking dahilan ng mga estudyanteng hindi tumutuloy sa pagpasok sa UP ay dahil sa mataas na matrikula.

Ngayong magpipitong taon na akong nagtuturo sa unibersidad, marami pa ring kuwento ang mga Iskolar ng Bayan na nung nasa elementarya pa lang ako’y ibinabahagi na ng paaralan. Mga kuwento ng kalabaw na isinasangla at lupang sakahan na ibinebenta. Mga kuwento ng paghahanap ng scholarship at paghahanap ng sponsor at mauutangan. Para saan? Para sa matrikula ng diploma. Mga kuwento ng pangarap na makapagtapos ng pag-aaral at makapagtrabaho upang mabayaran ang mga pagkakautang. Bakit hindi nagbabago ang mga kuwento? Kung nagbago man, bakit pareho pa rin ang katapusan ng naratibo? Kuha mo?

Hindi na bago sa atin ang pagtataas ng matrikula at iba pang bayarin sa eskuwelahan. Ngunit manibago’t mahintatakutan tayo kung nasasanay na tayong tanggapin na lamang ang lahat ng ito bilang natural na bahagi ng kasaysayan ng ating edukasyon. Sapagkat tiwali ang ganitong lohika ng komersyalisasyon. Ang pagtataas ng matrikula ay nangangahulugan ng pagpapalakas sa bayolenteng sistema ng pangungutang. Ang pagtataas ng matrikula ay lohika ng pag-abandona ng pamahalaan sa konstitusyunal na responsibilidad nitong mapag-aral ang mamamayan. Hindi nga ba’t ito ang pangunahing idinahilan ng gobyernong Noynoy Aquino kung bakit kinaltasan ang badyet ng ating unibersidad at ng iba pang state universities and colleges? At tuwing nagkakaltas ng badyet, nakaamba ang pagtaas ng matrikula’t iba pang bayarin. At humahaba ang pila para mangutang upang muling makapangutang.

Taun-taong isinusubo sa atin ang ganitong pagtataas at pagkakaltas. Kung siyensiya ng katawan ang pag-uusapan, hindi ba’t mas lohikal lamang na kung labis ang itinutulak sa ating lalamunan at sikmura ay dapat tayong maimpatso o maduwal sa ganitong karahasan ng oligarkiya ng pagsasamantala? Kuha natin?