Ngayong Mayo Uno: Hiling para sa dagdag-sahod ‘malakas na irerehistro’
Tinatayang “sampu-sampung libong” manggagawa at mamamayan ang magmamartsa sa mga lansangan – sa Kamaynilaan at iba pang lugar sa bansa – para “malakas na irerehistro” ang panawagan para sa makabuluhang dagdag-sahod para sa mga manggagawa sa pribadong sektor at gobyerno.
Pangungunahan ng militanteng sentro ng kilusang paggawa sa bansa, ang Kilusang Mayo Uno (KMU), magtitipon ang mga militante sa iba’t ibang lugar sa Kamaynilaan at tutungo sa Liwasang Bonifacio sa Maynila para magprograma. Matapos ito, inaasahang magmamartsa sila patungong Mendiola, malapit sa Malakanyang, para ilapit sa yanigin umano ang kasalukuyang administrasyon.
Bilang paghahanda, naglunsad ng samu’t saring aksiyon ang iba’t ibang progresibong organisasyon para manghimok sa publiko na makiisa sa tinarugiang “Workers’ Day of Outrage” laban sa administrasyong Aquino.
Nitong nakaraang linggo, naglunsad ng aksiyon ang mga organisasyong tulad ng: Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage); Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay); Gabriela, militanteng alyansa ng kababaihan; Migrante International; Anakbayan at iba pang grupong pangkabataan; Alliance of Health Workers (AHW); Alliance of Concerned Teachers (ACT); at marami pang iba.
‘Dura sa mukha’

Naghikayat ang kababaihan ng Gabriela sa mga mamamayan sa palengke ng Constitution Hills sa Quezon City na lumahok sa pagkilos sa Mayo 1. (KR Guda)
Binatikos ng KMU ang “good news” diumano ni Pang. Benigno “Noynoy” Aquino III na pagtulak umano sa Regional Wage Boards na mag-apruba ng “rasonableng” dagdag-sahod sa mga manggagawa.
Matagal nang binabatikos ng KMU at iba pang institusyon sa paggawa ang sistemang pagdagdag-sahod sa pamaamgitan ng RWB. Anila, napatunayan sa kasaysayan na anumang “kakarampot na dagdag-sahod” na ibinibigay nito’y nalulunod sa tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Binatikos din ng KMU ang anunsiyo ni Aquino na pagbigay ng “non-wage benefits” sa mga manggagawa mula sa Pag-ibig, PhilHealth, Social Security System (SSS) at Governmetn Service Insurance System (GSIS) kaalinsabay ng Mayo 1.
“Hindi naman ito regalo e, dura ito sa mukha ng mga manggagawa!” ani Elmer “Bong” Labog, tagapangulo ng KMU.
Noong Abriil 28, sinabi ni Presidential Spokesperson Edwin Lacierda na nakatakdang magpulong sa Mayo 2 ang Regional Wage Boards. Dito ipinapasa ni Aquino ang pagdedesisyon kung magkakaroon ng dagdag-sahod.
Sinabi rin ni Lacierda na nakatakdang makipagpulong ang Pangulo sa mga moderate labor groups – di kasama ang KMU – at doon iaanunsiyo ang non-wage benefits na ipagkakaloob ng kanyang administrasyon sa mga manggagawa, sang-ayon sa rekomendasyon ng kanyang economic team.
“Lalo lang ikinagalit ng mga manggagawa ang patuloy na pagkait ni Aquino ng makabuluhang dagdag sahod na kailangang kailangan lalo na ngayon na di na maawat ang pagtaas ng presyo ng bilihin at serbisyo. Hindi ito gawain ng isang gobyernong may pakialam sa tumitinding kahirapan at kagutuman ng mga mamamayan. Gawain ito ng isang gobyernong nagpapakitang tao lang para masabing may ginagawa!” sabi pa ni Labog.
Sinabi pa ng naturang lider-obrero na nakakainsulto ang anunsiyong ito dahil “nagpapakahirap kami sa pagtatrabaho at ang hinihingi naming makabuluhang dagdag sahod ay katumbas lang ng 15% lang ng tubo ng mga kapitalista.”
Binanggit ni Labog ang pananaliksik ng Ibon Foundation na nagsasabing katumbas lang ng 15.1% na kabawasan sa tubo ng mga kapitalista sa bansa ang P125 across the board na dagdag sahod.

Larry Tan ng Koalisyon ng Progresibong Manggagawa at Mamamayan o KPMM: Nangalampag sa mga tanggapan ng gobyerno sa Quezon City para kumuha ng suporta para sa pagkilos sa Mayo 1. (KR Guda)
Maging ang paglunsad ng Department of Labor and Employment ng “job fair” ay binatikos ng KMU.
“Kung talagang nakapagbibigay ng trabaho ang mga Job Fair na ito, di sana matagal nang natapos ang problema ng kawalan ng trabaho sa bansa. Wala naman talagang silbi ang mga Job Fair na ito kundi pampapogi lang ng gobyerno,” ayon kay Labog.
Sinabi pa ni Labog na kahit mismo ang gobyerno sinasabing 10% lang ang kayang ibigay na agarang trabaho ng mga job fair na ito.
“Malinaw na may sapat na dahilan ang mga manggagawa at mga mamamayan na magpakita ng galit sa araw ng paggawa. Malinaw din na magpapatuloy at lalo pang titindi ang mga protesta ng mga manggagawa at mamamayan kahit pagkatapos ng Mayo Uno.” pagwawakas ni Labog.
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=13226














