Walang ‘mercy’ kay Merci: Dating Ombudsman hindi ligtas sa pananagutan


Kahit nagbitiw na si Merci, hindi dapat bitawan ang kaso laban sa mga nagdarambong sa bayan, ayon sa mga magsasaka. Mensahe din nila ito sa administrasyong Aquino: Nagbabantay kami, at naghihintay sa kanilang aksiyon laban kay Gloria Arroyo.

Merceditas Gutierrez: Dapat pa ring panagutin, ayon sa Anakpawis. (Boy Bagwis/PW File Photo)
Merceditas Gutierrez: Dapat pa ring panagutin, ayon sa Anakpawis. (Boy Bagwis/PW File Photo)

Sa pagsampa ng kasong kriminal laban kay dating Ombudsman Merceditas Gutierrez, nais ni Anakpawis Rep. Rafael Mariano na sabihin kay Pang. Benigno Aquino III na hindi palalampasin ng mga magsasaka si Gutierrez, dating Pangulong Gloria Arroyo at iba pang nagdambong sa kaban ng bayan.

“Nagbibigay ito ng mensahe sa administrasyong Aquino na nagbabantay ang mga magsasaka sa kanyang gobyerno at ang mga mandarambong sa kaban ng bayan ay hindi makakatakas,” sabi ni Mariano.

Hindi umano porke nagbitiw sa kanyang tungkulin  ay ligtas na sa pananagutan si Gutierrez. Ang isinampang kaso laban kay Gutierrez sa Department of Justice (DOJ) ay kaugnay ng P728-Milyong fertilizer fund scam noong panahon ni dating pangulong Gloria Arroyo.

Kasong obstruction of justice at perjury ang inihain laban sa kanya ng Anakpawis Party-list, Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya), Amihan, Unyon ng Manggagawa sa Agrikultura (UMA), Kalipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (Kasama-TK), Alyansa ng mga Magbubukid sa Gitnang Luzon (AMGL), at National Union of People’s Lawyers (NUPL) batay na rin sa paglabag sa Seksiyon 3 (e) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act. Kaugnay ito ng kasong graft na inihain ng mga nasabing organisasyon laban kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Ayon kay Anakpawis Representative Rafael Mariano, naging pangunahing protektor si Gutierrez ng “mastermind” sa likod ng korupsiyon sa P728-M pondo sa abono noong 2004.

Maaalala na noong Mayo 26, 2004, naghain si dating Solicitor General Francisco Chavez ng kasong plunder sa Office of the Ombudsman laban kina Arroyo,  Jocelyn “Jocjoc” Bolante, at iba pa hinggil sa kontrobersiyal na pondo na inilaan para sa proyektong Ginintuang Masaganang Ani (GMA).

Layunin sana ng naturang proyekto na ilaan sa abono at iba pang pangangailangan sa pagtatanim at ipamigay sa mga magsasaka.

Konsistent na pagharang ni Merci

Nang sumunod na buwan, naghain din ng kaso ang iba’t ibang organisasyon laban kay  Arroyo hinggil sa korupsiyon ng nasabing pondo. Nagsagawa rin ng serye ng imbestigasyon ang Senado sa pamamagitan ng Committee on Agriculture and Food at Committee on Accountability of Public Officer and Investigation (Blue Ribbon) hinggil sa fertilizer fund scam.

Samantala, naitayo ang “Task Force Abono” na nagsagawa ng mga fact-finding investigation sa ilalim ng Field Investigation Order – FIO Order No. 06-003 na inisyu ni Assistant Ombudsman Atty. Melchor Arthur Carandang.  Ibinigay noon ni Senator Ramon Magsaysay Jr. kay Carandang ang lahat ng dokumento hinggil sa P728 milyong pondo.

Noong Pebrero ng 2006, ibinigay naman ng Ombudsman Central Office ang lahat ng reklamo sa FIO para aksiyunan ito. Pero nang sumunod na buwan, nag-isyu si Ombudsman Gutierrez ng memorandum na nagsesentralisa ng lahat ng pag-apruba sa mga report, order, at resolusyon sa Ombudsman mismo. Bago nito, ang Assistant Ombudsman (FIO) ay awtorisadong mag-apruba sa mga ulat mula sa fact-finding investigation.

Noong Pebrero hanggang Marso 2007, nag-isyu ang Task Force Abono ng subpoena duces tecum sa Branch Manager ng Land Bank Department of Agriculture Extension Branch sa Elliptical Road sa Lungsod Quezon para magbigay ito ng record ng Bank Account na ginamit sa fertilizer fund scam. Pero noong Marso, nag-isyu naman si Ombudsman Gutierrez  ng Memorandum Order kung saan kailangan ng pag-apruba mismo ng Ombudsman sa lahat ng request at referral sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) para sa mga dokumento, impormasyon at kondukta ng eksaminasyon ng anumang bank account.

Noong Marso hanggang Abril ng 2007, humiling ang Task Force Abono ng travel authority para sa apat ng FIO field investigator na pupunta sa Cebu at Davao para mangalap ng rekord, dokumento at report sa opisina ng Commission on Audit sa mga nasabing lungsod at mangalap din ng sinumpaang salaysay mula sa mga saksi sa  Fertilizer Fund Scam. Pero hindi ito inaprubahan ng Ombudsman Central Office.

Noong Hulyo 31 2007, aabot na sa di kukulanging 40 Fact-Finding Investigation Report ang naisumite ng Task Force Abono na nagrerekomenda ng pagsasampa ng kasong kriminal at administratibo para sa preliminary investigation laban sa mga sangkot na opisyal at pribadong tao. Pero nakapagtataka na sa dami ng mga ulat na ito, noon lamang Abril 14, 2011 inaprubahan ng Office of the Ombudsman ang Joint Resolution dated 11 Marso 2011 sa pagsasampa ng kasong plunder at iba pang kasong kriminal laban kay Bolante at iba pang opisyal ng gobyerno at pribadong indibidwal.

Ayon kay Mariano, dapat panagutin si Gutierrez bilang kasabwat sa pandarambong sa pondo para sa mga magsasaka. Bahagi diumano ng paghahanap ng katarungan at pananagutan ng administrasyong Arroyo ang panibagong pagsasampa ng kaso ng grupo laban kay Gutierrez.