Pinoy Weekly

GMA sinampahan ng kasong sibil ng simbahang Protestante

Pagsama ng mga opisyal ng UCCP ng kaso laban kay dating pangulong Arroyo. (Macky Macaspac)

Pagsama ng mga opisyal ng UCCP ng kaso laban kay dating pangulong Arroyo. (Macky Macaspac)

Sinampahan ng kasong sibil si dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ng United Church of Christ in the Philippines (UCCP) sa Quezon City Regional Trial Court (RTC).

Pinagunahan ni Bishop Reuel Marigza, pangkalahatang kalihim ng UCCP, ang reklamo kasama ang anim na kaanak ng mga biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang sa panahon ng panunungkulan ni Arroyo.

Hinihiling ng mga nagsakdal sa korte na bayaran ni Arroyo ang mga biktima ng P5.4 Milyon bilang bayad-pinsala. P1-M dito ay para sa UCCP, P500,000 para sa bawat isa sa anim na pamilya, P300,000 para kay Pastor Berlin Guerrero at P500,000 para sa legal na gastusin.

“Napapanahon na upang panagutin si Arroyo sa mga paglabag na nagawa ng mga militar noong panahon na siya ay nanunungkulan pa,” ani Bishop Marigza. Sinabi rin ni Marigza na wala nang hadlang upang kasuhan si Arroyo dahil wala na siyang immunity tulad noong siya pa ang pangulo ng Pilipinas.

Ayon sa kasong isinampa ng UCCP, direktang may kontrol at command responsibility umano ni Arroyo sa Armed Forces of the Philippines, pero hindi niya napigilan ang malawakang paglabag sa karapatang pantao, na nagresulta sa ekstrahudisyal na pamamaslang, ilegal na detensiyon, pagharas at pagtortyur sa mga pastor at iba pang taong-simbahan.

Ang anim na biktima na kasama sa isinampang kaso ay sina:

Joel Baclao, UCCP Coordinator ng Disaster Relief Program sa Bikol na pinaslang noong November 2004;

Rev. Edison Lapus, conference minister ng Northeastern Leyte Conference, pinaslang noong May 12, 2005;

Pastor Andy Pawican, licentiate pastor, nakadestino sa Pantabangan, pinaslang noong May 21, 2006;

Rev. Raul Domingo, deputy minister ng Palawan Associate Conference, pinaslang noong Agosto 20, 2005;

Noli Capulong, pangulo ng UCCP Christian Witness and Service Program sa Calamba, pinaslang noong Mayo 27, 2006;

Pastor Berlin Guerrero, licentiate pastor ng North-East Southern Tagalog Conference na diumano’y dinukot, ilegal na ikinulong at tinortyur noong Oktubre 24, 2007.

Ang UCCP ang pangalawang grupong nagsampa ng kasong sibil laban kay Arroyo kaugnay ng mga paglabag sa karapatang pantao. Samantala, hindi pa rin pinapanagot ng kasalukuyang administrasyong Aquino ang nakaraang pangulo sa isyu ng mga pampulitikang pamamaslang, pagdukot, pagtortyur at iba pang abuso ng militar. (Macky Macaspac)

Ang UCCP ang pangalawang grupong nagsampa ng kasong sibil laban kay Arroyo kaugnay ng mga paglabag sa karapatang pantao. Samantala, hindi pa rin pinapanagot ng kasalukuyang administrasyong Aquino ang nakaraang pangulo sa isyu ng mga pampulitikang pamamaslang, pagdukot, pagtortyur at iba pang abuso ng militar. (Macky Macaspac)

Sa mahigit 1,000 biktima ng paglabag sa karapatang pantao sa panahon ng panunungkulan ni Arroyo, 18 ang biktima ng pamamaslang, isa ang biktima ng sapilitang pagkawala, tatlo ang inambus at nasugatan at apat ang biktima ng pagdukot, ilegal na detensiyon at tortyur na pawang kasapi o mga pastor ng UCCP.

Sa ilalim ng kampanyang Oplan Bantay Laya ng militar, kasama rin ang UCCP sa mga organisasyong pinaratangan na prente umano ng rebeldeng grupo at inilabas sa dokumentong “Knowing Thy Enemy” ng militar.

“Ang malisyoso at walang katotohanang pagbabansag na ito ang nagbigay ng di-makatarungang permiso upang ang mga taga-UCCP ay iniyutralisa sa ngalan ng pambansang seguridad,” ayon kay Marigza.

Idinagdag pa ni Marigza na bilang commander in chief ng AFP, hindi naparusahan si Arroyo sa kabila ng malalang mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao, gayundin ang mga salarin na militar.

Nauna nang nagsampa ng kasong sibil ang tinaguriang “Morong 43” laban sa dating pangulo, ngunit ito ang unang kasong isinampa na tanging si Arroyo bilang commander in chief ng AFP ang akusado.

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=14002

Posted by on Jun 17 2011. Filed under Balita. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes