Pinoy Weekly

Laging buhay si Lino Brocka

Sa pamamagitan ng Pandayang Lino Brocka Political Film and New Media Festival, laging buhay si Lino Brocka bagamat marami pang mga organisasyon at kilusan na nagbibigay-pugay hanggang ngayon sa Pambansang Alagad ng Sining sa Pelikula.

Kamakailan nga ay ipinagpaliban ang palugit ng pagsusumite ng mga lahok sa PLB, pinaikling patungkol sa pandayan, upang makahabol pa ang mga intresado lalo na mula sa hanay ng mga estudyante at mga tagapaglikha ng pelikula sa mga lalawigan, malayo man o malapit.

Sa Miyerkules, ika-22 ng Hunyo, 2011 ang hulin araw ng pagtanggap ng mga lahok sa pestibal na ito na progresibo at naghahandog ng kamalayan sa publiko sa pamamagitan ng pelikula, anuman ang porma nito—maikli, may sapat na haba o full feature film, dokyumentaryo at iba pang genre na puwedeng paglilliman at pagsilangan ng isang malayang akda.

***

Ang tema ng pagtatanghal ngayon ay “Nationalism and Love of Country.”

Para sa PLB, hindi payak ang paksang ito kundi napakalawak at napakalalim na talakayan ang maisasalin nito sa puting tabing.

Marami na ang mga independiyenteng manlilikhang-pampelikula ang sumali sa taunang okasyong ito.

Hindi natin namamalayan ay ikatlong taon na ng PLB at nagdiriwang ang mga nasa likod ng proyektong ito sa patuloy na suporta ng mga tao o asosasyon sa gawaing ito na mataas ang uri, katuturan at matayog ang nilalaman at nais na ipunla sa reyalistikong lupa ng larangan ng showbiz dahil ito man ay showbiz na showbiz dahil malalim, masalimuot, malawak, makulay, madrama, madula, matalinghaga, maintriga, matsismis, matunggali at iba pang katangian ng buhay sa lipunang ito.

***

May mga nakakausap na kaming independent o indie filmmaker na nakapagbigay na ng kani-kanilang lahok sa PLB at isa na rito si Jeffrey Ramos, isang batambatang filmmaker na madiskarte at hindi titigil hanggang hindi natutupad ang pangarap na maging isang tinitingalang direktor sa pelikula.

Pati na ang isa pang indie director na si Gerry Jumawan ay sa palagay namin ay nagbigay rin ng kanyang obra sa taong ito dahil noong isang taon ay sumali siya at sa kabutihang-palad ay natanggap ang kanyang trabaho, ang “Hulagway.”

Noong isang taon din ay isinali namin ang aming documentary short film na “Dumagat” at opisyal ding napili.

Pagkatapos noon ay ini-reedit namin ang “Dumagat” para sa kauna-unahang Festival of Photos, Documentary Films and Reportage on ASEAN 2010 Hanoi, Vietnam at nagtapos kami sa pampalubag-loob na karangalan pero para sa amin ay ayos na ‘yon dahil nagsisimula pa lang kami sa paggawa ng dokyu bagamat dalawampu’t isang taon na rin ang aming karanasan sa aninong gumagalawa o sa telebisyon kaya may sanligan na ang aming konseptwal na gulugod kung paano talakayin ang mga istorya o anggulo ng bawat dokyumentaryo.

***

Ngayong taong ito, ayon kay Nonoy Lauzon, ang isa sa mga aktibong miyembro ng Young Critics Circle at beteranong programmer ng University of the Philippines Film Institute Cine Adarna, ang imortal na klasikong obra ni Lino ang magbubukas ng Ika-3 PLB sa Agosto at sa Cine Adarna rin ito iatatanghal—ang “Angela Markado” na siyang pinagbidahan ni Hilda Koronel mula sa komiks na kuwento ni Carlo J. Caparas.

Kaya marami na ang nananabik sa panonood ng mga lahok sa 3rd Pandayang Lino Brocka Political Film and New Media Festival at aligaga na rin ang mga nasa likod nito, kabilang sina Lady Ann Salem at Sam Montuya.

Ang isa sa mga nag-umpisa ng PLB ay walang iba kundi ang isa ring filmmaker at musikerong si Abet Umil.

Nagkaroon kami ng pagkakataon na makilala at makausap si Abet sa pagdiriwang ng pagtula ng batang si Joma Malihan sa Antipolo City.

Bokalista rin ng banda si Umil at makasining din ang kanyang bisyon.

***

Magiging matindi na naman ang labanan ng mga lalahok sa ikatlong pagdaraos ng PLB sa Pilipinas.

Ang mga mag-aaral mula sa iba’t ibang dako ng kapuluan ay hindi magpapahuli sa pagpapabongga ng kanilang mga likhang-sining.

Paano pa ang mga propesyunal, bating, may komprehensibong kaalaman sa pelikula mula sa pamamaraan hanggang sa nilalaman, na matindi at nakakarindi ang mga imbesyon para sa pelikulang showbiz na showbiz.

Kaya abangan ang Ika-3 Pandayang Lino Brocka Political Film and New Media Festival.

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=14007

Posted by on Jun 19 2011. Filed under Showbiz. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes