Panghaharas sa mga magsasaka sa Bukidnon kinondena


Kinondena ni Anakpawis Partylist Rep. Rafael Mariano ang patuloy na panghaharas sa mga nagpoprotestang magsasaka sa Central Mindanao University (CMU) sa Bukidon.

Larawan ng mga sugat ng mga magsasakang tinamaan sa diumano'y pamamaril. (Kontribusyon)
Larawan ng mga sugat ng mga magsasakang tinamaan sa diumano'y pamamaril. (Kontribusyon)

Kinondena ni Anakpawis Partylist Rep. Rafael Mariano ang patuloy na panghaharas sa mga nagpoprotestang magsasaka sa Central Mindanao University (CMU) sa Bukidon.

Noong Hunyo 14, anim na magsasaka ang nasugatan nang paputukan sila ng baril ng mga security guard ng CMU habang nagpoprotesta laban sa pangangamkam ng lupa ng naturang unibersidad sa mahigit 400 ektrayang lupain na matagal nang nililinang ng mga magsasaka.

Kinilala ang mga tinamaan ng bala ng baril na sina Abelardo Jardin, Gregorio Santillan at Larry de Vera habang sugatan naman sina Weni Loable, Jose Benemirito at Marilou Portin matapos silang sugurin at tangkaing gibain ang kampuhan na itinayo ng Buffalo-Tamaraw-Limus (BTL), isang alyansa ng mga magsasaka sa Maramag, Bukidnon.

Ang tinatayang 800 magsasaka sa lupaing inaangkin ng CMU ay pawang mga benepisyaryo ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP). Ginawaran sila ng 400 ektaryang lupain noong 1992 subalit kinansela ang kanilang Certificate of Land Ownership Awards (CLOA) mula 2002 hanggang 2007. Napilitang pumasok sa isang limang taong kontratang upa sa lupa ang mga magsasaka sa administrasyon ng CMU. Matapos ang kontrata, pinalayas sa kanilang lupa ang mga magsasaka at sapilitang inilipat sa kalapit na bayan ng San Fernando at Talakag sa hangganan ng Bukidnon, Davao del Sur at Misamis Oriental.

“Magsasagawa kami ng imbestigasyon sa Kongreso kaugnay ng paglabag sa karapatan ng mga magsasaka sa Bukidnon. Maliban sa pagsasampa ng kasong kriminal sa mga may-gawa nito, dapat ding panagutin si CMU President Maria Luisa Soliven sa panghaharas laban sa mga magsasakang nagpoprotesta nang mapayapa at naggigiit ng kanilang karapatan sa lupa,” ayon kay Mariano.

Sinabi pa ni Mariano na ang sitwasyon ng mga magsasaka sa CMU ay matingkad na halimbawa kung paanong ang 23-taong CARP at CARP extension with reforms (CARPER) ay bigo sa pagtugon sa deka-dekada nang suliranin sa kawalan ng lupa at pangangamkam ng lupa.

Kapalit ng umano’y peke at anti-magsasakang CARP at CARPER, isinusulong ni Mariano ang pagsasabatas ng House Bill 374 o ang Genuine Agrarian Reform Bill (GARB) sa mababang kapulungan ng Kongreso.